Pahayag

FMO sa Real, perwisyo sa mamamayan

Ngayong Nobyembre, ikinasa ng AFP ang focused military operations (FMO) nito sa Real, Quezon. Nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan ang naturang FMO at walang idinudulot kundi takot at perwisyo sa mamamayan sa naturang bayan.

Sa loob ng 3 linggo nitong operasyon, serye na ng paglabag sa karapatang-tao ang naisagawa ng AFP.

Iligal nitong hinalughog ang mga kubo ng isang pamilya—walang mandamyento de rekisa, habang ipinalabas pang ang nakumpiska nitong gamit ay nakuha sa kuta ng NPA.

Nagkakailang kaso na rin ng harasment at red-tagging ang isinagawa nito sa mga residente. Pinagbantaan ng mga elemento ng AFP ang mga residente nito. Maging ang mga galamay ng AFP sa lugar ay katuwang nito sa paghahasik ng takot sa mga lugar na nilulunsaran ng operasyon.

Ang kasalukuyang FMO sa Real ay bahagi ng pagtitiyak ng AFP-PNP na walang hahadlang na mga pwersa ng NPA sa lugar upang mabilis na maisulong ang proyektong Real Wind Power Project.

Bukod dito, taunan rin nitong ikinakasa ang operasyon gayong papalapit na ang anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas. Alisto at bantay-sarado ang AFP sa anumang maiulat sa kanilang impormasyon hinggil sa diumano’y presensya ng CPP-NPA sa lugar. Balak nitong barahan ng operasyon ang Real dahil takot na takot itong makadaupang-palad ng masa ang Bagong Hukbong Bayan.

Inaakala nitong mahahadlangan ng operasyon ang pagkakaisa ng masa at hukbo sa paglutas sa kanilang mga suliranin tulad ng mga proyektong Real Wind Energy at dam na kakamkam sa mga lupaing ilang dekada nang binubungkal at pinakikinabangan ng mga magsasaka dito, pati na ang mga gumigipit sa kanilang hanapbuhay. Ang proyekto ay pagmamay-ari ng Power Project ng Real Wind Energy Inc. na magpoprodyus ng 250 MW na kuryente at Joint Venture ng Maraj Energy Management Pte Ltd. Ito ay sasaklaw sa mga barangay ng Kiloloron, Capalong, Tagumpay, Tignoan,Tanauan, Malapad, Lubayat, Bagong Silang, Maragondon at Llavac na may kabuuang lawak na 5,670 ektarya.

Sa kabila nito, sampal sa mukha ng AFP na nananatili ang katapatan ng mamamayan sa kanilang tunay na hukbo. Gaano mang takot ang ihasik nito sa lugar, sa rebolusyonaryong kilusan sumasalig ang mamamayan para sa kanilang mga problema, habang ipinararating ang mga dinadanas at nasasaksikhan nitong panggigipit at panlilinlang ng isinusuka nilang mersernaryong AFP. Patunay lang ito ng pag-ugat ng NPA, sa gabay at absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, sa mamamayan. Subukan mang bulabugin ng AFP at pasistang estadong pinamumunuan ni Marcos Jr. ang kalagayan sa kanilang panlilinlang, pananakot at pandarahas, sa huli’y titining ang ‘di mawawaglit na ugnayan ng mamamayan, ng Partido at Hukbo, at ang kawastuhan ng sama-samang isinusulong na pambansa-demokratikong rebolusyon.

FMO sa Real, perwisyo sa mamamayan