Hustisya para sa mga Biktima ng Bloody Sunday Massacre! Ipaglaban ang isang hustisyang nakabatay sa katarungan, kalayaan at demokrasya!
Ngayong ika-7 ng Marso, magkasabay na gunitain at kondenahin natin ang ikaapat na taon ng kawalang hustisya sa mga biktima ng Bloody Sunday Massacre (BSM)—isang karumaldumal na krimen na pataksil na isinagawa ng mga armadong pwersa ng rehimen ni Rodrigo Duterte.
Pagpugayan natin bilang mga martir at bayani ng sambayanang nakikibaka sina Emmanuel Asuncion, lider manggagawa; mag-asawang Ariel Evangelista at Anna Mariz Lemita-Evangelista, mga lider mangingisda; Melvin Dasigao at Mark Bacasno, mga tagapagtaguyod sa karapatan para sa paninirikan; magpinsang Dumagat na Randy at Puroy Dela Cruz at magkapatid na Aklanon na sina Abner at Edward Damas Esto, pawang mga magsasaka at tagapagtaguyod ng tunay na reporma sa lupa’t kapakanan ng mga katutubong Dumagat.
Ang Bloody Sunday Massacre ay isang Synchronized Enhanced Managing of Police Operations (SEMPO) na isinagawa ng pinagsamang mga pwersa ng Philippine National Police Office Region IV-A at Philippine Army sa ilalim ng Case Operation Plan ASVAL at dinadamitan bilang operasyong anti-kriminalidad upang paslangin ang mga progresibong lider-aktibista ng mga demokratikong organisasyon ng mamamayan.
Ginawa ang mga pagpaslang na ito sa tabing ng kasuklam-suklam na hinabing kwentong “nanlaban” bilang pagpapatuloy sa mga walang pakundangang pagpatay sa ilalim ng Oplan Tokhang ng pekeng gera laban sa iligal na droga na ipinatupad ni Bato dela Rosa, dating hepe ng PNP at ngayo’y reeleksyunistang senador.
Upisyal na inudyukan ang mga karimarimarim na krimen na ito ni Rodrigo Duterte sa kanyang kontra-insurhensyang kautusang “kill them, finish them”—isang polisiya ng terorismo ng estado sa pagsugpo sa lahat ng uri ng oposisyon sa kanyang rehimen at sa ngalan ng anti-komunismo.
Tulad sa napakaraming biktima ng walang pakundangan at walang pananagutang mga pagpatay at mga paglabag sa karapatang-tao ng mamamayan ng mga nagdaan at ng kasalukuyang rehimen, humihiyaw ng katarungan ang mga martir ng Bloody Sunday Massacre. Kasabwat ng DOJ, pinagtakpan at iniligtas sa pananagutan at ginantimpalaan pa ang mga sangkot na sundalo’t pulis sa krimen na ito.
Ipinamumukha ng patuloy na humahabang listahan ng mga paglabag sa pundamental na karapatan ng mamamayan na inutil at di lang dapat lubos na umasa sa mga ligal na remedyo na ibinubukas ng sistema ng hustisya at mga korte ng estado para magkamit ng katarungan ang mamamayan. Habang patuloy na pinupuspos ng mga kamag-anak ng mga pinaslang at mga biktima at ginagamit sa kanilang bentahe ang anumang ligal na remedyo, higit na mahalagang hubaran ang pagpapanggap at mga palamuti ng reaksyunaryong sistema ng hustisya na pakunwari lamang nagpapahalaga sa katarungang panlipunan.
Kaalinsabay, dapat nilang buuin ang sariling lakas sa pulitika at organisasyon upang ipaglaban at makibaka para kamtin ang isang kaayusang tunay na nakabatay sa mga prinsipyo ng panlipunang hustisya, kalayaan at demokrasya.
Tungkulin ng lahat ng nakikibakang mamamayan na iukit sa kamalayan ng nakararaming bilang na bawat paglabag sa kanilang karapatan na ibinabaon sa limot ng naghaharing rehimen ay testamento na kailanman hindi sila makatatagpo ng tunay na hustisya sa ilalim ng paghahari ng malalaking burgesya-kumprador, panginoong maylupa at burukratang kapitalista.
Isang ilusyon na sa ilalim ng bulok na sistemang panlipunan sa Pilipinas, tunay na nakapiring ang timbangan ng hustisya. Sa katotohanan, ito’y nakapanig at nakakiling sa masalapi, maimpluwensya at makapangyarihan at hindi sa mga duhagi, maliliit at nasa laylayan ng lipunan. Ang timbangan ng hustisyang ito ay kayang baluktutin, pilipitin, bilhin at salamangkahin dahil ang mga batas ng reaksyunaryong estado ay binuo ng lehislatura at ipinatutupad ng ehekutibo para apihin at pasunurin ang mamamayan sa isang libo’t isang kaparaanan gamit ang dahas at panlilinlang.
Samantala, kailangang walang pagod na edukahin ang mamamayan sa marahas na katangian ng estadong pinaghaharian ng malalaking kumprador, panginoong maylupa’t burukrata. Mahalagang maunawaan nila na ang mga instrumento ng estado–ang armadong pwersa (AFP, PNP at paramilitar), mga korte, batas at kulungan, parlamento (Kongreso at Senado), ehekutibo at mga ahensya’t sangay nito–ay mga kasangkapan para supilin at apihin ang mamamayan at tiyakin ang walang hanggang paghahari ng parasitiko’t mga mapagsamantalang uring ito.
Sa pag-akyat sa kapangyarihan ng mga pampulitikang angkan, nahubog at napatigas ang dominasyon sa pulitika ng mga pamilyang ginawang negosyo at palabigasan ang mga kontrata at proyektong pangkaunlaran ng gubyerno. Ginamit nila ang kanilang pusisyon sa burukrasya at koneksyon sa malalaking negosyong lokal at dayuhan upang magkamal ng yaman at papalaking kapangyarihan. Naging palasak ang mga eskandalusong burukratikong korupsyon. Ang mga dinastiyang ito ay nagtransisyon, una bilang pampulitikang ahente ng lokal na mga naghaharing-uri at ng imperyalismo, at kalaunan, bilang hiwalay na uri ng mga burukratang may monopolyo sa kapangyarihang pampulitika sa reaksyunaryong gubyerno. Masusunson ang kanilang ugat sa angkan ng malalaking burgesya-kumprador, panginoong maylupa, matataas na upisyal-militar na naging pulitiko, at sa may matataas na katungkulan sa mga institusyong pinansyal, depensa, diplomatiko, edukasyon at pangkultura.
Mahalagang maunawaan na ang mga burukratang ito ang baseng panlipunan ng pasismo ng estado. Ang uring ito ang tagapreserba sa kapangyarihan at estabilidad ng estadong malakolonyal at malapyudal sa pamamagitan ng mga mapanupil na batas, kautusan at armadong pwersang nagpapanatili sa paghaharing kumprador, panginoong maylupa’t burukrata.
Ang paghiling ng katarungan para sa mga biktima ng Bloody Sunday Massacre at sa napakaraming bilang ng mamamayang pinakakaitan ng panlipunang hustisya ay dapat na humantong sa kahilingan para wakasan ang kapangyarihan ng mga dinastiyang pulitikal at ng kasabwat nitong malalaking kumprador at panginoong maylupa. Kasing kahulugan ito ng kahilingan para sa pagwawakas ng isang sistemang mapang-api’t mapagsamantala at nagtatanggol sa interes ng iilan.
Ipaglaban ang isang lipunang makatarungan, malaya at demokratiko!
Mangahas Makibaka, Mangahas Magtagumpay!