Pahayag

Hinggil sa pagbasura ng Manila RTC sa teroristang proskripsyon laban sa PKP at BHB

,

Bago ang lahat, nais kong idiin na ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ay saklaw ng mga batas ng Demokratikong Gubyernong Bayan at hindi maaaring ipailalim sa mga batas, korte o ligal na mga proseso ng reaksyunaryong gubyerno. Hindi kinikilala ng PKP ang kasong isinampa ng Department of Justice (DOJ) sa Manila Regional Trial Court (RTC) na nagpapalista sa Partido at Bagong Hukbong Bayan (BHB) bilang mga terorista sa ilalim ng Human Security Act (HSA) of 2007, ang batas na pinalitan ng Anti-Terrorism Law of 2020, at hindi lumahok sa mga pagdinig nito.

Matapos ang gayong paglilinaw, binabati namin ang desisyon ng Manila RTC na inilabas noong September 21, 2022 na nagbabasura sa sinasabing petisyon ng DOJ kung saan bigo nitong ilatag ang anumang batayan para ideklarang terorista ang PKP at BHB. Kalugud-lugod na sorpresa ang desisyon sa harap ng walang tigil na pagsisikap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng National Task Force (NTF)-Elcac na ikabit ang “teroristang” bansag sa PKP, gayundin sa iba pang patriyotiko at demokratikong pwersa. Ang desisyon ay maikukunsiderang ligal na pagkontra ng ilang kasapi ng hudikatura laban sa NTF-Elcac na agresibo sa pagpapailalim sa kumpas nito ng lahat ng ahensya ng estado sa ngalan ng “anti-terorismo,” gayundin laban sa tinatawag na Inter-Agency Committee on Legal Action (IACLA) na nagtutulak sa mga korte na maglabas ng mga depektibong mandamyento sa panghahalughog at pag-aresto, pagtatanim ng mga ebidensya at pagsasampa ng pekeng mga kaso laban sa mga aktibista, gayundin sa mga rebolusyonaryo.

Sa paunang pagbasa, nakita namin na ang 135-pahinang desisyon na inilabas ni Judge Marlo Magdoza-Malagar ay makatwiran at patas. Nabasa namin paanong tiningnan niya ang usapina sa pangkasaysayang pananaw at itinuring ang rebolusyonaryong kilusan sa perspektibo ng pakikibaka ng mamamayang Pilipino laban sa pang-aapi at pagsasamantala. Nakalulugod na nagbigay ng panahon ang hukom na basahin ang konstitusyon at programa ng PKP, ang mga probisyon nito, na idineklara niyang “makatwirang aspirasyon ng kahit anong sibilisadong lipunan.” Hinihikayat namin ang lahat, mga abugado, hukom, akademiko, guro, estudyante, mamamahayag, magsasaka at lahat ng iba pang sektor, na sundan ang halimbawa ni Judge Malagar at basahin at pag-aralan ang konstitusyon at programa ng PKP.

Maglalabas kami ng mas komprehensibong pagrepaso sa desisyon sa susunod na araw. Gayunman, mahalagang idiin ngayon kung paanong pinagtibay ng desisyon na ang PKP at BHB ay hindi mga terorista, bagkus, ay naglulunsad ng armadong paglaban na may malinaw na pampulitikang layunin at itinutuon ang mga atake nito, hindi sa mga sibilyan, kundi laban sa reaksyunaryong mga ahente ng estadong kinakatawan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Buong-tatag naming iginigiit na ang PKP at BHB ay mga rebolusyonaryong organisasyong nagsusulong sa mga adhikain ng mamamayang Pilipino para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya at humahalaw ng lakas mula sa suporta ng malawak na masa, laluna ng mga magsasaka at manggagawa.

Sadyang mayroong malalim kabuluhang ligal at pulitikal ang desisyong ito. Matagal nang ginagamit ng militar at pulis ang HSA at ATL at ang proskripsyon laban sa PKP at BHB para supilin ang mga karapatan at gipitin ang mga lider at kasapi ng ligal na demokratikong mga organisasyong idinadawit nila sa PKP at BHB. Ang “anti-terorismong” dogma ay ginagamit para patahimikin at supilin ang tinig ng bayan, kanilang lehitimong paglaban at hinaing sa malawakang mga suliranin ng lipunan.

Sa desisyon ng Manila RTC, sa tingin ko’y may obligasyong ligal ngayon ang NTF-Elcac na tumahimik at ipinid ang bunganga nito at itigil ang teroristang pagbabansag nito laban sa PKP at BHB, at ang kampanya nito ng panunupul laban sa mga unyon ng manggagawa, asosasyong magsasaka at ng massaklaw na hanay ng mga organisasyong patriyotiko at demokratiko. Kung hindi, malamang na harapin ng NTF-Elcac ang mga hamong ligal.

Ang naturang desisyon ay maaari ring gamitin ng mga Pilipino at kanilang mga kaibigan sa United States, sa Australia, New Zealand at sa European Union para itulak ang pag-aalis sa PKP at BHB mula sa “listahan ng teroristang mga organisasyon” na hindi makatarungang pinananatili ng kanilang mga gubyerno. Palalakasin nito, sa partikular, ang giit ng mamamayang Amerikanno na itigil na ng gubyernong US ang pagbibigay ng armas at pondo sa AFP na kilala sa mga pang-aabuso sa karapatang-tao.

Ang mga kasapi ng PKP at BHB ay dapat pa ring maging mapagbantay, manatiling militante at determinadong labanan ang pasistang paninibasib at terorismo ng AFP, at isulong ang rebolusyonaryong adhikain ng mamamayang Pilipino. Sa totoo, ang desisyon ng Manila RTC ay walang positibong implikasyon sa pampulitika at ligal na katayuan ng PKP at BHB, laluna sa ilalim ng rehimeng Marcos, na ang mga upisyal ay naglatag ng deklaradong layunin na durugin ang PKP at BHB. Inaasahan namin na babalewalain ng utak-militaristang mga upisyal ng AFP, gayundin ng NTF-Elcac, ang desisyon ng Manila RTC at magpapatuloy sa teroristang pagbabansag, sa anti-mamamayang gerang kontra-insurhensya at kampanya ng panunupil.

Sa mga syudad, magpapatuloy lamang ang NTF-Elcac at mga ahente ng estado sa pag-atake laban sa mga unyon ng mga manggagawa bilang pagsisilbi sa interes ng malalaking kapitalista, gayundin laban sa iba pang anyo ng mga organisasyon. Sa kanayunan, patuloy na naglulunsad ng mabagsik na mga atake ang AFP laban sa komunidad ng mga magsasaka sa kanilang layunin na supilin ang masang magsasaka at ilatag ang daan para sa pagpasok ng mga kumpanyang mina at pagpapalawak pa ng mga plantasyon. Kaya naman, dapat magpatuloy ang BHB sa mga pagsisikap na magpalawak ng mga teritoryo, magrekrut ng paparaming mga Pulang mandirigma, maglunsad ng malawakang kampanyang antipyudal, at maglunsad ng mga taktikal na opensiba para ipagtanggol ang masang magsasaka at isulong ang pangkabuuang pambansa demokratikong rebolusyonaryong adhikain.

Hinggil sa pagbasura ng Manila RTC sa teroristang proskripsyon laban sa PKP at BHB