Ilantad at Labanan ang Todo-Opensiba ng Rehimen! Paglingkuran ang Sambayanan sa Gitna ng Panunupil at Panlilinlang!
Mula pa nitong Agosto, inilunsad ng rehimeng US-Marcos II at Armed Forces of the Philippines ang isang malawakang todo-opensiba laban sa mamamayang Pilipino. Isinailalim sa walang-habas na operasyong militar ang iba’t ibang rehiyon ng bansa, kabilang ang Timog Katagalugan, kung saan hayagang tinukoy ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army bilang prayoridad ng opensiba ang Mindoro. Isa itong direktang atake sa mga sibilyan, kanilang mga komunidad, at mga kabuhayan.
Sa Mindoro, Quezon at iba pang panig ng bansa, inilantad ng mga ulat ang serye ng pambobomba sa kabundukan at mga sakahan, sapilitang pagpapalikas, pananakot at intimidasyon, red-tagging, pag-okupa sa mga sibilyang estruktura tulad ng barangay hall, kapilya at eskwelahan, at iligal na pang-aaresto sa mga walang armas na residente. Lahat ng ito ay malinaw na paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas.
Hindi ito naiiba sa mismong kasinungalingan ni Ferdinand Marcos Jr sa kanyang nakaraang State of the Nation Address (SONA) kung saan ipinagyabang niya na “wala nang pwersang gerilya sa bansa.” Ang naturang pahayag ay malayo sa katotohanan. Ginagamit ito ng estado upang bigyang-katwiran ang todo-opensiba at itago ang lumalalang krisis ng kanyang paghahari.
Lalong ipinakita ng AFP Chief of Staff Romeo Brawner ang pagiging ilusyonado ng estado nang sabihin sa kanyang pagbisita sa kampo ng 203rd Brigade sa Mindoro na titigil na umano sa armadong pakikibaka ang New People’s Army. Ang kanyang pahayag ay hindi lamang kasinungalingan kundi isa ring desperadong pagtatangka na palabasing sumusuko na ang rebolusyonaryong kilusan.
Tulad ng binigyang-diin sa pahayag ni Marco Valbuena ng Partido Komunista ng Pilipinas noong Agosto 26, “Marcos dims peace prospects, aggravates conditions for war”, lalong inaalis ng rehimeng Marcos ang posibilidad para sa isang makatarungan at inklusibong usapang pangkapayapaan. Layon din nilang pilitin ang kilusang rebolusyonaryo na sumuko sa ilalim ng Memorandum Circular No. 83 o ang National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD) ng rehimen. Sa halip na maglatag ng konkretong hakbang para sa isang tunay na kapayapaan at lutasin ang ugat ng digmaan, ang kawalan ng lupa, trabaho, at karapatan, lalong pinapalalim ng rehimen ang dahilan upang lumaban ang mamamayan.
Hindi magdudulot ng tunay na pagkakaisa o kaayusan ang mga pagtatangka ng rehimeng US-Marcos II para durugin ang rebolusyonaryong diwa ng mga mamamayang Pilipino. Ang hakbang na ito ng rehimen ay patuloy na nagpapakita ng pagpapabaya sa mga tunay na sanhi ng hidwaan at karahasan sa bansa, ang hindi pagkakapantay-pantay, kakulangan sa lupa at trabaho, at ang kawalan ng makatarungang sistema.
Sa harap ng kalagayang ito, dapat gampanan ng kabataan ang kanyang rebolusyonaryong tungkulin. Ang kabataang makabayan ay hindi tahimik na tagamasid. Hindi dapat manahimik habang nilulunod ng bomba at bala ang kanayunan. Hindi dapat maging bulag sa mga kasinungalingan ng estado. Ang laksa-laksang kabataan ang dapat manguna sa pagbubunyag ng katotohanan, sa paglaban sa militarisasyon ng mga pamantasan, pamayanan, at kanayunan. Sa bawat komunidad na nililigalig ng AFP, dapat may kabataang nakikidigma para sa kapayapaan. Sa bawat pamantasan, dapat may kabataang nagpapaliwanag, nag-oorganisa, at nagpapakilos.
Hindi titigil sa pakikibaka ang kabataan habang naririyan ang panunupil.
Ang kabataang makabayan ay magpunyaging ilantad ang todo-opensibang militar ng rehimen. Magsaliksik, magpaliwanag, mag-organisa at magpakilos sa hanay ng kapwa kabataan at mamamayan. Kailangang pasinungalingan ang mga kasinungalingan ng estado. Kailangang labanan ang panunupil ng AFP at PNP. Kailangang gapiin ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo na siyang tunay na ugat ng digmaan.
Habang pinipilit ng rehimen na patahimikin ang mamamayan, lalong sumisigaw ang panawagan ng rebolusyon. Habang binobomba ang kanayunan, lalong tumitibay ang paninindigan ng masa. At habang nilalason ng estado ang isipan ng kabataan, lalong lumilinaw ang panawagan para sa panlipunang pagbabago.
Hindi panahon ng pananahimik ang kasalukuyan. Panahon ito ng pagkilos, ng paglilingkod, ng pakikibaka.
Kabataan, lumaban para sa karapatan ng mamamayan, paglingkuran ang sambayanan sa larangan ng pakikibaka!