Hakbang laban sa impyunidad ang paglalabas ng mga Wanted poster
Ang kamakailang paglalabas ng mga Wanted poster na naglalaman ng mga pangalan at litrato ng mga indibidwal na nais patawan ng masa ng hustisya ay nakabatay sa lehitimong mga krimen sa mamamayan. Ang pagpoproseso ng kanilang mga kaso at paglalabas ng naturang mga poster ay nakaayon sa mga polisiyang ipinapatupad ng Demokratikong Gubyernong Bayan bilang kinikilalang awtoridad sa mga lugar kung saan nakatayo ang pulang kapangyarihang pampulitika. Ang Demokratikong Gubyernong Bayan at ang mga proseso nito ay tumatalima sa Internasyunal na Makataong Batas.
Inililinaw ito ng National Democratic Front-Rizal kaugnay sa inilabas ng NTF-ELCAC na pahayag na anyo ito ng spy-tagging at saywar na nakakapagpahamak sa buhay ng mga tinukoy na indibidwal. Binabaluktot ni Ernesto Torres Jr. ang mga kaso ng mga ito bilang “walang ebidensya” samantalang ang katotohanan ay pinangangalagaan niya ang mga kriminal na nagsasapanganib ng buhay ng ordinaryong mamamayan at tumatapak sa karapatang-tao.
Si Eric Simogan, isa sa mga indibidwal na nilaman ng mga Wanted poster, ay sinampahan ng kaso kaugnay ng pagtataksil at pagkakanulo sa rebolusyonaryong kilusan. Sumuko at boluntaryo siyang nakipagkompromiso sa 80th IBPA at ngayon ay nagpapakasangkapan sa propaganda ng nasabing yunit at ng 2nd IDPA. Mula 2020, naging instrumento siya ng NTF-ELCAC sa pagpapakalat ng mga kasinungalingan kaugnay sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan sa Rizal. Malisyoso niyang tintatatakang terorista ang mamamayang nakikibaka para sa kanilang interes at kagalingan. Pinangungunahan niyang harangan ang mga inilulunsad na pagkilos at pamamahayag ng mga progresibong grupo. Biktima niya ang mamamayan mula sa sektor ng mga magsasaka, katutubong Dumagat at Remontado, manggagawa, maralitang-lungsod at mga kabataan-estudyante sa Rizal.
Ang mga ginagawa ni Simogan, sa katunayan, ang siyang nagpapahamak sa buhay ng maraming masang Rizaleño hanggang sa kasalukuyan. Pinakikita lamang din nito ang kapal ng mukha ng NTF-ELCAC para tangkaing baliktarin ang katotohanan at palabasing ang rebolusyonaryong kilusan ang nagpapahamak sa buhay ng mamamayan. Dahil sa mga krimeng ito, inihapag sa Demokratikong Gubyernong Bayan ang kanyang mga kaso upang dalhin siya sa hustisya alinsunod sa mga proseso nito.
Patunay lamang ang inilabas na Wanted poster sa pagtugon ng Demokratikong Gubyernong Bayan sa isinampang kaso ng mamamayan, at na hindi nito hahayaang mamayani ang impyunidad at kawalang-pananagutan sa lipunan. Nararapat lamang na mailantad sa publiko ang mga kaso ng mga indibidwal katulad ni Simogan sa mamamayan bilang isang hakbang tungo sa pagkakamit ng hustisya. Muli, tinitiyak ng NDF-Rizal na ang mga batas at proseso ng Demokratikong Gubyernong Bayan ay tumatalima sa Internasyunal na Makataong Batas.
Hinihikayat namin ang mamamayan na patuloy na magsampa sa Demokratikong Gubyernong Bayan ng mga kaso laban sa mga yumuyurak sa karapatang-tao at nagsasapanganib ng kanilang buhay at kabuhayan. Humakbang tayo tungo sa tunay na hustisya at laban sa impyunidad!