Hindi matatapos ang diwa ng EDSA People Power Higit pang pasiglahin at palawakin ang mga pakikibakang bayan kontra-korapsyon
Pinagpupugayan ng NDFP-ST ang mamamayan ng Timog Katagalugan at malawak na sambayanan sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power upang gunitain ang makasaysayang araw na nagpatalsik sa diktador at nagwakas sa Martial Law noong 1986. Sa okasyong ito, itinambol ng nagkakaisang mamamayan sa iba’t ibang panig ng bansa ang malakas na panawagan para sa pagpapanagot sa lahat ng burukrata kapitalistang sangkot sa malawakang katiwalian sa pangunguna ng mga hari at reyna ng korapsyon na sina Marcos at Duterte na nagdulot ng labis na pahirap sa bayan. Kapareho ito ng mga panawagan noong EDSA I para palayasin sa pwesto ang mga nasa tuktok ng kapangyarihan na nagpapahirap sa bayan.
Marapat balik-aralan ang mga araw na naganap ang EDSA People Power kung saan buong tapang na hinarap ng mamamayang Pilipino ang armadong pwersa ng noo’y diktadurang US-Marcos I para ipanawagan ang pagpapatalsik sa diktador at igiit ang demokrasya at katarungan sa madudugong krimen nito sa bayan. Bago ang EDSA People Power, naganap ang kahindik-hindik na Martial Law na nagresulta ng daang libong kaso ng paglabag sa karapatang tao kabilang ang mga pamamaslang, masaker, pagdukot, tortyur, iligal na pang-aaresto, sapilitang detensyon at iba pa. Habang binabalot ng karimlan ang buong bayan, inilusot ng pamilya Marcos at mga kroni nito ang malawakang pandarambong sa bayan kung saan naitala ang $10 bilyong pagnanakaw ng pondo, ang naitalang pinakamalaking pagnanakaw ng isang gubyerno sa Guiness World Book of Records.
Ang kasaysayang ito ang pilit pinagtatakpan ng kasalukuyang rehimeng US-Marcos II na nagsagawa ng samutsaring pakana para baluktutin ang kasaysayan at magkalat ng disimpormasyon. Pilit na binubura ni Marcos Jr. ang tunay na kaganapan sa likod ng EDSA I at nais ipawalangsaysay ang papel nito sa kasaysayan. Hindi niya rin ito kinikilala bilang okasyon na dapat ipagdiwang ng mamamayang Pilipino na lumaya sa higit 20-taong diktadura.
Katulad ng mamamayang Pilipino ng panahon ng EDSA I, nakikibaka ang kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino para papanagutin si Marcos Jr. sa mga krimen nito sa bayan pangunahin ang garapalang korapsyon sa kaban ng yaman. Kasabay na sinisingil si Sara Duterte na karibal niya sa poder ngunit katulad niyang tiwali sa gubyerno. Ngayong buwan lamang, may mga pagsisikap ang mamamayan sa pangunguna ng mga progresibo na usigin ang dalawa sa pagsasampa ng kasong impeachment. Pang-apat na impeachment complaint na ang naihain kay Sara Duterte habang ang impeachment complaint kay Marcos Jr. ay parang utang na inilista sa tubig at pinigilan kaagad ng rubber stamp na Kongreso. Ito ang dahilan kung bakit makatwirang dalhin sa lansangan ang paniningil upang yanigin ang nagbibingi-bingihang gubyerno.
Dahil sa takot sa lakas ng mamamayan, desperadong pinipigilan ang mga delegasyon sa paglulunsad ng protesta. Una na rito ang pagbabawal na isagawa ang protesta sa paghihigpit na bigyang permiso ang mobilisasyon. Sa mismong araw ng protesta, sinabotahe ng mga pulis ang pagkilos ng mga progresibong grupo at ipinipinta sa publiko bilang “pampagulo sa trapiko” habang tinambakan ng puu-puong libong pulis. Ayon sa mga ulat, sinikap na harangin ang mga jeep ng delegasyon mula sa rehiyong Timog Katagalugan na lalahok sa mobilisasyon sa EDSA.
Kagaya ng diwa na ipinamalas ng mamamayan noon sa EDSA I, hindi nagpatinag ni nagpasindak ang mamamayan ngayon para iparating ang kanilang hinaing sa rehimeng US-Marcos II. Kapuri-puri ang pagpupursige na isagawa ang protesta anuman ang balakid ng estado para singilin at papanagutin ang mga sangkot sa korapsyon.
Dapat higit na ipatambol ang mga panawagan ng pagpapanagot lalo sa gitna ng paglustay sa trilyong pisong pondo ng bayan. Sa flood control projects pa lamang, bilyun-bilyong piso ang kinuhang kikbak ni Marcos at ng kanyang mga kasapakat. Nalantad din nito lamang Pebrero ang mga ebidensyang malinaw na nagdetalye ng pagkakasangkot at pagpapasimuno ni Marcos Jr. sa korapsyon ng pondo ng bayan lalo sa proyektong flood control at iba pang proyektong pang-imprastraktura. Nauna nang nalantad ang garapalang pagnanakaw ni Sara Duterte sa pondo ng bayan sa ilalim ng confidential and intelligence fund ng kanyang opisina at ng DepEd noong nagsilbi siyang kalihim nito. Ang mga ito ay malinaw na mga batayan ng katiwalian ng rehimeng US-Marcos II na pilit tinatabunan ng gubyerno. Nagbabatuhan ang magkaribal na paksyong Marcos at Duterte ng sisi sa korapsyon gayong kapwa sila mga tiwali bilang mga pangunahin at pinakasagad-saring burukrata kapitalista sa bansa.
Sa Timog Katagalugan, ang mamamayan ang nagdurusa sa grabeng pangungurakot na pinagpasasaan ng mga lokal na burukrata kapitalista. Pinakikinabangan nila ang napakalaking pondo ng bayan sa 1,265 proyektong flood control na umaabot ng ₱83 bilyon, kung saan 162 proyekto ang kabilang sa flagged na may kabuuang halagang ₱17 bilyon. Sa kabila ng ganito karaming proyektong flood control, nananatiling binabaha ang mga komunidad sa halos lahat ng probinsya sa rehiyon. Ninanakaw na nga ang pondo, kinukuripot at pinapapasan pa ng estado sa mamamayan ang dagdag singil sa buwis ng value added tax at iba pa. Nito lamang Pebrero nagtaasan ang presyo ng gasolina at singil sa kuryente habang ipinagsasawalambahala ito ng gubyerno para sa ganansya ng mga burgesya komprador at dayuhang negosyante.
Sa ganitong kalagayan, hindi na dapat pagtakhan kung bakit hindi mapipigilan ang galit ng mamamayan. Naghahanap ang sambayanan ng tunay na solusyon sa gitna ng labis na kahirapan na hatid ng burukrata kapitalismo. Kinakandili ng imperyalismong US ang mga burukrata kapitalistang kagaya nina Marcos at Duterte upang panatilihin ang kontrol sa ekonomya, politika, militar, kultura at ugnayang panlabas ng bansa.
Tungkulin ng rebolusyonaryong pwersa na ihatid ang mamamayan sa landas ng rebolusyon bilang natatanging solusyon sa krisis. Aral na itinuro ng EDSA People Power na ang tunay na pagbabagong panlipunan ay makakamit lamang sa pamamagitan ng nagkakaisang pagkilos ng mamamayan at paglulunsad ng armadong pakikibaka upang wakasan ang paghahari ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Hangga’t nananatili ang kahirapan, kailangang determinadong isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang tagumpay!###