Pahayag

Ipanawagan ang pagpapalaya sa NDFP peace consultant Porferio Tuna

Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang rehimeng Marcos at ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pag-aresto sa konsultant pang kapayapaan ng NDFP na si Porferio Tuna sa Tagum City, Davao del Norte noong Oktubre 2. Iginigiit ng Partido na dapat igalang ang lahat ng kanyang karapatan, kabilang ang kanyang karapatan sa abugadong kanyang pinili, at agad siyang palayain.

Si Tuna ay nagsilbing konsultant ng NDFP sa pakikipag-usapang pangkapayapaan sa gubyerno ng Pilipinas noong 2016 sa Norway. Nagbigay siya ng mahalagang kaalaman sa Negotiating Panel ng NDFP tungkol sa sitwasyon ng mga magsasaka, manggagawa sa plantasyon, at mga minoryang grupo sa Southern Mindanao, upang epektibong katawanin at isulong ng NDFP ang kanilang interes sa pakikipagnegosasyon at pagbubuo ng kasunduan para sa komprehensibong repormang sosyo-ekonomiko.

Ang pag-aresto at pagdetine kay Tuna ay malinaw na may layuning parusahan siya sa pagsisilbi bilang konsultant pangkapayapaan ng NDFP. Ang pag-aresto sa kanya ay tahasang paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), isang kasunduan sa pagitan ng gubyerno ng Pilipinas at ng NDFP na nagbabawal sa magkabilang panig na gumawa ng mga aksyong mapanghiganti sa negosyador at tauhan sa kapayapaan ng kabilang panig. Ang pag-aresto sa kanya ay hindi nakatutulong sa pagpapalakas ng tiwala sa mga pagsisikap na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan.

Habang nasa kulungan, dinudumog siya ng mga upisyal militar, pati na rin ng mga traydor na naging ahenteng militar, upang pilitin siyang talikuran ang kanyang mga prinsipyo at ang pambansa-demokratikong layunin ng bayan. Siya ay isinasailalim sa matinding sikolohikal na tortyur, kasama ang mga banta laban sa kanya at sa kanyang mga mahal sa buhay, kung hindi siya susuko sa mga pasista.

Huwad ang mga kaso laban kay Tuna, at tulad ng karanasan ng humigit-kumulang 800 bilanggong pulitikal, inimbento ang mga ito upang matagalan siyang ibimbin sa kulungan.

Nanawagan kami sa lahat ng lokal at internasyunal na organisasyon para sa karapatang-tao, mga tagapagtaguyod ng kapayapaan at mga grupong demokratiko na tumulong upang tiyakin ang pagpapalaya kay Tuna, upang patuloy niyang gampanan ang trabaho bilang konsultant sa kapayapaan, at upang magsilbi sa bayan, lalo na sa mga manggagawa sa plantasyon at magsasaka sa rehiyon ng Davao.

Ipanawagan ang pagpapalaya sa NDFP peace consultant Porferio Tuna