Duterte Death Squad laban sa NPA, mabibigo


Nangangarap nang gising si Duterte kung inaakala niyang malilipol niya ang NPA sa pamamagitan ng pagtatayo ng sariling Duterte Death Squad (DDS) laban sa rebolusyonaryong kilusan. Hibang na hibang si Duterte na kamtin ang kanyang target na lipulin ang NPA sa kalagitnaan ng 2019. Matatapos na ang 2018, ngunit ni kalahatiin man lamang ang bilang ng NPA ay hindi niya nakamit.

Simula pa lang ng kanyang pagyayabang na pagtatayo ng isang DDS laban sa NPA, bigo na si Duterte dahil sa pantasya niyang matatambangan nito ang mga NPA na tambay o nasa mga pampublikong lugar. Ang totoo, tulad ng kanyang gera-kontra-iligal na droga na naglalayong patumbahin ang malalaking drug lord at sindikato sa bansa, mga karaniwang mamamayang pinaghihinalaan o walang kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan ang kanyang pupuntiryahin. Lalala ang culture of impunity na ipinapalaganap ng rehimen dahil sa kanyang bantang hindi lamang NPA ang papatayin kundi mga progresibo at nakikibakang masa. Ibayong dadami ang bilang ng mga extra-judicial killings sa bansa habang ipagmamalaki ni Duterte sa pamamagitan ng fake news ang diumanong paghina ng rebolusyonaryong kilusan sa bansa dahil sa pagtaas ng bilang ng mga pinaslang.

Samantala, singkahulugan din ng pag-amin ni Duterte na mayroon siyang sariling death squad na ginagamit sa Davao para patumbahin ang kanyang mga karibal sa pulitika at negosyo sa droga. Namumuhi at nagngingitngit ang mamamayan na ang presidente ng GRP ay numero unong mamamatay-tao sa bansa. Batid nilang walang kinabukasang ihahatid ang isang pasista, tiranikal at nag-aastang diktador na pangulo sa bansa.

Kung gayon, higit na kailangan ang pagkakaisa ng sambayanang Pilipino upang labanan ang pasismo ng administrasyong Duterte. Nararapat ang patuloy nilang pakikibaka upang maipagtanggol nila ang kanilang mga batayan at demokratikong karapatan laban sa isang bulok na gobyernong walang ibang sinasandalan kundi ang kamay-na-bakal laban sa nakikibakang mamamayan. Nakahanda ang mga larangan sa ilalim ng Melito Glor Command — NPA Southern Tagalog na tanggapin ang mga aktibista at mamamayang nanganganib ang buhay upang maipagtanggol ang sarili sa pasistang rehimen.

Duterte Death Squad laban sa NPA, mabibigo