Pahayag

Ipagbunyi ang Kaarawan ni Andres Bonifacio at Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Kabataang Makabayan! Isulong ang Pambansa-Demokratikong Rebolusyon!

,

Sa araw na ito taong 1863, isinilang sa bayan ng Tondo ang bayaning si Andres Bonifacio na buong tapang na lumaban sa pwersa ng kolonyalistang Español. Bagaman inagaw ng imperyalistang Amerikano ang tagumpay na sana ng pinamunuan niyang lumang demokratikong rebolusyon, naririto pa rin ang diwang makabayan na kanilang sinindihan at tangan ng mga nagpapatuloy ng pambansa-demokratikong rebolusyon. 

Mahigit 70 taon mula sa panahon ng mga Katipunero ay itinatag naman nina Ka Jose Maria Sison ang organisasyon ng mga bagong kabataang rebolusyonaryo: ang Kabataang Makabayan noong Nobyembre 30, 1964. 

Bagaman magkaiba ng konteksto ng kanilang paglaban ay parehong kumilos ang Katipunan at Kabataang Makabayan para sa iisang hangarin—ang makamtan ang tunay na kalayaan. 

Simula nang maitanim, kumalat, at lumalim ang mga ugat ng kahirapan sa bansa, patuloy na ang iilang naghaharing-uri lamang ang nakikinabang sa yaman ng bayan. Minumulto pa rin ang bayan ng mga sakit na nagpapahirap at nagpapanatili sa lubos na kahirapan at pinipilit ang taumbayang ang kahirapang ito ang makasanayan. 

Nananatiling tatsulok ang lipunan kung saan iilang naghaharing-uri lamang ang may hawak ng kapangyarihan at yaman, at ang pamahalaan at kaban ng bayan ay palaruan at gatasan ng mga burukrata kapitalista. 

Sa kanayunan ay nananatiling pahirap ang pyudalismo sa mga magsasaka. Sa kalunsuran naman ay nabubuhay ang mga manggagawa sa barya-baryang pasahod ng mga kapitalista. Habang tumataba ang bulsa ng mga pulitiko at imperyalistang bayan dahil sa pagpasok ng mga dayuhang kumpanya at malaganap na korapsyon, naghihirap ang sambayanang Pilipino.

Nagdurugo ang mamamayang Pilipino dahil sa dahas ng reaksyunaryong estadong pinatatahimik ang mamamayang bumoboses para sa kanilang kabuhayan, mga karapatan, pagtatapos sa korapsyon at paghahari ng iilan, at tunay at makamasang kaunlaran at kalayaan.

Isa lang ang malinaw—hindi ibinibigay nang kusa ang kalayaan, kaya’t nararapat lamang na matanto ng bayan na kailangan niyang tumayo at humawak ng armas upang makamit ang hangarin niyang kalayaan. 

Ipagpatuloy ang armadong pakikibaka para sa pambansang demokrasya na may sosyalistang perspektiba! Ipagpatuloy ang rebolusyon ni Bonifacio, isulong ang bagong tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon! 

Mabuhay ang dakilang alaala ni Andres Bonifacio!
Mabuhay ang Kabataang Makabayan!
Kabataan, paigtingin at palaganapin ang digmang bayan sa kanayunan! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Ipagbunyi ang Kaarawan ni Andres Bonifacio at Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Kabataang Makabayan! Isulong ang Pambansa-Demokratikong Rebolusyon!