Pahayag

Desperasyon ng 2nd ID na baluktutin ang dakilang mithiin ng mga kabataang rebolusyonaryo, bigo!

,

Ipinapakita ng ipinost at ipinalaganap ng 2nd Infantry Division na mga tala sa notebook na nakuha sa naganap na labanan sa pagitan ng isang yunit ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro at 58th IBPA at iba pang pwersa ng 203rd Brigade noong Marso 29 ang desperasyon ng AFP at reaksyunaryong estado na siraan ang rebolusyonaryong kilusan at ang dakilang layuning palayain ang bayan mula sa pang-aapi at pagsasamantala sa pamamagitan ng pagtahak sa armadong pakikibaka.

Nakakatawang pilit na binabaluktot ng 2nd ID sa mga tala sa notebook na naglalahad ng pag-iisip at kagustuhan ng isang rebolusyonaryong kabataang dalisay na naghahangad ng pagbabago sa lipunan. Nahihibang sila sa kanilang layuning lipulin ang rebolusyonaryong kilusan matapos ang paulit-ulit na kabiguan. Sa paghahangad na takutin ang iba pang mga kabataan sa maaari nilang sapitin kapag pumasok sa rebolusyonaryong kilusan ay ipinost nila ang naturang mga tala sa notebook para ipakita kung ano ang tumatakbo sa isip ng isang rebolusyonaryong kabataan.

Sa halip na masira ang imahe ng rebolusyonaryong kilusan, bumwelta sa kanila ang kanilang kahangalan dahil ipinapakita ng mga tala sa naturang notebook ang dalisay na mithiin ng isang kabataang rebolusyonaryo at kasabay nito’y, ginawang makatao (na-humanize) ang pamumuhay sa loob ng isang yunit ng NPA. Inilahad nito ang mga prinsipyong isinasapuso ng mga rebolusyonaryo at ang kanilang kahandaang batahin ang mga kahirapan, sakripisyo at kamatayan.

Kasabay nito, nais gamitin ng 2nd ID ang nakuhang notebook upang idiin si Charlize Garzon. Si Charlize Garzon ay isang manggagawang pangkultura na iligal na dinakip ng AFP-PNP matapos ang naganap na labanan noong Marso 29. Walang malinaw na implikasyon ang notebook kay Charlize anumang pagpipilit ng militar na iugnay siya dito dahil lamang sa isa siyang manggagawang pangkultura. Sukdulang pakana ito ng mga militar matapos na magtamo ng kabiguan sa labanan noong Marso 29 na iniresulta ng pagkamatay ng opisyal ng 68th IB na si Capt. Dean Buen Oyando.

Kasabay nito, nagkukumahog silang pagtakpan ang mga isinagawang paglabag sa karapatang tao ni Charlize na mariing inaalmahan ng mga kapamilya, kaibigan at tagasuporta niya. Iligal siyang inaresto, sinampahan ng mga gawa-gawang kaso at ginawan pa ng pisikal at berbal na pang-aabuso at tortyur ng militar. Pinagbabawalan din siyang makausap ang pamilya at abogado na ayon sa kanyang kagustuhan sang-ayon sa mga karapatan na dapat tinatamasa ng isang mamamayang Pilipino sa ilalim ng reaksyunaryong batas. Nais ihulog ng reaksyunaryong sistema ang pamilya ni Charlize sa buktot at madugas nilang pamamaraan na ipakakausap umano si Charlize sa kanyang ina ngunit sa ilalim ng kanilang kontrol at kundisyong hindi maaaring magsama ng paralegal man lamang ang ina.

Gamit ang pagtapak sa karapatang tao ni Charlize, iniraratsada ng pasistang AFP ang doktrinang countering violent extremism na ipinatutupad sa ilalim ng National Action Plan for Unity, Peace and Development tulad ng ginawa nito sa kaso nina Chantal Anicoche, Jerlyn Doydora at Stephanie Borinaga. Nakabalangkas ito sa United Nationas Global Counter-Terrorism Strategy kung saan pinalalabas na terorismo o marahas na ekstrimismo ang paglaban ng indibidwal o grupo laban sa mapang-api at mapagsamantalang sistema. Buktot na layunin ito upang bigyang-matwid hindi lamang ang pagpapahirap sa bayan, kundi ang karahasan at panunupil na isinasagawa pangunahin ng AFP-PNP.

Sa katusuhan at kalupitan ng 2nd ID, lalo lamang nilang ipinakita ang kanilang kasamaan at higit na pinatingkad ang mga batayan ng kabataan ng kasalukuyang henerasyon kung bakit makatarungan ang maghimagsik sa estado. Hindi papayag ang mga kabataang Pilipino na sikilin ang kanilang kritikal na pag-iisip at panatilihin silang mangmang sa tunay na kalagayan ng lipunan para lamang sa ganansya at alwan ng iilan. Nalalantad ang AFP-PNP bilang protektor ng kasalukuyang kaayusan ng estado na patuloy na naglulugmok sa buong bayan sa kahirapan, korapsyon at pangangayupapa sa imperyalismong US.

Hangga’t nananatili ang bulok na kalagayan ng bayan sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema ng lipunan, patuloy na magkakaroon ng mga kabataang maghahanap ng kasagutan at titindig para sa karapatan ng bayan. Patuloy silang makikibaka kasama ang mga aping uring manggagawa at magsasaka upang isulong ang tunay na kalayaan at demokrasya.

Desperasyon ng 2nd ID na baluktutin ang dakilang mithiin ng mga kabataang rebolusyonaryo, bigo!