Pahayag

Isulong ang digmang bayan! Buwagin ang estado ng mga burukrata kapitalista at itayo ang tunay na gubyernong bayan!

,

Nagpupugay at mahigipit na nakikiisa ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP)-Ilocos sa malawakang protesta ng sambayanang Pilipino na lumulundo ngayong araw laban sa kanser ng korapsyon na pinalalala ng burukrata kapitalista at pasistang rehimeng Marcos.

Sinasaluduhan ng NDFP-Ilocos ang mamamayang Ilokano na lumalahok sa pambansang protesta laban sa korapsyon ngayong araw. Ito ay sa kabila ng pagbabanta ng PNP, na takot na takot sa pag-aalsa ng mamamayan. Sa panahon ng diktadurang Marcos Sr, nanindigan at lumahok din ang masang Ilokano sa pambansang paglaban sa katiwalian at pasismo nito.

Sampu ng malawak na masang Pilipino, muling bumubulwak ang galit ng masang Ilokano sa nabubunyag na dambuhalang pagnanakaw sa pondo ng bayan ng mga ganid na kontraktor at kanilang mga kasabwat na kurakot na upisyal ng reaksyunaryong gubyerno. Lubos na makatarungan ang kanilang pakikiisa sa malawak na pagpapahayag ng galit ng sambayanan. Kabilang sila sa sambayanang Plipino na patuloy na pinapadugo sa pagbayad ng papalaking buwis sa walang-awat na pagsirit na presyo ng mga bilihin at mga serbisyo. Subalit naiiwan silang nagdurusa, nalalagay sa panganib at nawawalan ng kabuhayan sa palagian, malawakan at lumalalang pagbaha dulot ng mga palpak na drainage system at flood control project, mga diversion road, dam at iba pang imprastrukturang gatasan lamang ng mga tiwaling upisyal ng gubyerno kasabwat ang matatakaw na kontratista.

Isa ang rehiyong Ilocos sa mga nabubulgar at iniimbestigahan ngayon sa mga katiwalian sa flood control projects. Sa ulat ng DPWH, mayroong 851 flood control projects (FCP) sa Region 1, ikalimang pinakamarami sa buong bansa. Ikaapat naman ito sa nakakopo ng pinakamalaking badyet sa nasabing mga proyekto na nagkakahalaga ng ₱39 bilyon, na nabubunyag na nagamit sa bilihan ng boto noong nakaraang eleksyon. Ilan dito ay kinontrata ng mga Discaya. Sa 851 na proyekto, iilan pa lamang ang naiuulat na may anomalya at iniimbestigahan. Kabilang dito ang ₱180 milyon na riprap dike sa Calumbaya, Bauang, La Union na sira dahil sa substandard at pekeng materyales at isa ding hindi tapos na riprap dike sa Bagbag, Bauang, La Union. Mayroon namang nagkakahalagang ₱50 milyon na sira at substandard na FCP sa Anduyao, Tubao at isang ghost FCP sa Rizal, Tubao, La Union. Nabunyag din ang hindi tapos na FCP sa Brgy. Pila, Laoag, Ilocos Norte. Ang mga ito ay nagdulot ng matinding panganib ng mas malalang pagbaha sa mga komunidad nito lamang nakaraang bagyong Emong.

Sa ilalim ng “Build Better More” na programa ng rehimeng Marcos Jr. para sa “Bagong Pilipinas,” nakalatag ang kundisyon sa korapsyon sa malakihang alokasyon sa mga impraistruktura na linuluto ng mga mambabatas at inaaprubahan ng presidente. Ito ay sang-ayon sa dikta ng mga imperyalistang ahensya sa pinansyang IMF-WB, ADB at JICA bilang kundisyon sa kanilang pagpapautang sa bansa. Sa pag-upo ni Marcos Jr., lalo pang pinalaki ang pondo para sa imprastruktura, na hinahabol ng mga matatakaw na upisyal sa gubyerno. Kung kaya’t mabilis na nagsusulputan ang kanilang proyektong imprastruktura na hindi naman seryosong ipinapatupad, o kaya’y ipinapatupad kahit hindi naman kinakailangan. Samantala, paliit nang paliit ang pondo para sa mahahalagang batayang serbisyo sa kalusugan, edukasyon at agrikultura.

Labas sa mga maanomalyang flood control at iba pang proyektong pang-imprastruktura na itinatampok ngayon, dambuhalang pagnanakaw din sa pondo ng bayan ang Maharlika Investment Fund (MIF) na linikha ni Marcos Jr. Dito ay inilalagay ang perang buwis at pondo sa pensyon ng taumbayan para sa mga hindi malinaw na pamumuhunan o proyekto na hahawakan ng mga kroni ni Marcos. Sa iskemang public-private partnerships naman kung saan ipinapaubaya sa mga pribadong sektor ang “pagpapaunlad” ng serbisyong publiko, nagagamit ang pondo ng bayan sa pakikipagsosyohan sa malalaking burges kumprador, kagaya ng Prime Water, subalit ang limpak-limpak na ganansya ay sa kanila.

Gatasan din ng mga heneral at matataas na upisyal ng AFP, PNP at NTF-Elcac ang bilyon-bilyong alokasyon para sa kanilang mga operasyong militar at intelligence, programang modernisasyon, Barangay Development Program at ECLIP at iba pang mapanlinlang na programa sa pagsupil sa demokratikong pakikibaka ng mamamayan. Nandiyan din ang “confidential funds” ng presidente at bise-presidente na nasa kanilang diskresyon kung saan gagastusin. At wag din nating kalimutan, nakabinbin pa ngayon ang impeachment kay bise presidente Sara Duterte dahil din sa pangungurakot ng daan-milyong pondo ng bayan.

Nagmamalinis si Marcos Jr. sa kunwa’y pagkastigo sa mga katiwalian sa sarili nitong gubyerno. Subalit hindi mahuhugasan ang kilala sa buong mundong korap na imahe ng kaniyang dinastiya. Siya ay anak ng diktador na kurakot at pasista, na nagkamal ng dambuhalang kayamanan sa pandarambong sa kaban ng bayan. Sa ilalim ng programang Bagong Lipunan, pinagtuonan ni Marcos Sr ang impraistruktura na pinaghuthotan niya at ng kaniyang mga kroni ng malalaking kikbak. Nangamkam siya ng malalawak na lupain ng magsasaka at nagmonopolyo sa halos lahat ng linya ng industriya at negosyo sa bansa. At hindi makakalimutan ng mamamayan na ito ang dahilan kung bakit bumulwak ang protestang bayan na nagtulak sa diktador na Marcos Sr. upang ilagay sa Martial Law ang bansa noong Setyembre 21, 1972 – na kalauna’y magiging mitsa ng pagpapatalsik sa kaniya noong 1986.

Nanumbalik ang mga Marcos sa poder, gamit ang nakapundar na kapangyarihan at nakabalik sa Malacañang sa pandaraya sa eleksyon noong 2022. Ngayon, binabawi ng mga Marcos ang nakaw na yamang sinikwester sa kanila.

Ang pangungurakot ng pampublikong pondo ay isang bahagi ng burukrata kapitalismo sa isang malakolonyal at malapyudal na lipunan gaya ng Pilipinas. Ang burukrata kapitalismo ay ipinundar ng imperyalistang US sa Pilipinas, noong sinanay nito ang mga papet na rehimen ng mga malalaking burges kumprador at panginoong maylupa sa pamamahala sa gubyerno. Kinailangang gamitin ng imperyalistang US ang burukrasya at ang pusisyon ng mga papet nito upang kontrolin ang ekonomya ng bansa at kasabay ay magpayaman ang mga ito. Kung kayat nasanay ang paggugubyerno sa Pilipinas bilang isang negosyo. Ang paghahari ng imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo ang ugat ng nagpapatuloy at lumalalang krisis ng lipunang Pilipino.

Kaakibat ng burukrata kapitalismo ang pasismo. Ang masang pinagsasamantalahan at pinahihirapan ng burukrata kapitalismo ay natutulak na mag-alsa at maglunsad ng digmang bayan, bagay na susupilin ng pasismo ng estado. Habang lumalala ang burukrata kapitalismo ay umiigting ang pasismo, na sinasagot ng pagpapaigting ng digmang bayan. Sa kasaysayan ng pakikibaka ng mamamayang Pilipino, mula sa panahon ng unang diktadurang Marcos, ang katiwalian ng reaksyunaryong gubyerno ang nagiging mitsa ng pagsulong ng digmang bayan.

Nararapat lamang na ilunsad ang malawakang protestang bayan laban sa katiwalian upang lalo pang hubaran at yugyugin ang rehimeng US-Marcos Jr. Subalit ang kanser ng burukrata kapitalismo, imperyalismo at pyudalismo ay matibay at malalim na nakaugat sa lipunang Pilipinas at bubunutin ito ng armadong rebolusyon. Sa demokratikong rebolusyon ng bayan, ang isang tiwaling gubyerno ng mga panginoong maylupa at burges kumprador ay bubuwagin at itatayo ang demokratikong gubyerno ng bayan. Matitiyak lamang ang isang malinis at tapat na gubyerno na magsisilbi sa interes ng nakararaming naghihirap na masang Pilipino, kung sila mismo ang maggubyerno sa sarili nila.

Kagaya noong panahon ng pakikibaka laban sa korap, pasista at diktador na Marcos Sr., nasa unahan ngayon ng pakikibaka ang mga kabataang pinagkakaitan ng magandang bukas dahil sa kanser ng katiwalian. Kasama ang iba pang aping sektor ng masang Ilokano, marapat lamang na sila’y humugos sa mga kalsada at manindigan laban sa katiwalian at panagutin ang rehimeng Marcos Jr. Lagpas sa mga kalsada sa mga sentrong bayan at kasyudadan, kailangang tunguhin ang kanayunan, sumampa sa New People’s Army at paigtingin ang digmang bayan.

Isulong ang digmang bayan! Buwagin ang estado ng mga burukrata kapitalista at itayo ang tunay na gubyernong bayan!