Ipagbunyi ang kasaysayan at tradisyon ng paglaban ng katutubong mamamayan
Ginugunita ng NDFP-ST ang Pandaigdigang Araw ng Katutubong Mamamayan noong Agosto 9 na may mataas na pagpaparangal sa mga pambansang minorya na walang pagod na nakikibaka para sa kanilang karapatan at nagtatanggol sa lupaing ninuno mula sa pandarambong at pangwawasak ng imperyalismo, kumprador-panginoong maylupa kasabwat ang mga burukrata-kapitalista. Kabilang sila sa mga bagong bayani ng sambayanan na huwaran sa marubdob na paglaban para sa demokratikong interes ng kanilang sektor at sustenableng pag-unlad para sa lahat. Lalo silang naging kahanga-hanga sa pagpapamalas ng katapangan at determinasyon sa kabila ng brutalidad ng estado.
Wastong pinili ng mga pambansang minorya na lumaban sa harap ng malalaking banta sa kanilang buhay, karapatan at lupaing ninuno bunsod ng pamamayani at pagsahol ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo sa bansa. Pangunahin silang biktima ng pagpasok ng mga korporasyon at ng mismong reaksyunaryong gubyerno sa mga kabundukan upang bigyang-daan ang mga imprastraktura at proyektong maglilingkod sa interes ng dayuhan at pribadong negosyo.
Dislokasyon ng mga katutubong mamamayan ang dulot ng mga proyektong dam, mina, eko-turismo, pagtotroso at maging mga pakanang conservation na kadalasang ginagamit lamang na tabing ng extractive industries. Kasabwat ng mga gahaman ang mga armadong pwersa ng estado na silbing bayarang tauhan ng mga kumpanya at ng lokal na naghaharing uri. Inaagawan ng lupa ang mga katutubo, pinalalayas sa kanilang mga pook-kabuhayan at itinataboy mula sa mga kagubatan at kabundukang karugtong na ng kanilang buhay. Kasingkahulugan ito ng pagwasak sa buu-buong pamayanan ng mga pambansang minorya at pagpapawalang-saysay sa kanilang kasaysayan at kultura. Sumisidhi pa ito sa ilalim ng kasalukuyang rehimeng US-Marcos II lalo’t hayagan nitong inaakit ang pamumuhunan ng mga kumpanya sa mina upang diumano’y isalba ang ekonomya at itinatambol ang hydropower at natural gas bilang solusyon sa krisis sa enerhiya.
Habang binabata ang pang-aatake at pangangamkam sa kanilang lupaing ninuno, patuloy na dinaranas ng minoryang mamamayan ang kasalatan sa serbisyong sosyal bunsod ng pag-abandona sa kanila ng gubyerno at ang sobinismo buhat sa burgis-pyudal na kultura ng lipunan. Tokenismo at hungkag ang ipinapakita ng reaksyunaryong estado na pagkilala at pagkalinga sa mga katutubo sa anyo ng mga programang ayuda, pagpapaupo sa kanila sa burukrasya at pagpopopularisa ng katutubong kultura dahil sa likod nito’y patuloy ang pang-aapi at paglapastangan sa karapatan ng mga katutubo. Masahol pa, sinasalaula at pinagkakakitaan ang tradisyon at kulturang katutubo sa patuloy na paggamit dito bilang pang-aliw ng mga turista o ispektakulo sa mga pampublikong pagtitipon.
Damang-dama ng katutubong mamamayan sa rehiyong TK ang matinding pang-aapi at pambubusabos sa kanila ng estado. Pinakamalaki sa mga minoryang grupong ito ang mga Dumagat at Remontado sa Sierra Madre, Mangyan sa Mindoro, Manide sa Timog Quezon, Palaw’an at Tagbanua sa Palawan. Mayor na kinakaharap ngayon ng mga Dumagat-Remontado ang proyektong Kaliwa-Kanan Dam na iniraragasa sa hangganan ng Rizal at Quezon, bukod pa ang ibang proyektong hydropower na nakakalat sa bulubundukin ng Sierra Madre. Liban sa kinakamkam ang lupa ng mga katutubo, balot ito ng anomalya. Napakataas ng interes sa pautang na babayaran ng gubyerno sa China para sa proyekto. Sapilitan ding kinuha ng gubyerno ang free, prior and informed consent (FPIC) sa pangunguna ng National Council on Indigenous Peoples ng mga residente upang tabunan ang matunog na pagtutol ng mamamayan dito.
Sa Mindoro, tusong inaabante ang pakanang pagpapalayas sa mga Mangyan alang-alang sa mga proyektong pagmimina ng langis, natural gas, bato at mahahalagang mineral. Upang ikubli ang pagpasok ng mga gayong negosyo, nagpakulo ang reaksyunaryong gubyerno ng Tamaraw Reservation Expansion Project (TREP) o ekspansyon ng tirahan ng mga tamaraw sa mga eryang target ding minahin. Nagsimula na ang pagbabakod at “pamimili” ng lupa ng mga katutubo kaugnay ng TREP sa Occidental at Oriental Mindoro.
Pukpukang nakikipaglaban ang mga katutubo kakapit-bisig ang di-katutubong mamamayan ng Palawan upang patigilin ang mga mapaminsalang operasyon ng mina at mga plantasyon sa isla. Tampok ang pagkilos ng mamamayan laban sa Ipilan Nickel Corporation na nananalasa sa Timog Palawan. Nagbibigkis din ang mga katutubo at di-katutubong mamamayan upang labanan ang pangangamkam ng lupang sakahan na ikukumbert tungong plantasyon ng palm oil.
Saanman may pang-aapi ay makatarungang magbangon upang ipagtanggol ang sarili at ipaglaban ang demokratikong karapatan. Sa mga nabanggit na lugar at sa maraming iba pa, nagkakaisa ang mga minorya upang biguin ang imbing plano ng mga gahaman na patalsikin ang katutubo sa kanilang lupa at sairin ang likas-yaman ng bansa. Kasama nila sa laban ang mga di-katutubong mamamayan — mga magsasaka, manggagawa, kabataan, kababaihan, taong simbahan, mga makakalikasang grupo at iba pang aping uri’t sektor na tulad nila’y nagtatanggol sa bayan mula sa imperyalistang pandarambong. Ang brutal na panunupil ng estado sa kanilang hanay ay `di kailanman nagtagumpay na kitlin ang kanilang pakikibaka. Sa halip, lalo nitong pinag-alab ang kanilang paghihimagsik hanggang sa sila’y tumangan ng armas sa balangkas ng pambansa demokratikong rebolusyon upang labanan nang ngipin-sa-ngipin ang pasistang estado.
Isang maaliwalas at masaganang bukas ang tinatanaw ng mga pambansang minorya sa kanilang pagsalig sa rebolusyong isinusulong ng CPP-NPA-NDFP. Laksa-laksang katutubong mamamayan ang umanib sa mga rebolusyonaryong organisasyon at napakarami na ring kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas mula sa kanilang hanay. Itinayo na sa Timog Katagalugan ang mga pambansa-demokratikong organisasyon para sa iba’t ibang etnolinggwistikong grupo: ang KADUMAGETAN, Mangyan Revolutionary Organization (Mindoro) at SUPOK. Yumayabong ang kasapian ng mga ito sa lumalawak na saklaw at inaabot ang antas distrito na organisasyon.
Sa programa ng Demokratikong Gubyernong Bayan, kinikilala ang karapatan sa sariling pagpapasya ng mga katutubo na nakaugat sa kanilang karapatan sa lupa. Itataguyod ang karapatan sa lupaing ninuno at komunal na pag-aari ng mga minorya. Magpapatupad ang DGB ng mga kongkretong programa upang wakasan ang sobinismo at itaguyod ang tunay na paggalang sa kasaysayan, kultura at tradisyon ng mga etnolinggwistikong grupo.
Sa Timog Katagalugan, daan-daan na ang katutubong tumangan ng sandata at pumaloob sa Bagong Hukbong Bayan at sumusuporta sa rebolusyon dahil nakita nila ang sinseridad ng rebolusyon sa pagkilala sa mga pambansang minorya at sa kanilang karapatan. Ika nga ni Divine Soreta o Ka Sowi, isang katutubong Manide at martir ng rebolusyong Pilipino, pinapahalagahan ng kilusan ang bawat indibidwal, anuman ang kanyang lahi, kulay at kasarian, kaya’t tunay mong mararamdaman ang iyong kabuluhan bilang tao. Taglay ang kaisipang ito, hinuhubog ng mga katutubo ang kanilang sarili upang maglingkod sa kapwa nila katutubo at sa buong sambayanan sa abot ng kanilang makakaya, hanggang maibagsak ang mapang-aping sistemang malakolonyal at malapyudal buhay man ang maging kapalit.
Ang diwa ng paglaban at pagsasakripisyo ng sarili ay dakilang pamana ng nakikibakang katutubong mamamayan sa nakababatang henerasyon. Dapat ipagbunyi ang militante at rebolusyonaryong tradisyon ng paglaban ng mga katutubo para sa karapatan sa lupaing ninuno at sariling pagpapasya, at ang kanilang mahalagang papel sa pagsusulong ng digmang bayan hanggang tagumpay.
Mabuhay ang katutubong mamamayan!
Mabuhay ang demokratikong rebolusyong bayan!