Pahayag

Hindi Kailanman Mapipigil ng Psywar ang Lumalawak na Apoy ng Rebolusyon!

,

Nagkakandarapa ang mga puwersa ng estado na ipalaganap ang huwad na ‘kapayapaan’ at pagmukhaing mapupulbos na ang Hukbong Bayan. Sa pamamagitan ng pagbuhos ng disimpormasyon sa social media at psywar na may iba’t ibang porma at anyo, nagpakalat ang estado ng mga panlito, mga maling ideya, at nagpapakawala ito ng mga kinakasangkapang taksil sa rebolusyon para baliin ang diwa ng mamamayan at pilayin sila mula sa pagmartsa patungo sa landas ng rebolusyon. Sa sobrang lulong nila sa sariling propaganda, kahit sa kabila ng sunod-sunod na matagumpay na aktibong depensa ng BHB, sinusubukan pa rin ng kaaway na lokohin ang kaniyang sarili at ang masa na ang mga tagumpay ng rebolusyonaryong kilusan ay isang mapanlinlang na pagtatangka na pagtakpan ang kaniyang pagkatalo. Ito’y napakalayo mula sa katotohanan at hinugot lamang mula sa ere ng mga taksil na nagpapagamit.

Sa kabila nitong mga pasistang atake ng kaaway at sa halip na malugmok o matakot sa mga pakana ng estado, lipos ang aming rebolusyonaryong optimismo. Binabati ng Kabataang Makabayan – Agaton Topacio ang magigiting na mga Pulang mandirigma sa kanilang sunod-sunod na tagumpay na opensiba at aktibong depensa sa iba’t ibang larangan! Mula Negros, Mindoro, Quezon, Aurora, Bukidnon, Albay, Leyte at marami pang iba, kitang-kita na bumibigwas sa pasistang kaaway ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan. Pinabubulaanan nito ang mga kasinungalingan ng pasistang rehimeng US-Marcos Jr sa kaniyang pakana na linlangin ang mamamayan.

Bilang nakabalangkas sa “whole of nation approach,” ang National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD) ay nagsisilbing komprehensibong mapa ng reaksyunaryong estado upang hindi lang lalong lumpuhin kundi tuluyang puksain ang rebolusyonaryong kilusan sa loob ng tatlong taon. Itinalaga ang mga upisyal ng NTF-ELCAC na mangunguna sa pagsasagawa ng mga inilatag programa na nakapaloob rito, isang lantad na pagbasbas ng kapangyarihan sa mga terorista. Taliwas sa ipineprente nilang pagbuo ng kapayapaan, malinaw na banta ang NAP-UPD sa buhay ng mga sibilyan, lalo na ng mga progresibing grupo na nagsusulong ng demokratikong karapatan. Alam nating lahat: hindi ito bago. Ang kaliwa’t kanang paglabag ng karapatang pantao tulad ng red-tagging, pagpapalaganap ng disimpormasyon, at walang hiyang pagkitil ng buhay ay ilan sa mga brutal na krimen gamit ang kanilang malawakang makinarya. Alam rin natin na sa kabila ng kanilang puwersa laban sa kilusan ay marami rin silang kapalpakan. Sa trilyon nang inaabot ng budget ng AFP-PNP at NTF-ELCAC, nakikita natin na ang nilalaanan nilang atensyon ay panunupil sa kapwa Pilipino. Ito ay upang maging madulas ang panghihimasok ng mga dayuhang korporasyon at dayuhang tropa ng US, Japan, Australia, Canada at marami pang iba. Sa gitna ng umaalingasaw na korapsyon sa hanay ng naghaharing-uri, tuluyan nang binebenta ni Marcos Jr ang Pilipinas sa mga dayuhan.

Kahit pa ba’y nagpapanggap ang reaksyunaryong estado na tapat ang kaniyang pasya na solusyonan ang mga ugat ng armadong tunggalian, kitang-kita sa kaniyang pagpapabaya sa mamamayan na isang kasinungalingan ito. Ang kaniyang mga programa tulad ng “Barangay Development Program,” at E-CLIP ay magiging daluyan lamang para sa korapsyon. Noong 2024, ni isa sa mga proyekto ng NTF-ELCAC ay hindi nakumpleto, nasaan na napunta ang mga pondo na nilaan para doon? Tinatanggi pa ng mga upisyal ng NTF-ELCAC pero isa itong patunay na ang korapsyon ay umaabot sa bawat sulok ng reaksyunaryong estado.

Pinapakita ng mga sunod-sunod na pinsala ng bagyo, lindol, at iba’t ibang mga sakuna ang kapalpakan ng estado. Ang mga sunod-sunod na paglabag sa karapatang pantao, kabilang na ang brutalidad ng mga pulis at pang-aaresto at pag-subpoena ng mga kabataang lumalaban ay mas lalong pumapaypay sa nararapat na galit ng mamamayan. Nahahayaan na ng gobyerno ang tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pagkain, at wala man lang sa listahan ng prayoridad ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa, o paglutas sa problema ng kawalan ng lupa sa kanayunan. Dapat tutulan at tuligsain ang mga hakbangin na ito, lalo na ang pakikipagsabwatan ng mga pribadong institusyon, pamantasan at sibilyan na ahensya sa mga programa na nakasaad sa NAP-UPD.

Dahil dito sa mga iba’t ibang isyu na ito, pinapatunayan ng mga sunod-sunod na pagkilos, kumprontasyon, welga, at taktikal na opensiba na nararapat lamang lumaban. Dahil pahirap nang pahirap ang sitwasyon ng mga ordinaryong Pilipino mula sa iba’t ibang sektor, nasa atin ang mga dahilan para tuloy-tuloy na lumaban sa iba’t ibang anyo at porma, primarya ang porma ng armadong pakikibaka. Isa itong patunay sa batas ng paggalaw ng ating lipunan, at hindi ito matanggap o magagap ng mga reaksyunaryo sa kanilang mga pakana na supilin ang makatuwirang diwa ng paglaban. Makatuwiran ang maghimagsik, huwag sumuko. Nasa atin ang mga dahilan, nasa atin ang ‘di magagaping sandata ng sama-samang paglaban ng mamamayang Pilipino.

Nitong mga nakaraang taon, lumalago ang korapsyon at krimen sa digma sa AFP. Sa layunin ng pagpapanatili sa reaksyunaryong sistema, ang NAP-UPD ay nagtataguyod ng malawakang korapsyon at pasismo. Mula 2022 hanggang 2025, higit 78 na mga rebolusyonaryo, mandirigma at sibilyan, ang pinatay labag sa batas ng digma. Sa pangkabuuan: 124 ang biktima ng extrajudicial killing, 15 ang desaparacidos at higit 400 ang naging biktima ng ilegal o arbitraryong pag-aresto. Sinasabotahe ng rehimen ang mga hakbangin patungo sa pagbubukas ng mga usapang pangkapayapaan.

Sa pamamagitan ng mga iba’t ibang reaksyunaryong batas at panukala ng rehimen, dumudulo sa malawakan at sistematikong paglabag ng karapatang pantao. Maiuulat na mula Hulyo 2022 hanggang Marso 2025, lampas 5,000,000 na tao ang nakaranas ng mga paglabag sa karapatang pantao. 50,000 na ang mga Pilipino na nakaranas ng pambobomba, 60,000 sa pamamaril, at 40,000 ang nakaranas ng pagbabakwit o pagpapalayas mula sa kanilang mga lupain at paninirahan.

Ang mga ipinapakat na tropa ng AFP ay nagiging responsable para sa mga malalang mga krimen sa digma sa iba’t ibang baryo sa kanayunan. Ang mga sinasabing ‘intelligence’ work at ‘relief’ work sa katunayan ay prente para sa general’s pork barrel at malawakang paglabag sa karapatang pantao. Kahit ilang beses pa magmalinis si Gen. Brawner at ang buong kumand ng AFP, kitang-kita ang kabulokan ng burukrata-kapitalismo sa hanay ng mga hukbo ng reaksyunaryong estado. Maraming laganap na krimen sa digma na nagaganap sa iba’t ibang lugar na humahantong sa karahasan, pangingikil at pagpapaslang ng mga sibilyan. Ang lahat ng ito’y patunay na ang rehimeng US-Marcos Jr. ay isang pasistang rehimen na dapat pabagsakin sa pamamagitan ng Demokratikong Rebolusyong Bayan.

Mula sa pagsasanay ng mga eksperto sa psywar, kontrainsurhensya at digma, ang mga pasistang tropa ng AFP ay nagiging mahusay sa pagpapakalat ng lagim sa iba’t ibang komunidad at sila’y natatangi sa kanilang paglabag sa karapatang pantao. Ito ang dahilan kung bakit ang AFP ang tunay na terorista. Maraming mamamayan ay nakaranas na ng matinding panunupil, pananakot, strafing, panghuhuli, at tortyur sa ilalim ng kamay ng AFP at PNP. Dapat tanungin ng mga kawal ng AFP at PNP sa sarili nila kung talagang may halaga ba ang kanilang matataas na sahod kung ang ikakaharap nila sa kinabukasan nila ay ang lumalagablab na apoy ng masang naniningil para sa kanilang mga krimen sa digma.

Sa kaniyang pinaka-esensya, nais ng kontrainsurhensya na hatiin ang mamamayan para mas madali silang pagsamantalahan. Ang sagot dito, gaano man kahirap ang mga hamon na kakaharapin, ay ang pagpapalawak at pagpapalalim ng pag-organisa sa masa, upang magkaisa sila laban sa kumon na kaaway na imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Walang maibibigay na tunay na pagbabago ang mga pakana ng estado tulad ng NAP-UPD dahil layunin nitong ipreserba ang naghaharing sistema. Nananatili ang mga dahilan para tahakin ng mga batayang masa at ng mga kabataan ang landas ng rebolusyon na siyang tunay na sasagot sa mga saligang suliranin na ito. Ang natatanging kinabukasan ng reaksyunaryong estado ay ang kaniyang pagkabagsak at paglaho na parang alikabok lang, dahil ang batayan para sa kaniyang armadong lakas ay punong-puno ng mga kontradiksyon, at umaasa sa pagsustento ng pondo, kagamitan, at gabay mula sa kanilang among imperyalismong US.

Sa kabila ng mga kaliwa’t kanan na pag-atake ng estado at mga pribadong pamantasan sa mga karapatan ng kabataan at batayang masa, determinado ang KM-Agaton Topacio na paramihin pa ang mga kabataang sasampa sa Bagong Hukbong Bayan sa mga susunod na buwan. Tatahakin namin ang marangal na landas ng armadong pakikibaka, kagaya ng isinulong ng Katipunan na tinutuloy namin sa kasalukuyan. Hinding-hindi mapipigilan ng reaksyunaryong estado at ang kaniyang mga galamay na gahamang kapitalista-edukador ang aming tuloy-tuloy na paglakas at paglawak patungo sa mga iba’t iba pang mga organisasyon, paaralan, at komunidad. Sasabog sa mukha ni Marcos Jr ang kaniyang pagpapalaganap ng puting lagim dahil hindi nila maapula ang sumasabog na galit ng mamamayan. Hindi na dapat maging kataka-taka kung dumami nang dumami ang mga balangay ng Kabataang Makabayan sa susunod na mga buwan! Magiging kabilang ng dakilang hanay namin ang mga kabataang intelektwal, kabataang manggagawa at kabataang maralita na may lakas ng loob na harapin ang hamon ng panahon: Kabataan, tumungo sa kanayunan! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Kabataang Makabayan!

Mabuhay ang NPA!

Lumaban hanggang huli! Lumaban hanggang tagumpay!

Isulong ang Digmang Bayan!

Hindi Kailanman Mapipigil ng Psywar ang Lumalawak na Apoy ng Rebolusyon!