Digmang bayan ang tanging daan sa pagkamit ng hustisya sa mga biktima ng Mendiola Masaker

, ,

Sa ika-2 ng Enero, 37 taon, pampitong rehimen ang ilehitimong administrasyon ni Marcos Jr, wala pa ring natatamong hustisya ang 13 biktimang magbubukid ng karumal dumal na masaker sa paanan ng Mendiola. Malinaw ang may sala, ang militar at Philippine Constabulary o PC. Walang sinuman ang naparusahan. Larawan ito ng kabulukan at umaalingasaw na reaksonaryong hustisya sa bansa.

Nakaukit na sa kamalayan ng mamamayan ng Timog Katagalugan ang pamamaslang ng estado sa pamamagitan ng AFP-PNP. Walang kaparis ang kademonyohan ng mga pulis at militar sa Guinayangan Massacre (1981), Tagkawayan Massacre, San Antonio (Laguna) Massacre, Bloody Sunday Massacre (2021) at Balayan 7 (2023); gayundin sa mga sibilyan kagaya ng matandang may kapansanan sa pag-iisip na si Maximino Digno at ang pitong taong gulang na si Kylene Casao sa Batangas, at dalawang magkokopra ng Quezon na sina Jorge Coronacion at Arnold Buri at marami pa. Ilan lamang ang mga ito sa krimen ng AFP-PNP. Tampok din ang higit sa 30,000 biktima ng war on drugs ng hibang, bengador at mamamatay-tao, dating pangulong si Duterte. Mga pinatay ng panahon ng pasistang Diktador na si Marcos Sr na di bababa 7,000, labas pa daang libong mga inagawan ng lupa, kinulong, tinortyur, hamlet at iba pang anyo ng paglabag sa karapatang pampulitika at pang-ekonomiya. Hindi rin pahuhuli sa karahasan ang total war ni Cory Aquino na nakapadron sa Low Intensity Conflict ng US, magkakasunod na kampanyang militar ng pasista, magnanakaw at tuta ng US na mga rehimen mula kay Heneral Fidel Ramos hanggang Noynoy Aquino.

Minana naman ng ilehitimong rehimeng Marcos II, ang EO 70, Anti-Terror Law, NTF-ELCAC na nagpapahirap sa mamamayan. Nilaanan ito ng bilyong pisong badyet, katunayan, lumobo ang badyet sa depensa at modernisayon ng AFP tungong 21.6%. Pabulusok naman at tinatapyasan ang badyet para sa kalusagan, edukasyon at iba pang serbisyo sosyal. Bwenamano sa 2024, inanunsyo ng USDA, ang Pilipinas ay ang numero uno sa pag-iimport ng bigas sa buong daigdig. Malagim na katotohanan, resulta ng Rice Tarrification Law na naisabatas sa panahon ng ulol at utak pulburang si Duterte.

Neoliberal na patakaran sa agrikultura at ekonomiya ang inaatupag at diin ng rehimen Marcos Jr at mga kroni nitong malalaking burges komprador, lalo ang mga nakapwesto sa mga ahensya ng gubyerno tulad nina Aboitiz, Go, si Laurel-Tiu ng DA na dambuhalang negosyante sa pangisdaan. Ni ingaw ay hindi umiimik at walang pahayag ang mga ito hinggil sa tunay reporma sa lupa. Wala ring tunay na programa para pangalagaan ang lupa, buhay at kabuhayan ng magsasaka at sambayanang Pilipino.

Sa halip, Cha-cha, People’s Initiative o PI ang palalo at pailalim na pakana para buu-buong ibuyangyang at ilako ang lupa, negosyo, pamumuhunan sa mga dayuhang negosyong US. Ang Cha-cha at PI ay pakita ng pagiging tapat at sunud-sunuran ni Marcos Jr sa among Amerikano, para matiyak ang kanyang pananatili sa pwesto. Hihimod sa pwet ng US si Marcos Jr para isalba ang kanyang paghahari at matiyak ang pagnanakaw at pangunglimbat at pasarap buhay. Sa gitna ito ng pagkawasak ng UNITEAM nina Marcos-Duterte na lantaran at pailalim na nagbabalyahan sa gubyerno kung saan maaaring humantong ito sa komprontasyong militar.

Ang umuugong, kumukulo at nagbabadyang kudeta ng pangkating Duterte-Arroyo ay hindi para hanguin sa kahirapan ang mamamayan, at lalong hindi para magkaroon demokratikong pagbabago sa lipunan. Kundi para isulong ang makauring interes ng pangkating Duterte-Arroyo, na posibleng nanliligaw din ng suporta ng imperyalismong China, para makapaghari at makapandambong sa bansa. Syempre pa, para di maampat ang pagtampalasan at pagkopo sa bilyong halagang yaman sa ilalim ng dagat ng WPS.

Walang ibang solusyon, at makakamit lang ang katarungan sa lahat ng biktima ng kalupitan ng estado sa malakolonyal at malapyudal na kaayusan kundi ang pambansa demokratikong rebolusyon, sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Rebolusyong agraryo at armadong pakikibaka ang tiyak, walang mintis at di magagapi na hahawi para sa lipunang malaya at walang uri.

Digmang bayan ang tanging daan sa pagkamit ng hustisya sa mga biktima ng Mendiola Masaker