Digmang Bayan sa India, Makatarungan at Magtatagumpay!

, ,

Nakikiisa ang PKM-TK sa mamamayan ng India sa patuloy na na walang pagod at pagupunyagi sa mahigpit na tangan sa digmang bayan at katiyakan ng tagumapay sa hinaharap. Ipinaabot din namin ang pinakamataas na pagpupugay sa mga martir at bayani ng digmang bayan ng India.

Sa kabila ng layo ng distansya at pambansang kakanyahan, ang digmang bayan sa India at Pilipinas ay maraming pagkakahalintulad. Higit sa lahat, ang digmang bayan sa India at Pilipinas ay parehong pinamumunuan ng Partido Komunista na kapwa tumatalima sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at malalim na nakaugat sa uring anakpawis.

Kapwa isinusulong ng mga ito ang demokratikong interes ng mga magsasaka at pambansang minorya para sa lupa laban sa mga nagmomonopolyo ng lupa at nangangamkam na mga dayuhang kumpanya sa pagmimina at mga dayuhang monopolyo kapitalistang mandarambong. Pawang nagsusulong ang mga ito ng demokratikong pakikibaka ng mga manggagawa, kabataan, estudyante, kababaihan at iba pang demokratikong sektor laban sa mga mapagsamantala at mang-aapi.

Namumuno ang CPI (Maoist) sa People’s Liberation Guerrilla Army katulad ng kung paanong ang PKP ay namumuno rin sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Pilipinas. Kapwa ang PLGA at BHB ay naglulunsad ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya habang nagtatayo ng mga organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika ng mamamayan at naglulunsad ng mga kampanya upang isulong ang kilusan sa reporma sa lupa. Sa pagtatamasa ng malawakang suporta, patuloy na nagpapalawak at nagtitipon ng malalaking tagumpay ang PLGA at BHB sa larangan ng armadong pakikibaka.

Kapwa kinakaharap ng digmang bayan sa India at Pilipinas ang brutal na mga kampanya ng panunupil na isinasagawa ng reaksyunaryong pwersa sa dikta ng imperyalistang gubyerno ng US. Ang Operation Green Hunt ng mga reaksyunaryong Indian at ang JCP-Kapantagan ng mga reaksyunaryong Pilipino ay kapwa gumagamit ng pinakamalulupit na uri ng armadong panunupil na nagbubunsod ng lansakan at malawakang mga paglabag sa karapatang-tao. Hindi nagkakaiba ang mga aktong ito ng panunupil na nakatuon laban sa rebolusyonaryong masa sa imbing pagtatangkang sindakin ang mamamayan.

Sinisiraan ng mga imperyalistang US at mga reaksyunaryo ang mga rebolusyonaryong pwersa sa India at Pilipinas bilang “mga terorista.” Subalit hindi nila napigilan ang paglago ng rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan sa India at Pilipinas na kapwa matatag na sumusulong nang may malalim at malawak na suporta ng mamamayan. Paulit-ulit at mapag- pasyang binigo ng digmang bayan sa India at Pilipinas ang pagtatangka ng mga reaksyunaryo sa armadong panunupil habang matatag nilang tinutugunan ang aspirasyon ng mamamayan para sa demokrasya.

Ninanais at sinisikap buuin ng mga rebolusyonaryong pwersang Indian at Pilipino ang isang malapad na internasyunal na anti-imperyalista at demo- kratikong kilusan upang isulong ang interes ng masang anak-pawis sa gitna ng papalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng pangkabangkarote ng mga patakarang neoliberal. Tinatanaw ng digmang bayan sa India at Pilipinas ang malaking potensyal sa rebolusyonaryong pagsulong sa harap ng pag-igting ng pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan sa mga kapitalista at malakolonyal at malapyudal na bansa.

Tinatanaw ng mamamayang Pilipino ang ganap na tagumpay ng rebolusyong Indian habang hinahangad nilang makamit ang tagumpay sa kanilang sariling bayan. Tinutugunan ng mamamayang Pilipino at Indian ang interes ng proletaryado at mamamayan ng buong daigdig sa pamamagitan ng paglulunsad ng digmang bayan sa kani-kanilang bansa at sa armadong pagbigwas sa mga imperyalista at mga reaksyunaryong kasapakat nila. Hindi maitatatwang sa kasalukuyang yugto ay magbibigay-inspirasyon ang kanilang pagsulong at tagumpay sa iba pang mamamayan ng daigdig para manindigan laban sa mga imperyalista at maglunsad ng rebolusyon upang makamit ang pambansa at panlipunang paglaya.

Mabuhay ang PKI-Maoist at PKP-MLM!

Biguin ang kampanyang panunupil ng Rehimen Modi!

Tiyak ang tagumpay ng ating Digmang Bayan!

Digmang Bayan sa India, Makatarungan at Magtatagumpay!