Pahayag

Ipaglaban ang karapatan sa ayuda at serbisyo sa panahon ng El Niño sa pamamagitan ng kolektibong pagkilos! Labanan ang imperyalistang pandarambong sa kalikasan!

, ,

Nananalasa sa Mindoro ang matinding tagtuyot dulot ng penomenon ng El Niño. Nagdeklara na ng state of calamity ang mga bayan ng Mansalay at Bulalacao sa Oriental Mindoro at San Jose, Magsaysay at Looc sa Occidental Mindoro. Umabot na sa daang milyon ang pinsala sa agrikultura sa mga naturang bayan. Labas sa pag-dedeklara ng state of calamity para humingi na saklolo sa pambansang gubyerno at ang kaakibat nitong price freeze sa pangunahing pangangailangan, walang makabuluhang hakbangin ang mga lokal na gubyerno para sa mga Mindoreño.

Bago pa ideklara ang state of calamity, kapansin-pansin na ang pagkalanta at pagkamatay ng maraming pananim sa ilang bahagi ng isla lalo na sa Occidental Mindoro at Bulalacao sa Oriental Mindoro na may klimang nasa kategoryang Type 1. Bitak-bitak na ang lupang sinasaka ng mga magsasakang katutubo at di katutubo dahil sa kawalan ng patubig. Marami sa mga ilog, sapa at bukal na karaniwang pinagkukunan ng tubig ng masa ay tuyong-tuyo na.

Ang El Niño ay isang penomenong pangkalikasan na nagdudulot ng labis na tagtuyot pangunahin sa mga bansang nasa kanlurang panig ng Pacific Ocean, kabilang ang Pilipinas. Kapansin-pansin sa nakaraang dekada na mas papadalas at mas papalala ang nagiging epekto ng penomenon ng El Niño.

Ayon sa mga siyentista, pinalalala ng climate change ang mga kalamidad. Ang pagbabagong ito sa klima ay epekto ng pagkawasak sa kalikasan na nagtulak ng ganitong paglala ng epekto ng El Niño. Ang malawakang pandarambong sa kalikasan na pangunahing hatid ng imperyalistang pagkaganid sa tubo sa kagustuhan nilang pumiga nang pumiga ng kita mula sa likas na yaman sa alinmang panig ng mundo ang pangunahing naghatid ng pagbabagong ito sa klima. Nagkakaanyo ito sa paparaming mga ekstraktibong industriya kagaya ng pagkaubos ng mga puno at sa gayon ay pagkakalbo ng mga kagubatan, pagmimina ng bakal at langis, ekspansyon ng mga empresa, pagawaan at iba pang pasilidad pang-industriya at pang-serbisyo, pagdami ng mga industriyal at komersyal na basura, at marami pang iba.

Ang mga mahihirap at atrasadong bansa na tulad ng Pilipinas ang pinakabulnerable sa mga masamang epektong hatid ng climate change. Ang hikahos at busabos na kalagayan ng kanyang mga mamamayan dahil sa sistemang malakolonyal at malapyudal na kinukubabawan ng imperyalismong US ay higit na pinatitindi pa ng natural na mga kalamidad. Patunay nito, mula noong sakupin ng US ang Pilipinas noong 1900s, sinimulan nito ang malawakang pagkakalbo sa mga gubat sa pamamagitan ng mga konsesyon sa pagtotroso, dambuhalang mga minahan at mga plantasyon sa layuning pakinabangan ang mga produkto nito bilang hilaw na materyales sa kanilang mga industriya. Pagpasok ng 1980s, ang neoliberal na patakarang ipinataw ng US sa bansa ang naghatid ng mas malalang pananalasa ng krisis sa ekonomiya nito. Hanggang sa kasalukuyan, ang tagibang na kalakalan sa dayuhan, pagpasok ng dayuhang pamumuhunan, pandarambong ng likas na yaman, pagbaba ng sahod ng manggagawa, pagkawasak ng agrikultura at bagsak na presyo ng produktong bukid ng mga magsasaka at kawalan ng pag-unlad ng sariling industriya ng bansa ang nagdudulot ng pamalagiang krisis. Ito ang sitwasyong pinalalala ng mga natural na kalamidad.

Sa isla ng Mindoro, tinatayang aabot sa 280,000 ektarya ng lupain ang kasalukuyan at nakaambang isailalim sa pagmimina ng mga dayuhang korporasyon. Pinalalaganap din ang mga proyektong para umano sa kaunlaran na nagkakamkam sa lupa ng mga magsasaka kagaya ng mga solar farms, windmills, mga dam, at iba pa.

Sa tindi ng tagtuyot, tinatayang aabot na sa 664 libong ektarya ng kabuuang 1.02 milyong ektaryang lawak ng isla ang nakapailalim ngayon sa iba’t ibang antas ng tagtuyot. Inaasahang hindi pa ito ang kasagaran ng El Niño na inaasahang tatagal hanggang sa buwan ng Hulyo sa iba’t ibang bahagi ng isla. Sa kalagayan ngayong namamatay na ang mga pananim, nakapangingilabot ang tumatambad na sitwasyon at lalo na sa kasasadlakan ng dati nang mahihirap na mga mamamayan. Dahil sa pagkapinsala ng mga pangunahing pananim, may ilang magsasaka—lalo na yaong mula sa maralitang saray—na pag-uuling at pagtiting-ting na ang kabuhayan dahil hindi na nila kinakaya pang taniman ang kanilang lupa.

Hindi lang kabuhayan ng mga Mindoreño ang apektado ng El Niño. Lumalaganap na rin ang mga kaso ng bulutong-tubig at iba pang mga sakit dahil sa kawalan ng mapagkukunan ng malinis na tubig. Ang karamihan ng mamamayang walang sistema ng tubig inumin ay naobligang umigib sa malalayong pinagmumulan ng tubig at ginagastusan na ng transportasyon. Pati ang mga alagang hayop ay nabibiktima nito, kung kaya hindi iilan ang namatay na ang mga hayop o kaya kinakatay nalamang para mapakinabangan.

Ampaw ang pangako ng DSWD at DA na ayuda sa mga apektadong mamamayan gayong ipinahayag mismo ng mga kalihim nito na hindi kaya ng mga nasabing ahensya na magbigay ng ayuda nang mag-isa dahil sa kakulangan sa pondo. Kakarampot na Php 5,000 para sa farm inputs at Php 3,000 na fuel subsidy lamang ang maipapamahagi ng DA sa iilang mga magsasaka. Sa kabila ng kainutilan ng DSWD at DA na magbigay ng makabuluhang ayuda ay sinisipsip na parang linta ng berdugong AFP, PNP at NTF-ELCAC ang pondo ng reaksyunaryong gubyerno. Sa 2024 budget ng rehimeng US-Marcos II, aabot sa Php 2.5T ang pork barrel ni Marcos Jr. at Php 475.4 bilyon ang inilaan para sa mga pasista-teroristang institusyon, habang PhP 181.4 at PhP 247.8 bilyon lang ang inilaan sa DA at DSWD. Ang bilyones na nasa kamay ngayon ng AFP-PNP ay pondo para sa pandarahas sa mga magsasaka, katutubo at iba pang masang api na pinahihirapan na ng El Niño at matinding krisis sa ekonomya ng nabubulok na malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan sa bansa.

Sa ganito, malinaw na walang makabuluhang ayuda o serbisyo na maibibigay ang reaksyunaryong gubyerno sa mamamayan. Kriminal na kapabayaan ito at malinaw na pagtalikod ng rehimeng US-Marcos II sa interes at pangangailangan ng taumbayan gayong ang reaksyunaryong gubyerno rin naman ang nagbigay-daan sa deka-dekadang imperyalistang pandarambong sa bansa Ang tanging pag-asa ng masang api sa isla at buong bansa ay ang kanilang sama-samang pagkilos at paglaban para sa kanilang kapakanan at karapatan.

Nararapat na iturol ng mamamayan ang kanilang paglaban sa imperyalistang panghihimasok ng US sa bansa na siyang pangunahing dahilan ng pagkasira ng kalikasan at pagbabago ng klima. Kasabay nito, dapat singilin ang reaksyunaryong gubyerno sa tahasang pag-abandona nito sa tunay na pangangailangan ng taumbayan at pagwawaldas ng pondo para sa pandarambong, pasismo at sa mga patabaing baboy na MBK-PML at mga ahente nilang heneral ng AFP-PNP.

Para makamit ang kagyat na pag-ampat sa kahirapang dulot ng tagtuyot, dapat igiit ng masang Mindoreño ang karapatan nila sa sapat na pinansyal at materyal na ayuda sa gitna ng matinding krisis, gayundin ang makabuluhang subsidyo at suportang serbisyo sa agrikultura. Dapat na ipaglaban ang paglilipat ng pondo mula sa trilyong pisong pork barrel ni Marcos Jr at pondo ng militar para sa subsidyo sa mamamayang biktima ng tagtuyot. Dapat ding ilunsad ng mga magsasaka at katutubo sa kanayunan, sa anumang porma at antas na kakayanin, ang mga tulungan, suyuan at mga kolektibing aksyong masa para lutasin ang suplay ng tubig, tiyakin ang pagiging produktibo ng mga lupang sakahan ng mga magsasaka at lupang ninuno ng mga katutubo sa gitna ng labis na tagtuyo dulot ng El Niño.

Dapat sagpangin ng mamamayan ang krisis na likha ng El Niño para singilin ang reaksyunaryong gubyerno ni Marcos Jr. sa kapabayaan nito sa kapakanan ng mga magsasaka at agrikultura na siyang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mayorya ng Pilipino at Mindoreño.

Dapat isulong ang rebolusyonaryong programa bilang sagot sa kasalukuyang kalagayan ng bansa. Dapat magsilbi ito sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa at sa pagpapalakas ng armadong pakikibaka na siyang maghahawan ng landas para mangibabaw ang demokratikong gubyernong bayan na magpapatupad ng programang tunay na maglilingkod sa interes na masang anakpawis at iba pang demokratikong uri at sektor.

Mamamayang Mindoreño, magkaisa at ipaglaban ang ayuda sa panahon ng El Niño!
Singilin ang rehimeng US-Marcos II at lokal na reaksyunaryong gubyerno sa kapabayaan at pagpapahirap sa mamamayan!
Panagutin ang mga dambuhalang negosyo at imperyalismong US sa pagsira sa kalikasan na nagbunsod ng El Niño!
Makibaka para sa pambansa demokratikong interes ng sambayanan!
Lumahok sa digmang bayan! Ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan!###

Ipaglaban ang karapatan sa ayuda at serbisyo sa panahon ng El Niño sa pamamagitan ng kolektibong pagkilos! Labanan ang imperyalistang pandarambong sa kalikasan!