Imperyalistang pandarambong ang sanhi ng pagbaha: Itigil ang mapangwasak na pagmimina!

Pinagdudusahan ngayon ng mamamayang Pilipino ang walang pakundangang pangwawasak sa kalikasan ng mga ganid na dayuhan at lokal na kapitalista sa ngalan ng pagkakamal ng tubo. Sa nakaraang buwan, naganap ang matitinding pagbaha sa Mindanao at Timog Palawan matapos ang mga pag-ulan na dala ng shearline at amihan. Nasa higit 3,900 pamilya mula sa Brooke’s Point at daan-daan pang pamilya sa Rizal at Sofronio Española sa Timog Palawan ang apektado. Sa Mindanao, aabot sa 52 ang namatay habang libu-libo ang nadisloka noong buwan ng Disyembre.

Ang mayor na sanhi ng pagbaha at mga pagguho ng lupa ay ang deka-dekadang pangwawasak sa kagubatan at kabundukang gawa ng pagmimina, pagtotroso at iba pang mapanirang proyekto. Kinalbo ng mga gahamang kapitalista ang mga gubat, pinatag ang mga bundok, nilason ang mga ilog at pinatay ang mga laksang buhay na kailangan sa pagmamantine ng balanse ng ekosistema. Sa ilang dekadang pagtutuluy-tuloy ng mga gahamang aktibidad na ito, tuluyang nawasak ang likas na kaayusang kumokontrol sa daloy ng tubig mula sa kabundukan tungo sa karagatan. Ito ang malaon nang pinangangambahan ng mamamayan kaya’t mariin nilang tinututulan ang mga mapandambong na negosyo lalo ang pagmimina.

Matingkad na halimbawa nito ang Brooke’s Point sa Timog Palawan na sinasalanta ng malalaking kumpanya ng mina sa loob ng halos 50 taon. Pumasok dito ang Nippon Mining Company of Japan at Infanta Mineral and Industrial Corporation noong dekada 1970 para sa eksplorasyon. Pagdating ng 1993, pinagkalooban ng reaksyunaryong gubyerno ang Celestial Mining and Exploration Corporation ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) para sa pagmimina ng nickel sa 2,835.06 ektarya sa nasabing bayan. Sa ilalim ng rehimeng US-Arroyo, mapupunta ang MPSA sa ngayo’y Ipilan Nickel Corporation habang bibigyan ng MPSA para sa higit 1,500 ektarya ang kumpanyang MacroAsia Mining Company (dating Infanta) na pagmamay-ari ng burgesya kumprador na si Lucio Tan.

Tuluy-tuloy ang operasyon ng pagmimina ng dalawang kumpanya sa kabila ng reklamo ng mga residente at mga maka-kalikasang grupo sa idinudulot nitong pinsala sa agrikultura, pampublikong kalusugan (public health) at kapaligiran. Sa katunayan, sinaklaw na ng mga aktibidad ng mga kumpanya ng mina ang Mt. Matalingahan na idineklarang protected area noong 2009.

Ang napakatagal nang pagmimina sa Brooke’s Point ang pangunahing sanhi ng delubyong dinaranas ng mamamayan doon. Ito rin ang paliwanag sa likod ng mga pagbaha sa Mindanao. Napakatagal nang namamayagpag ng mga kumpanya sa mina sa isla sa pakikipagsabwatan sa mga lokal na burukrata at sa pambansang gubyerno. Ito rin ang ugat ng maalab na paglaban ng mga pamayanang Lumad na nais lamang ipagtanggol ang kanilang lupaing ninuno mula sa mga mandarambong.

Malinaw kung sino ang may kriminal na pananagutan sa mga sakuna kaya’t nakagagalit ang pagmamaang-maangan ng mga nasa gubyerno sa pangunguna ng inutil na pangulong si Marcos Jr. Masahol pa, tinatabunan nila ang usapin ng pananagutan sa pagsira at pandarambong sa kalikasan gamit ang palasak na panawagang “magkaisa” para tulungan umano ang mga biktima. Kung tutuusin, kasama ang mga burukratang kapitalista sa dapat usigin sa mga pagbaha dahil sila naman ang nagpahintulot sa mga operasyong mina, troso at iba pang mapanirang proyekto. Lumala ang pagmimina sa bansa sapul nang ipinasa ang Mining Act of 1995 na nagbuyangyang sa mga kabundukan sa imperyalistang pandarambong.

Nakasusuka rin ang pagpopostura ng AFP-PNP bilang mga tagapagligtas ng mamamayan gayong sila ang protektor ng mga mapanirang proyekto tulad ng troso at mina. Sa Palawan, itinatalaga ang mga yunit ng 3rd Marine Brigade sa mga eryang target ng pagpapalawak ng operasyon ng mina bilang bantay at panakot sa mga tutol sa mina. Mga sundalo’t pulis din ang nagpupuslit sa mga troso na iligal na pinuputol ng mga sindikato sa probinsya.

Ipinapakita ng mga delubyo sa Palawan at Mindanao na sagad na ang pangwawasak sa kalikasan at hindi na ito basta-basta maaampatan ng tao. Dapat nang ipatigil ang mga mapanirang proyekto lalo ang pagmimina alang-alang sa kaligtasan ng mamamayan at para sa kagalingan ng susunod na henerasyon.

Hindi makakalimutan ng mamamayan sa Marinduque at Timog Katagalugan ang kriminal na pananagutan ng pamilyang Marcos at Marcopper Mining Company sa pagkawasak at pagkalason ng kabundukan, ilog at dagat at ang dulot nitong sakuna sa mamamayan dulot ng operasyong open pit mining. Ang pamilyang Marcos, sa pamamagitan ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. ang pangalawa sa pangunahing nagmamay-ari ng Marcopper Mining Company mula 1972 hanggang mapatalsik ito sa kapangyarihan noong 1986. Mumo lamang sa dinambong na yamang mineral ang ibinayad sa mga biktima na hanggang ngayon ay dinadanas ang kalupitan ng pagkawasak sa kabuhayan at kapaligiran. Humihiyaw ng katarungan ang mamamayan at ang bayan upang panagutin ang mga salarin.

Sa kagyat, dapat ipanawagan ang pagpapatupad ng mining moratorium sa buong bansa. Dapat ding tutulan at ipakansela ang mga kasunduang pinasok ni Marcos Jr. sa US at China hinggil sa extraction ng mga yamang mineral at iba pang patrimonial asset ng bansa. Kinakailangang ibunsod ang malawak at malakas na kilusang masa para ipasara ang malalaking minahan at panagutin ang mga ganid na imperyalista’t lokal na naghaharing uring salarin sa pandarambong at pagwasak sa kalikasan.

Ang sustenableng paggamit sa likas na yaman para sa kaunlarang pang-ekonomya ay itinataguyod ng rebolusyonaryong kilusan. Sa burador ng NDFP na Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms para sa peace talks, nakasaad na ipahihinto ang mga mapaminsalang proyekto ng pagmimina, pagtotroso, reklamasyon at plantasyon. Lilimitahan ang pagmimina sa mga kinakailangang imanupaktura na mga kagamitan sa produksyon at mabibigat na industriya na kailangan para sa pambansang industriyalisasyon, at hindi pahihintulutan ang pandarambong ng mga monopolyo kapitalista sa likas na yaman. Magsasaliksik ng mga pamamaraan ang demokratikong gubyernong bayan para hindi magresulta sa malawakang pagkasira ng kalikasan ang mga pang-ekonomyang aktibidad ng mamamayan. Rekisito ang mahusay na pagpaplano sa ekonomya at pangangalaga sa kalikasan para matiyak ang isang bayang masagana, mapayapa, makatarungan at ligtas sa sakuna.###

Imperyalistang pandarambong ang sanhi ng pagbaha: Itigil ang mapangwasak na pagmimina!