Pahayag

Ikulong ang mga mandarambong! Isulong ang rebolusyon!

,

Sa dami ng mga mandarambong at mangungurakot sa reaksyunaryong gubyerno sa pangunguna ni Marcos, malamang na kukulangin ang mga presohan para ikulong ang lahat ng sangkot sa malaganap na katiwalian na nagaganap at nalalantad sa kasalukuyan.

Malalang krimen ng pagnanakaw ang sumasambulat ngayon sa pag-unawa’t kamalayan ng mga mamamayan. Tinatayang 70% sa 1.3 trilyong pisong badyet na nakalaan para sa proyektong pang-imprastruktura ang kapal-mukhang kinukurakot sa porma ng kaliwa’t-kanan, garapalan at patagong mga pakanang “kickback” at “padulas” ng mga “mambabawas” o mambabatas at mga upisyales ng DPWH, kasabwat ang mga kontratistang napaboran sa ilalim ng Build Better More ni Marcos.

Para sa mga sinalanta ng mga matitinding paglubog sa baha, nakakapanggigil sa galit na malaman at makita na nabubuhay sa karangyaan at kagarbohan ang mga anak at pamilya ng mga tiwali at kawatan sa flood control projects. Habang milyun-milyong Pilipino ang nagtitiis, napeperwisyo, nagugutom at apektado ang kabuhayan sa tuwing magaganap ang mga matitinding pagbaha. Dagdag pa, mas masahol para sa mga kababaihan at bata ang epekto ng mga kalamidad lalo na kung kailangang magbakwit dahil sa bahang sumalanta sa kanilang mga tahanan at kabuhayan.

Napakadungis ng mga kamay ni Marcos na siyang pumirma sa mga insertions sa badyet ng imprastruktura na “nagpatakam” at tinarget na pagkunan ng mga ibubulsa at kukurakutin ng mga nagbubundatang buwaya na nasa lehislatibo at ehekutibo, lalo na ang mga malapit at may kapit sa Malakanyang. Kaya’t pandaramBONGBONG sa kaban ng bayan at ang kasangsangan ng kabulukan ng sistemang panggubyerno ang dapat buong mailantad ang maibasura. Huwag palilinlang sa mga maniobra at mga gagawing palusot ni Marcos katulad na nga ng pagbubuo diumano ng independent body na mag-iimbestiga sa mga malawakang katiwalian.

Ang MAKIBAKA at ang buong rebolusyonaryong kilusan ang matagal nang nananawagan ng lubusang pagbabago sa sistemang panlipunan. Hindi lamang sa pagpapapalit-palit ng presidente o eleksyon ang solusyon dahil lahat ng karakas ng burukrata-kapitalista ay nepotismo, kurap at sagad-sagaring nagsisilbi para panatilihin ang nabubulok na sistema.

Kailangang wakasan ang burukrata-kapitalismo o ang kalakarang negosyong pagkakakitaan at sasamantalahin ang pusisyong pamamahala sa loob ng burukrasya. Dahil mala-kolonyal at mala-pyudal rin ang sistemang nagpapabulok dito sa Pilipinas, nariyan rin ang imperyalistang kontrol ng US at pyudalismo na dapat ring pabagsakin. At tanging sa pamamagitan ng armadong pakikibaka ito magagawa.

Habang malayang nagnanakaw at nagpapayaman ang mga pusakal na mandarambong, 800 ang mga bilangong pulitikal sa bansa ngayon. Dalawampu sa kanila’y mga peace consultants ng NDF. Sila ang mga dinakip at pinararatangang mga kriminal, gayong sila ang sukdulang lumalaban sa mga kriminal na mandarambong sa kaban ng baya. Itinaguyod nila ang iba’t ibang larangan ng pakikibaka na magwawakas sa pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayang matagal nang binusabos ng mala-kolonyal at mala-pyudal na sistema.

Sa ngalan ng katarungan, dapat palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal upang muli silang makasama ng mamamayang lumalaban sa katiwalian. Sa ngalan ng katarungan, kaladkarin sa preso ang lahat ng mga bilyunaryong tiwali at kawatan.

Kaisa ang MAKIBAKA sa mamamayan Pilipino sa lumaki at lumalakas na daluyong ng paglaban sa korapsyon at kabulukan ng buong rehimeng US-Marcos. Bagtasin ang landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon para kamtin ang tunay na pagbabago sa lipunan.

Ikulong ang mga mandarambong! Isulong ang rebolusyon!