Digmang bayan lamang ang panlaban sa martial law at pasismo
Ngayong araw, ang ika-52 anibersaryo ng pagsasailalim sa bansa sa batas militar ng pasistang diktador na Ferdinand Marcos Sr. Ginugunita natin ang Martial Law sa panahon na ang bansa ay muling pinaghaharian ng mga Marcos.
Ngayong nakapanumbalik sa poder, todo pagsisikap ang mga Marcos na burahin sa memorya ng masang Pilipino ang mga lagim ng Martial Law at ang poot ng sambayanan sa kanila. Sa Ilocos, nagdiwang ang mga Marcos sa kaarawan ng kanilang pasistang diktador na ama noong Setyembre 11 at pilit nilang binubuhay ang kasinungalingan ng “ginintuang panahon” ng pasistang diktadura. Nagpamudmod ng mumong ayuda, at inaakala ng mga Marcos na sa pamamagitan nito ay mabubura sa masang Ilokano ang katotohanan ng teror ng Martial Law. Sa mismong bayan ni Ferdinand Marcos Sr sa Ilocos ay nangyari at paulit-ulit na ikinukwento ng masang Ilokano ang malalagim na karanasan nila sa masaker, salvagings, panununog sa mga komunidad, maramihang pang-aaresto at pagdedetine, sapilitang pagpapalikas, sapilitang pagbenta sa barat na presyo ng produktong tabako sa harap ng nakaumang na baril at marami pang detalye ng karahasan. Tiyak, hinding-hindi rin makakalimutan ng tribung Kaigorotan ang pamamaslang sa kanilang pinunong Ama Macliing Dulag, gayundin ng mga masang Muslim sa malagim na masaker sa Jolo City at marami pang karahasan sa iba’t ibang dako ng bansa.
Ayaw man nilang paniwalaan, kailangang maipamukha sa mga anak, mga apo at buong angkan ni Lakay Ferdinand Marcos Sr na ang tinatamasa nila ngayong karangyaan at kapangyarihan ay bunga ng pagpapatupad ng marahas na Martial Law.
Ipinataw ni Marcos Sr ang Martial Law upang mamonopolyo ang mga industriya, lupain at likas yaman ng bansa, at tugunan ang monopolyo kapitalistang demanda ng US sa hilaw na materyales at pamilihan ng sobrang produkto. Ang Martial Law ay rekisito ng imperyalistang US sa pagkontrol sa sosyo-pulitikal na sistema upang makontrol ang ekonomya ng bansa. Nagpayaman ng husto ang pamilyang Marcos at ang kaniyang mga kroni sa paglimas sa pondo ng bayan habang lalong nabangkrap ang ekonomiya sa paglaki ng depisito sa export-import at paglaki ng utang panlabas. Dahil dito ay lalong naghikahos ang mamamayan.
Ginamit ang Martial Law upang ikonsolida ang kaniyang kapangyarihan at pahabain ang kaniyang termino lagpas sa dalawang termino ng presidente na pinapayagan ng 1935 Constitution. Kinailangan din niyang hadlangan ang umiigting na rebolusyonaryong armadong pakikibaka at demokratikong kilusang masa kung kaya’t ipinataw ang Martial Law.
Itinulak ng pasismo ng estado ni Marcos Sr ang sambayanang Pilipino sa armadong paglaban. Sa buong bansa, maging sa Ilocos, ito ang panahong lumakas ang NPA na nagdulot ng malalakas na hambalos sa armadong puersa ng diktadurang US-Marcos na nilangkapan ng dambuhalang protesta ng taumbayan hanggang sa mapatalsik ang pamilyang Marcos.
Kahit nabuwag ang pasistang diktadura ni Marcos Sr, at pinanumbalik ang demokrasya ayon sa isinasaad sa ipinalit na Konstitusyon noong 1987, nagpatuloy ang pasismo at pagsikil sa demokratikong karapatan ng mamamayan. Ito ay dahil sa nanatili ang kontrol ng imperyalistang US sa AFP at buong makinarya ng estado upang ipagpatuloy na durugin ang pakikibaka ng sambayanan at ipagpatuloy ang paghawak sa ekonomya ng bayan.
Ang panunumbalik ng mga Marcos ay patunay sa kabulukan ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Nakapanumbalik sila sa tulong ng imperyalistang US at kanilang mga kasapakat na malalaking burges kumprador, panginoong maylupa at burukrata kapitalista. Minanipula nila ang eleksyon ng 2022 upang maging presidente si Ferdinand Marcos Jr at muling mamayagpag ang kanilang dinastiya.
Ipinagpapatuloy ng rehimeng Marcos II ang pagpapatupad ng mga neoliberal na patakarang nagpapaibayo sa pangangamkam ng lupain at kawalan ng lupa, tuloy-tuloy na pagkasira ng lokal na produksyon sa agrikultura, ng patakarang importasyon, pangangamkam at pagwasak sa kalikasan ng mga dayuhang kapitalista na nagdudulot ng krisis sa klima at sumasalanta sa kabuhayan at buhay ng kalakhang mamamayang magsasaka at mangingisda, papataas na dayuhang utang na binabalikat ng sambayanan sa mga buwis at pagtaas ng presyo ng mga bilihin, paparaming bilang ng walang hanapbuhay at maayos na pagkakakitaan at bagsak na sahod sa harap ng papataas na gastusin.
Umiiigting ang pasistang tiranya sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II. Sa ilalim nito ay sumidhi ang militarisasyon sa kanayunan. Sa Ilocos, kahit ipinagmamalaki na naresolba na ang insurhensya dito ay tadtad ang deployment at pagkakampo ng mga puersa ng AFP at PNP sa mga komunidad ng magsasaka, mangingisda at katutubong mamamayan. Ibinuhos dito ang buong pwersa ng 4th Marine Brigade na katuwang ng US Marines sa paghahanda sa gyera sa China, ang mga pwersa ng Philippine Army na 50th, 10nd at 702nd, kabilang ang mga pandagdag na pwersa ng PNP at CAFGU.
Lahat ng mga puersang ito ay pumapapel sa lahatang panig na operasyong militar – kombat, paniktik, harassment, saywar, at kampanyang pagpapasuko. Sa ikalawang taon pa lamang ng rehimeng Marcos II ay umigting ang kampanya ng AFP-PNP-NTF-ELCAC sa red-tagging, warrantless arrest, puersadong pagpapasuko, saywar, surveillance at pagpila ng gawa-gawang kaso sa mga aktibista, lider masa at kahit mga inosenteng masa sa Ilocos na nakikibaka para sa sapat na ayuda at kabuhayan ng magsasaka at mangingisda, laban sa pang-aagaw ng ansestral na teritoryo ng pambansang minorya at pagtutol sa pagbabase ng imperyalistang US sa rehiyon.
Sa hayagang paninikluhod ni Marcos Jr sa imperyalistang US, humigpit ang kontrol at naging mas agresibo ang panghihimasok ng militar ng US sa Pilipinas upang gawing base ng kaniyang imperyalistang agresyon sa Asya. Sa pagpapahintulot ni Marcos Jr, isa ang Ilocos sa ginagamit ngayon na base militar, istasyon ng kagamitang pandigma, base ng paniktik at lunsaran ng mga ehersisyong militar ng imperyalistang US
Ginugunita natin ang Martial Law upang iparating ang mensahe na ito ay bigo at mabibigo ang anumang iskema ng pasismo at militarisasyon upang hadlangan ang digmang bayan at demokratikong pakikibaka ng masa. Habang umiigting at sumisinsin ang militarisasyon at pasismo sa ilalim ng rehimeng Marcos II, umiigting din ang kapasyahan ng mamamayang Pilipino upang isulong ang digmang bayan. Hindi nalulupig ang kanilang hukbo, ang NPA, na mula sa paglakas nito sa panahon ng Martial Law ay nakakapangibabaw sa tuloy-tuloy na mga malalakihang opensibang militar ng mga nagdaang rehimen hanggang sa kasalukuyan. Sa Ilocos, namamaniobrahan ng NPA ang masinsing deployment ng mga puersa ng AFP at patuloy itong nagpapalawak, nagrerekober at nagkokonsolida ng mga rebolusyonaryong base, habang patuloy na isinusulong ng masa ang kanilang rebolusyonaryo at demokratikong pakikibaka.
Sa harap ng mabilis na pag-igting ng pasismo sa ilalim ng rehimeng Marcos II, itinutulak ng NDF-Ilocos ang kagyat at mapagpasyang pagtutuloy ng peace talks upang isulong ng pambansa-demokratikong programa—habang isinusulong ang pangunahing tungkulin sa pagsusulong ng armadong pakikibaka. Kailangang paigtingin ang mga taktikal na opensiba ng NPA upang wasakin ang mararahas na operasyong militar at kampanyang panunupil ng AFP-PNP-NTF-Elcac. Nararapat ding isabay ang pagpapaigting ng pakikibakang masa upang labanan ang panunupil at itulak ang mga lehitimong demanda sa kabuhayan.
Hinihimok ng NDF-Ilocos na sariwain ang ating makasaysayang pakikibaka sa panahon ng Martial Law at ibahagi sa mga kabataan ngayon ang aral dito na walang mabisang panlaban sa batas militar kung hindi ang digmang bayan. Ang mga kabataan ngayon na hindi nakaranas ng Martial Law, ay nakakaranas ngayon ng hindi deklaradong Martial Law. At walang pinagkaiba ang nararapat na tugon—na tanging sa armadong rebolusyon lamang makakamit ang pambansang kalayaan at demokrasya.