Hinding hindi madudurog ng Operasyong Kagaar at JCP Kapanatagan ang digmang bayan sa India at Pilipinas! Paulit-ulit na bibiguin ng sambayanang Indian at Pilipino ang lahat ng programang kontra-insurhensya ng mga papet na rehimen ng US!

, ,

Mahigpit na nakikiisa ang NDF Mindoro sa mga manggagawa at magsasaka ng India na nakikibaka para sa kanilang lupa, kabuhayan, karapatan at, sa kahuli-hulihan, sosyalismo. Ngayong Buwan ng Pakikiisa sa India mula Hunyo 20 hanggang Hulyo 20, ilulunsad ng mga yunit ng PKP-BHB-PDP sa isla at ng masang Mindoreño ang mga pangkulturang aktibidad at pag-aaral upang pataasin ang ating pakikiisa sa masang api at mga rebolusyonaryo ng India. Ang ating mga pakikibaka ay pinag-uugnay ng kanilang mga pagkakatulad at ng ating komun na kaaway na imperyalismo. Gaya ng paglaban ng mga katutubong Mangyan ng Mindoro sa agresyon ng mga proyektong mapandambong sa kalikasan, pang-aagaw ng lupa at militarisasyon, nagrerebolusyon ang mga pambansang minoryang Adivasi ng India laban sa mga nang-aapi sa kanila. Gaya ng rebolusyong Pilipino, ginagabayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo ang rebolusyong Indian sa pamamagitan ng Partido Komunista ng India-Maoist (PKI-M). Ito rin ay naglulunsad ng armadong pakikibaka sa pamamagitan ng People’s Liberation Guerilla Army (PLGA). Inilulunsad ng sambayanan ng India ang isang demokratikong rebolusyong bayan (DRB) at kanilang isinusulong ang rebolusyong agraryo sa kanilang bayan.

Sa kabila ng malaking ekonomya, nananatiling isang mala-kolonyal at mala-pyudal na bansa ang India kung saan kalakhan ng populasyon ay mga magsasakang nawalan ng lupa. Pinapatupad ng Prime Minister ng India na si Narendra Modi at ng namumunong partidong kanyang kinakatawan ang pasistang ideolohiya ng Nasyunalisong Hindu sa buong bansa at isinasagawa ang paglabag sa karapatang pantao ng mga Muslim at mga pambansang minorya na malaking bahagi ng populasyon. Pinapataw sa mga uring magsasaka at manggagawa ang pinakamasahol na pasismo.

Gaya ng sambayanang Pilipino, pinipili ng masang api ng India na lumaban sa nabubulok na lipunan. Inilulunsad sa higit 50 taon ng mga proletaryong rebolusyonaryo ang matagalang digmang bayan sa India. Noong 1967, nag-armas at nag-aklas ang mga pesante ng Naxal, Kanlurang Bengal at kanilang sinimulan ang “pulang daluyong” na kumalat sa buong bansa. Ngayon, pinagpapatuloy ng PKI-M at PLGA ang DRB. Pinagkakaisa ng mga pwersa ng rebolusyong Indian ang mga manggagawa at magsasaka. Inilulunsad nila ang mga taktikal na opensiba, ang rebolusyong agraryo at isinasagawa ang pampulitikang edukasyon at gawaing pangkultura sa hanay ng masa. Mapangahas nilang pinapalawak ang kanilang baseng masa at itinatayo ang gubyernong bayan sa mga pinalayang purok para tiyakin ang paglahok at representasyon ng masa sa rebolusyon.

Para papasukin ang dambuhalang negosyo ng mga naghaharing uri at durugin ang paglaban dito ng masa at ng mga rebolusyonaryong pwersa, sinimulang ilunsad ng pasistang rehimeng Modi ang Operasyong Kagaar nitong Enero 2024. Pinakilos ang 10, 000 pwersang militar para supilin ang mga rebolusyonaryong pwersa at ang masa. Hindi bababa sa 130 na mga sibilyan at rebolusyonaryo ang pinatay ng Operasyong Kagaar at nagtala na ito ng napakaraming paglabag sa karapatang pantao. Hindi ligtas ang mga bata at mga matatanda sa brutalidad ng Operasyong Kagaar.

Partikular na binibiktima ng Operasyong Kagaar ang mga katutubong Adivasi na nakatira sa Abujhmaad. Maraming likas na yamang matatagpuan sa nasabing rehiyon gaya ng mga metal na bakal, tanso, zinc at lead. Umaasa ang mga Adivasi sa lupa para sa kanilang kabuhayan; sila ay nagtatanim at nag-uuling. Subalit, palagiang nanganganib ang lupa ng mga Adivasi mula sa mga malaking pastuhan at mga dambuhalang korporasyon na nandarambong sa likas na yaman ng rehiyon. Sa ilalim ng mga operasyong militar, biktima ang mga katutubong Adivasi ng sapilitang pagpapasuko, pagpatay sa mga bata, walang habas na mga pambobomba, iligal na pang-aaresto at pagde-detine at tortyur—lahat ay labag sa internasyunal na makataong batas. Kinahaharap ng mga Adivasi ang isang henosidyo na pinalala ng rehimen ni Modi at ng Operasyong Kagaar.

Malinaw ang ugnayan ng pakikibaka ng mga Adivasi ng India at ng mga Mangyan ng Mindoro: ang dalawang grupo ay mga pambansang minorya, nakatira sa mayamang lupaing dinarambong ng mga dambuhalang korporasyon at humaharap sa masahol at sistematikong paglabag sa karapatang pantao mula sa gubyernong kontrolado ng US na namumuno sa India at Pilipinas.

Ginagamit ng Operasyong Kagaar at ng rehimeng Modi ang parehong mga taktika ng mga papet na rehimen sa Pilipinas. Ipinatupad noon ng reaksyunaryong rehimeng US-Arroyo ang madugong Oplan Habol Tamaraw sa Mindoro. Naging target ng reaksyunaryong gubyerno ang Mindoro dahil sa lakas ng rebolusyonaryong kilusan sa isla, mga tagumpay sa pagbawi at pamamahagi ng malawak na lupain sa masa at ang nabubuong organisadong lakas ng masa sa mga organisasyong masa at mga binhi ng Demokratikong Gubyernong Bayan. Pinakilos ng reaksyunaryong gubyerno sa Pilipinas ang libo-libong militar at isinagawa ang parehong mga krimen laban sa sangkatauhan sa Mindoro na ginagawa ng rehimeng Modi sa mga magsasaka at manggagawa ng India. Pinagpapatuloy ng kasalukuyang rehimeng US-Marcos II ang marahas na panunupil sa masang Pilipino sa pamamagitan ng Joint Campaign Plan Kapanatagan (JCP Kapanatagan). Tinaguriang “eye of the storm” o “mata ng unos” ang Mindoro; isang mayor na eryang pinopokusan ng programang kontra-insurhensya.

Sa harap ng pinakamasahol na porma ng terorismo ng estado, nangangahas pa rin ang masang anakpawis ng Pilipinas at India na tumangan ng armas at lumaban para sa isang lipunang nagsisilbi sa interes ng uring api at hindi sa naghaharing uri at mga imperyalista. Kailanman ay hindi magtatagumpay ang mga programang kontra-insurhensya gaya ng Operation Kagaar at JCP Kapanatagan sa layunin nitong durugin ang armadong rebolusyon. Habang nananatiling pinagsasamantalahan at api ang masang anakpawis, sila ay maglulunsad ng armadong rebolusyon para baguhin ang kanilang kalagayan.

Bilang mga proletaryadong internasyunalista, tungkulin ng mga rebolusyonaryong Pilipino at Indian na palakasin ang ugnayan ng mga pambansa demokratikong rebolusyon sa ating mga bayan. Dapat tayong makiisa sa masang api sa buong mundo na nag-aarmas upang palayain ang kanilang mga sarili mula sa makauring pang-aapi.

Pulang saludo ang ibinibigay ng NDF Mindoro sa mga matatapang na rebolusyonaryo ng PKI-M at PLGA. Ang pagsulong ng DRB sa Pilipinas ang aming pinakamalaking ambag sa pandaigdigang rebolusyong proletaryo at pakikiisa sa mamamayan ng India. Panawagan namin sa mamamayang Mindoreño na sumapi sa rebolusyon at militanteng makibaka sa ugat ng kahirapan na imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Lumaban at biguin ang Operasyong Kagaar at JCP Kapanatagan!
Ibagsak ang pasistang rehimeng US-Marcos II at rehimeng US-Modi!
Ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo! Isulong at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan sa India at Pilipinas!
Mamamayang Mindoreño, makiisa sa masang api ng buong daigdig! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Hinding hindi madudurog ng Operasyong Kagaar at JCP Kapanatagan ang digmang bayan sa India at Pilipinas! Paulit-ulit na bibiguin ng sambayanang Indian at Pilipino ang lahat ng programang kontra-insurhensya ng mga papet na rehimen ng US!