Pahayag

Humalaw ng aral mula sa makasaysayang paglaban ng mamamayan sa nakaraan upang maging sandata sa muling pagdaluyong ng rebolusyonaryong kilusan

Ipinaaabot ng Jose Rapsing Command-New People’s Army (NPA-Masbate) at buong rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya ang taos-pusong pakikiisa sa pagdiriwang sa ika-39 taong anibersaryo ng EDSA People Power. Sa makasaysayang araw na ito, dapat magbalik-tanaw ang mamamayan sa kanilang kagitingang ipinamalas upang ipataw ang kanilang kapangyarihan sa inutil at kamuhi-muhing diktador na si rehimeng Ferdinand Marcos Sr. Patunay ito na walang sinumang mas makapangyarihang pinuno ng bansa sa mabagsik na kapangyarihan ng nagkakaisang mamamayan. Patunay ito na walang hindi kayang gawin ng mamamayan upang ipagtanggol ang kanilang pinakamamahal na bayan mula sa traydor, magnanakaw, tuta at diktador na rehimen.

Sa kasalukuyan, anak ng diktador ang namumuno sa ating bansa. Tulad ng kanyang ama, muling ibinuyangyang ni Bongbong Marcos Jr ang bansa sa mas malawak na pagbabase militar ng US. Bwelo ang pagpasok ng mga imported na produkto habang pinapatay ang lokal na produksyon ng bansa. Laganap ang pang-aagaw ng lupa para sa ekoturismo, mina, rantso at iba pang mapanupil na mga proyekto.

Ang buong bansa ay nahaharap sa napakalaking banta bunsod ng pagpapakatuta ng rehimeng Marcos Jr sa US. Inilagay nito ang bansa sa gitna ng naggigiriang US at China na parehong pinag-aagawan ang mga rekurso sa ating bayan at panatilihin itong isang malakolonyal at malapyudal na bansa.

Binawasan nito ang pondo para sa panlipunang serbisyo tulad ng edukasyon at kalusugan kung saan higit na pinalaki ang inilaan para sa kontra-insurhensyang programa at badyet ng militar. Habang ang PhilHealth na tanging inaasahan ng mga kapos o walang badyet sa pagpapagamot ay inalisan ng pondo. Sa halip, higit na pinalaki ang badyet para sa kurakot at suhol.

Habang nababahala ang taumbayan, nagpapakasasa naman ang rehimeng Marcos Jr at kanyang buong pamilya sa pagwawaldas ng pera ng bayan. Binubundat ang kanyang mga kasangga sa pulitika at mga utusang upisyal ng militar at pulis upang matiyak ang katapatan nito at masiguro ang kanyang pananatili sa kapangyarihan. Habang nagbibingi-bingihan ito sa sigaw ng taumbayan na panagutin si Sara Duterte at ama nitong si Rodrigo Duterte.

Sa kabilang banda, mas dumarami ang naghihikahos at kahig-tuka ang antas ng pamumuhay na mga Pilipino. Pinasasahol ang kanilang kalagayan sa mas tumataas na presyo ng mga bilihin, kawalan ng trabaho, kawalan ng panlipunang serbisyo, hindi nakabubuhay na sahod, pambabarat sa produktong lokal at malawakang pangangamkam ng lupa.

Sa kanayunan, umiiral ang di deklaradong batas militar ni Bongbong Marcos Jr kung saan laganap ang panunupil at mga paglabag sa karapatang-tao. Partikular sa Masbate, kasangkapan ng mga naghaharing-uri at mga lokal na upisyal ng gubyerno sa prubinsya ang mga militar upang agawan ng kabuhayan ang masa. Sinisindak sa takot ang sinumang magtangkang lumaban lalo yaong mga biktima ng kanilang karahasan.

Kapalit ng kikbak at suhol na matatanggap, naging protektor ng Filminera Masbate Gold Project ang mga militar at pulis. Nagkakaisa ang mga ito, sa pangunguna ng gobernador na si Antonio Kho upang walang maging hadlang sa operasyon nito sa mga bayan ng Mobo, Milagros at Uson na target sa ekspanyon ng mapanupil na dayuhang mina. Tuluy-tuloy din ang pagdebelop ng MPark sa bayan ng Dimasalang na sapilitang binabayaran at itinataboy sa kanilang lugar ang mga mangingisda at magsasaka sa naturang bayan. Walang puknat rin ang pangangamkam ng pamilya Kho sa mga lupang sakahan ng mga magsasaka para sa rantso at ekoturismo.

Sa mga lugar na ito, may malapit na nakatayong mga kampo at detatsment ng militar na magsisilbi o nagsisilbing bantay sa mga proyektong umaagaw at magtataboy sa masang Masbatenyo mula sa kanilang lupa at kabuhayan. Pinakabago ang pagtatayo ng kampo ng 2nd IBPA sa Barangay Baang, sa bayan ng Mobo na maging katuwang ng hedkwarter ng batalyon na nasa Panicijan, Uson para magsilbing bantay sa ekspansyon ng Filminera at laban sa BHB na tanging sagabal sa pagbwelo ng mina at iba pang mapagwasak na proyekto.

Nililimitahan ng militar ang oras ng pagtrabaho ng mga magsasaka sa kanilang sakahan. Pinagbibintangang tagasuporta ng BHB ang bumibili ng maramihan. Kung saan, umaalma ang mga magsasaka sa idinulot nito na animo’y higit pa sa kalamidad at natural na peste na pumipinsala sa kanilang kabuhayan, habang nangangamba sa kanilang kaligtasan.

Mas lalo namang nabaon sa utang ang mga manggagawang-bukid na ang tanging ikinabubuhay ay ang pagpapasuhol tulad ng pagkokopra, pag-araro, pagtatabas ng talahib, paghahakot ng produkto at iba pa. Sapagkat ang kanilang arawang kita ay hindi makasabay sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan ng kanilang pamilya.

Mas dumarami rin ang lumuluwas sa syudad at kalunsuran, na nagbabakasakaling may trabahong mapasukan. Habang ang iba ay piniling mangibang bayan para sa mas mataas na sahod sa kabila ng mga nagaganap na kaguluhan sa ibang bansa. Samantala, walang patid ang pakikibaka ng masang manggagawa para sa makatarungang sahod, permanenteng trabaho at serbisyong panlipunan.

Di ba’t napapanahon na naman upang buklurin ng mga Masbatenyo at buong sambayanang Pilipino ang kanilang lakas, sama-samang magmartsa upang yanigin ang bulok na sistema ng reaksyunaryong gubyerno at tuluyang wakasan ang lipunang malakolonyal at malapyudal? At ibagsak ang Imperyalismo, Burukrata-kapitalismo at Pyudalismo na salot sa lipunang Pilipino?

Napakataba ng lupa para isulong ang rebolusyon. Sa halip na matakot, gawing sumisilyab na galit ang nararanasan ngayong higit na kaapihan, kawalan ng hustisya at karalitaan. Hindi nakasalalay sa sinumang mataas na upisyal ng bansa ang pagkamit sa tunay na kalayaan at kasaganaan ng bayan. Nasa kamay ito ng mamamayang nakikibaka at nagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon upang itayo ang lipunang Sosyalista.

Humalaw ng aral mula sa makasaysayang paglaban ng mamamayan sa nakaraan upang maging sandata sa muling pagdaluyong ng rebolusyonaryong kilusan