Pahayag

Hinggil sa bagong pakat ng 1st IB sa Mindoro

,

Isinagawa ng AFP ang paglilipat ng 1st Infantry Battalion (dating nakapwesto sa Barangay Tongohin, Infanta, Quezon sa ilalim ng 2nd Infantry Division) sa Mindoro nito lamang Nobyembre. Ang 1st IB ay pinamumunuan ni Lt. Col. Noel Wamil. Isa ito sa mga hakbang ng rehimeng US-Marcos II upang kamtin ang hibang na target ng paglipol sa CPP-NPA-NDFP sa buong bansa pagsapit ng Disyembre.

Naganap ang maniobrahan matapos ang labanan sa pagitan ng NPA at 203rd Brigade sa Barangay Villa Pag-asa, Bansud, Oriental Mindoro kung saan anim na kaaway ang napaslang. Sa pagkataranta ng 203rd Brigade at ng Southern Luzon Command, inilipat ang isa sa kanilang panagupang batalyon sa isla bilang dagdag na pwersang magagamit sa panunupil sa hindi nila maubos-ubos na NPA. Sampal ito sa mukha ng 203rd Brigade na nagyabang noong Agosto na makakamit nila ang dedlayn ng rehimen.

Ang panibagong pakat ng 1st IB sa Mindoro ay magluluwal ng ibayong pasakit at pahirap sa mamamayan ng isla. Kinamumuhian ng mamamayan ng Laguna, Quezon at Batangas ang 1st IB na nanalasa rito mula 1998. Kasangkapan ang 1st IB ng berdugong heneral na si Jovito Palparan sa paghahasik ng lagim sa Task Force Banahaw. Hindi malilimutan ang mga krimen nito ng pagpatay, mararahas na tortyur kung saan ibinabaon nang buhay ang mga biktima, pang-uudyok sa mga lokal na magpatayan at desekrasyon ng mga labi ng mga napaslang na Pulang mandirigma at pati mga sibilyan.

Dahil sa madugong rekord nito, ipinakat at ginamit ang pwersa ng 1st IB sa paglusob sa Marawi noong 2017. Sa pagbalik sa rehiyon, nagsilbi itong special goons ng panginoong maylupang si Federico Campos III na nangamkam sa lupain ng mga magsasaka sa Barangay Balacbacan, Laiya, San Juan, Batangas. Ito rin ang nasa likod ng pagpatay sa kapitan ng Barangay San Antonio, Kalayaan, Laguna na si Froilan “Kawing” Reyes noong 2020.

Tigmak sa dugo ng mga rebolusyonaryong martir ang kamay ng 1st IB. Ito ang salarin sa pagpaslang kina Rosario “Ka Soly” Lodronio Rosal sa Mauban, Quezon noong 2011; Dioscoro “Ka Termo” Cello, Alex “Ka Omar” Perdeguerra at Rey “Ka Danny” Masinas at pataksil na pumatay sa hors de combat na NPA na si Mario “Ka Jethro” Caraig noong Agosto 2020 sa Laguna.

Hindi malilimutan ng rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ng Timog Katagalugan ang karahasan ng 1st IB. Hanggang ngayon, nagpapatuloy ang panawagan para sa hustisya sa mga krimen nito. Sila ang totoong persona non grata para sa mga mamamayan ng Laguna, Quezon, Batangas at Rizal. Sila ay “always first” na kinasusuklaman ng masang api sa rehiyon.

Sa pagpasok sa isla ng Mindoro, inaasahan na maghahasik ang 1st IB ng teror laluna’t umiinit ang mga pakikibakang masa para sa lupa at laban sa mina. Nais ng reaksyunaryong estado na supilin ang paglaban ng masang Mindoreño upang bigyang daan ang mga mapangwasak na proyekto sa isla kagaya ng mga proyektong mina, renewable energy at iba pang huwad na programang pangkaunlaran. Tiyak na presintado ang mga tropa ng 1st IB sa pagbabantay sa mga ari-arian ng panginoong maylupa at burgesya komprador at pagpapaupa bilang mersenaryo.

Nakahanda ang rebolusyonaryong mamamayan sa isla upang biguin ang 1st IB na bagong panagupang batalyon ng palalong 203rd Brigade. Dahil nadagdagan, nag-iilusyon si Gen. Randolph Cabangbang ng 203rd Brigade na makapag-uwi ng tropeo bago matapos ang taon.

Marapat panatilihin ng mga yunit ng NPA sa Mindoro ang opensibang postura at inisyatiba para bigwasan ang kaaway. Higit na pahigpitin ang pakikipagkaisa sa malawak na masa ng sambayanan. Puhunan nila ang malalim na ugnayan ng NPA at masang magsasaka sa isla na nagresulta sa mayamang pakikibaka para sa lupa at kabuhayan.

Hinggil sa bagong pakat ng 1st IB sa Mindoro