Ilantad at labanan ang mga pananabotahe ng US at GRP sa peace talks!
Ang daan patungo sa pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP ay palaging malubak at matinik dahil sa mga anti-kapayapaan at tuta ng US na mga pwersa ng GRP. Naninindigan ang NDF-ST na para magbukas ang usapang pangkapayapaan, dapat na tumbasan ng GRP ang sinseridad ng NDFP at tigilan ang mga pataksil na pang-aatake sa mga rebolusyonaryong lider at mamamayan.
Pitong taon na ang nakalilipas mula nang pormal na ideklara ni Rodrigo Duterte ang Proklamasyon Blg. 360 na tumapos sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Naging hudyat ito ng pinatinding terorismo ng estado laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan. Kagyat matapos nito, idineklara ni Duterte ang Proclamation 374 na nagdedeklarang terorista ang CPP-NPA, inilabas ang M.O. 32 at E.O. 70 na lumikha sa NTF-ELCAC at isinabatas ang Anti-Terror Act pagdating ng 2022.
Sa ilalim ni Marcos Jr., magkakasunod na hinuli ng mga pwersa ng AFP-PNP sina Porferio Tuna, Simeon Naogsan at Wigberto Villarico na mga konsultant ng NDFP para sa Davao Region, Cordillera Administrative Region at Southern Tagalog. Silang tatlo ay hinuli habang nasa proseso ng pagpapagamot dahil sa kanilang mga iniindang karamdaman. Mariing kinukondena ng NDF-ST ang lansakang paglabag sa kanilang karapatang-tao at mga taglay nilang garantiya bilang konsultant ng NDFP alinsunod sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) na kapwa nilagdaan ng GRP at NDFP.
Nahihibang si NSC Spokesperson Jonathan Malaya sa pagsasabing isang “nakatatawa at kahangalan” ang panawagan ng rebolusyonaryong kilusan na kagyat palayain ang tatlong konsultant dahil wala na umanong bisa ang JASIG matapos na i-terminate ng GRP ang usapang pangkapayapaan noong 2017. Pilit pinabubulaanan ni Malaya at ng mga kontra-kapayapaang tulad niya ang katotohanan na ang mga kasunduang nilagdaan ng dalawang panig gaya ng JASIG ay may pangmatagalang bisa at kabuluhan mayroon mang peace talks o wala. Pambabaluktot pa ng legal cooperation council chair ng NTF-ELCAC na si Justice Angelita Miranda, ang JASIG ay para lamang daw himukin ang mga konsultant ng GRP at NDFP na itaguyod ang kapayapaan at hindi ang “iligtas” sila mula sa mga krimen tulad ng kidnapping at murder. Mula’t simula, alam ng lahat na ginagamit lamang ng GRP ang pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso tulad ng murder at kidnapping laban sa mga NDFP peace consultant para bigyang-katwiran ang kanilang mga paglabag sa JASIG at CARHRIHL. Dapat ding ilantad at kundenahin si National Security Adviser Eduardo Año na walang tigil ang bibig sa paghahabi ng kasinungalingan laban sa rebolusyonaryong kilusan at usapang pangkapayapaan. Nagkakamali siya na magkakagulo at magwawatak-watak ang CPP-NPA-NDFP matapos ang mga tinamo nitong pinsala. Sa katunayan, mahusay at matatag na nakapamumuno ang CPP sa pambansang antas at nakatayo ang mga makinarya ng NDFP na nag-aasikaso ng mga rekisito para sa usapang pangkapayapaan.
Parehong pangunahing ginagamit nina Duterte at Marcos Jr. ang terorismo ng estado para supilin ang pakikibaka ng rebolusyonaryong kilusan at ng mamamayan. Gayunman, dahil sa lumalalang panlipunang krisis at banta ng imperyalistang gera ng US laban sa China, naitulak ang rehimeng US-Marcos II na makipag-ugnayan sa NDFP at magsikap na muling buksan ang usapang pangkapayapaan. Eksaktong anim na taon matapos ang Proklamasyon 360 ni Duterte, inanunsyo kapwa ng GRP at NDFP ang posibilidad ng muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pamamagitan ng Oslo Joint Statement noong Nobyembre 23, 2023.
Wasto lamang ang tinuran ni NDFP Senior Adviser Luis Jaladoni na kailangang maging mapagbantay sa kabila ng pagkakabuo ng Oslo Joint Statement noong 2023. Habang nag-aasta ang ilang sugo ni Marcos Jr. na mga kalapating nagtataguyod sa kapayapaan, hindi naglubay sina Año at iba pang uwak na katulad niya sa pang-aatake sa rebolusyonaryong kilusan. Sa halip na isakatuparan ang paglikha ng mga makatwiran at paborableng kundisyon para sa pormal na usapang pangkapayapaan, abalang-abala sila sa pagtugis sa mga konsultant ng NDFP, paglulunsad ng madugong kontra-rebolusyonaryo at kontra-mamamayang gyera at paglalako ng mapanlinlang na lokalisadong kapayapaan, kampanya ng pekeng pagpapasuko para isabotahe at tuluyang mabahura ang usapang pangkapayapaan.
Naging biktima ang mga konsultant ng NDFP ng pamamaslang, pagdukot, iligal na pag-aresto, detensyon at iba pang punitibong aksyon ng AFP-PNP. Dinukot ng pasistang militar at hindi pa rin inilulutang hanggang ngayon sina Lora Manipis, Jeruel Domingo, Ezequiel Daguman at Edwin Alcid. Bukod dito ang brutal na pamamaslang ng mga berdugong AFP-PNP kina Randy Felix Malayao, Julius Giron, Randall Echanis, Eugenia Magpantay, Agaton Topacio, Fr. Rustico Tan at Reynaldo Bocala.
Tumampok din ang brutal na pamamaslang sa mag-asawang Benito Tiamzon at Wilma Austria-Tiamzon kasama ang walong pulang mandirigma ng BHB sa Catbalogan, Samar noong Agosto 2022. Sila, na tinaguriang Catbalogan 10, ay nahuli nang buhay at isinailalim sa matinding tortyur bago isinakay ang kanilang mga bangkay sa isang bangkang de-motor na pinasabog ng militar sa baybayin ng Catbalogan. Brutal ding pinaslang si Ka Concha Araneta-Bocala at iba pang kasamang namartir sa sunud-sunod na atake ng AFP-PNP sa Panay nitong Agosto 2024.
Simula nang magtapos ang usapang pangkapayapaan noong 2017, kinaharap ng mga hinuling konsultant ng NDFP ang patumpatong na gawa-gawang kaso. Kabilang dito sina Ferdinand Castillo, Rommel Salinas, Adelberto Silva, Vincente Ladlad, Rey Claro Casambre, Renante Gamara, Frank Fernandez, Estrelita Suaybaguio, Alfredo Mapano, Loida Magpatoc, Esteban Manuel Jr., at Ernesto Lorenzo. Samantala, hinatulan na ng reaksyunaryong korte at ipiniit sa National Bilibid Prison sina Leopoldo Caloza at Eduardo Sarmiento. Bukod sa paglabag sa JASIG, ang pang-aaresto at pagsasampa ng gawa-gawang kaso ay paglabag ng GRP sa Hernandez Doctrine na nagbabawal sa kriminalisasyon ng mga pampulitikang aksyon. Wala itong pinag-iba sa dinaranas ng daan-daang aktibista at rebolusyonaryong hinuli ng mga armadong tauhan ng GRP.
Ang mga ginagawang pananabotahe sa usapang pangkapayapaan ay pakana ng mga anti-komunista at utak-pulburang papet at ahente ng US sa loob ng GRP. Sa kumpas ng US, tinatarget ang mga hayag at aktibong kinatawan ng NDFP na nag-aasikaso para muling mabuksan ang usapang pangkapayapaan at kumpletuhin ang mga rekisito para sa Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER). Ayaw ng imperyalistang US at mga kasapakat nitong lokal na kumprador-panginoong maylupa na mapag-usapan ang CASER na tumatalakay sa mga ugat ng gera sibil sa bansa. Pangunahing nilalaman ng CASER ang mga kahingian ng mamamayan para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon na pundasyon sa pagkakamit ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa bansa. Sa kasalukuyang katangian ng US bilang isang naghihingalong superpower, kailangang-kailangan niya ang Pilipinas bilang isang neokolonya at base sa kanyang nilulutong gera laban sa China. Dahil dito, sadyang sasagkaan nito ang pag-usad ng usapang pangkapayapaan para patuloy na makapang-upat ng gera at kumita.
Maaaring ipangalandakan ni Marcos Jr. na naghahangad siya ng kapayapaan. Ngunit, ang kasaysayan ng usapang pangkapayapaan at mga patakaran ng kanyang rehimen ay sumasalungat sa pagkakamit ng tunay na kapayapaan. Ang totoong isinusulong niya ay interes niya, ng US at ng mga PML-MBK. Ang kapayapaang hinahangad niya ay ang pasipikasyon ng rebolusyonaryong kilusan at pagtigil ng pambansa-demokratikong pakikibaka ng mamamayan. Hindi nauunawaan ni Marcos Jr. at ng GRP na para makamit ang pangmatagalang kapayapaan, kailangang maisakatuparan ang mga pambansa-demokratikong interes at kahingian ng mamamayan.
Bilang tagapagtaguyod ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan, lagi’t laging bukas ang NDFP na humarap sa usapang pangkapayapaan. Gayunman, hindi nito kailanman isusuko ang rebolusyonaryong prinsipyo nito. Itinatakwil ng NDFP at ng buong rebolusyonaryong kilusan ang imbing pakana ng rehimeng US-Marcos II na localized peace talks, ECLIP at iba pang alok na pakikipagkapitulasyon.
Mulat ang NDFP na bahagi lamang ang usapang pangkapayapaan sa mga anyo ng pakikibaka laban sa marahas na sistema ng pang-aapi at pagsasamantala. Napakasalimuot ng pakikibaka sa mesa ngunit handang-handa ang NDFP negotiating panel na harapin ito para sa interes at kahingian ng mamamayang naghahangad ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. Habang nananawagan ng muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan, mas lalong higit na kailangang pasikarin ang mga pakikibakang masa para sa lupa, kabuhayan, kalayaan at karapatan.
Kung tunay na naghahangad ang kasalukuyang gubyernong Marcos Jr. na lutasin ang gera sibil sa bansa, dapat na tigilan nito ang pagiging sunud-sunuran sa mga utos ng imperyalismong US at itigil ang pagbabalat-kayo bilang maka-kapayapaan. Nararapat lamang na kagyat na itigil ng rehimen ang lahat ng pasistang pang-aatake nito laban sa mamamayan at lumikha ng paborableng kundisyon para sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan. Hinahamon ng NDFP-ST sampu ng nakikibakang mamamayan sa Timog Katagalugan ang rehimeng US-Marcos II na palayain sina Wigberto Villarico gayundin ang lahat ng peace consultants ng NDFP at mga detenidong pulitikal na iligal na inaresto ng armadong pwersa ng GRP. Ang pagpipiit kay Villarico ay dagdag na balakid sa pagkokonsolida ng mga karaingan at mga demokratikong kahingian ng mamamayan ng Timog Katagalugan para ihapag sa mesa ng negosasyon.
Dapat ding kilalanin ng GRP ang status of belligerency o katayuan ng NDFP bilang pwersang nakikidigma at ibasura ang deklarasyon sa CPP-NPA-NDFP bilang mga terorista! Dapat ding papanagutin ang mga militaristang papet ng US tulad ni Año at iba pang mga upisyal ng AFP-PNP sa kanilang patumpatong na krimen sa mamamayang Pilipino!###