Duterte, inutil sa insidente sa Recto Bank

Inutil si Duterte na harapin ang China sa sinadyang pagsagasa at pagpapalubog ng mas malaking barko nito sa pangisdang basnig na F/B Gem-Ver na naglagay sa panganib ng buhay ng 22 mangingisdang Pilipino sa Recto Bank ng West Philippine Sea. Kung hindi nasagip ng barkong pangisda ng Vietnam ang 22 mangingisda, malamang na mauwi sa nakamamatay na sakuna ang pangyayari. Ang pagiging tikom ng bibig ni Duterte sa umpisa at paglaon nakipagkoro sa linya ng China ay malinaw na patunay ng pagsuko ng soberanya ng Pilipinas at pagiging lampa sa harap ng aroganteng pustura at panghihimasok ng China sa exclusive economic zone ng Pilipinas sa WPS.

Kasuklam-suklam si Duterte sa kanyang mahabang pananahimik. Sa kanyang talumpati sa ika-101 anibersaryo ng Philippine Navy walang kahihiyang naging tagpagsalita si Duterte ng China at inayunan ang inilabas na pahayag ng huli na aksidente lamang ang naganap na diumano’y banggaan ng barkong pangisda ng China at ng Pilipinas sa WPS. Dahil sa pamamalimos ng ayudang pautang sa China para sa kanyang programang Build, Build, Build, buong kataksilang inabandona ni Duterte ang kapakanan ng mga mangingisdang Pilipino at isinuko ang karapatan at soberanya ng bansa sa mga teritoryo ng Pilipinas sa WPS.

Kailangan ni Duterte ang ayudang pautang ng China para gawing gatasan ng mga kroni at kaalyado para sa sariling pagpapasasa at pagpapayaman. Kinakailangan niya ang pondo mula sa China upang mapanatili ang katapatan ng kanyang mga kroni at alyado, samantala, kinakailangan niya rin ang suporta ng US upang makapaghari ng lagpas 2022.

Dapat panagutin ng mamamayan si Duterte, lalo ng mamamayan ng Mindoro at ng rehiyong Timog Katagalugan. Hindi na maaaring maulit ang pagkawawa sa ating mga kababayan sa sarili nating mga teritoryo. Itambol ito sa internasyunal na komunidad upang panagutin ang China sa krimen nito sa 22 mangingisda at sa pagkamkam sa teritoryo ng Pilipinas sa WPS.

Hindi kinakailangan ng sambayanang Pilipino ang isang inutil, taksil, gahaman at pasistang pangulo na magbebenta ng soberanya ng bansa sa mga dayuhang kapitalista at imperyalista. Dapat na magbuklod at magkaisa ang mamamayan para labanan at patalsikin ang rehimeng Duterte sa armado’t di armadong pamamaraan. Sama-samang isigaw: TAMA NA, PATALSIKIN NA! ###

Duterte, inutil sa insidente sa Recto Bank