Pag-aresto sa isa pang NDFP consultant, hakbang kontra-kapayapaan
Kinundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang panibagong kaso ng pag-aresto ng mga armadong pwersa ng rehimeng Marcos sa isang konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Dinakip ng pinagsanib na pwersa ng 2nd ID at pulis si Wigberto Villarico, at kasama niyang si Marjorie Lizada, sa tinutuluyan nilang bahay sa Barangay Fairview sa Quezon City noong Oktubre 24.
“Iginigiit ng Partido na igalang ang mga karapatan ni Villarico at kagyat siyang palayain. Dapat kaagad na iatras ang patung-patong na kaso laban sa kanya. Dapat kilalanin ang kanyang karapatan para sa sariling piniling abugado at doktor,” pahayag ni Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido.
Ang 68-taong gulang na si Villarico ay dumaranas ng iba’t ibang mga sakit. Mayroon siyang spondylitis, altapresyon, heart arythmia, asthma, prostate enlargement at iba pang mga sakit dulot ng katandaan.
Ayon kay Valbuena, bilang konsultant ay aktibo si Villarico sa pagkakampanya para sa mga isyu at panawagan ng mga manggagawa, magsasaka at minoryang mamamayan, at iba pang mga api at pinagsasamantalahang sektor ng Southern Tagalog. Dagdag pa niya, inaresto ang konsultant sa kasagsagan ng bagyo at sa panahong sumusubaybay at nagpapayo si Villarico sa mga pwersa ng NDFP sa pag-oorganisa at pagpapakilos ng tulong at rekurso para sa mga nasalanta ng bagyong Katrina.
Ikatlong konsultant ng NDFP na si Villarico na inaresto ng rehimeng Marcos ngayong buwan. Noong Oktubre 2, inaresto ng mga tauhan ng estado si Porferio Tuna sa Tagum City, Davao del Norte at noong Oktubre 21, si Simeon Naogsan o Ka Filiw sa Bacarra, Ilocos Norte.
Ang mga pag-aresto na ito ay labag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Ang kasunduang pinirmahan ng mga kinatawan ng GRP at NDFP noong Pebrero 24, 1995 sa Nieuwegein, The Netherlands ay nagsasaad na dapat bigyang-proteksyon laban sa pag-aresto at iba pang akto ng panggigipit ang mga konsultant at tauhan ng magkabilang panig na kalahok sa negosasyon.
“Siguradong-sigurado, ang mga pag-aresto ay inilunsad sa layuning idiskrail ang mga pagsisikap na buhayin ang negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP,” pahayag pa ni Valbuena. Mag-iisang taon na mula nang pumirma ang mga kinatawan ng GRP at NDFP sa Oslo Joint Communique noong Nobyembre 23, 2023.
Laman ng naturang pahayag ang deklarasyon ng paghahangad na muling buksan ang usapan at ang pagbubuo ng balangkas ng negosasyon. Isa itong pangkalahatang deklarasyon kung saan pinagsanib ang mga hangarin ng magkabilang panig: ang paglutas sa “malalalim na nakaugat na sosyo-ekonomiko at pulitikal na mga usapin” at “paglutas sa mga ugat ng armadong tunggalian,” sa panig ng NDFP; at sa kabilang panig, ang “pagtatapos ng armadong pakikibaka” at “transpormasyon ng CPP-NPA-NDFP” na nilalayon ng GRP.