Pahayag

Isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon bilang tunay na solusyon upang makamit ang pambansang kalayaan at demokrasya!

,

Pormal nang binuksan sa publiko ang paligsahan ng mga kandidato para sa eleksyong 2025 matapos ang filing of certificate of candidacy (COC) noong October 1-8. Bago pa man ang pagsumite ng COC, kaliwa’t kanan na ang proklamasyon ng mga partido pulitikal at indibidwal na mga pulitiko. Noong September 26, pormal na inendorso ni Marcos Jr. ang “Alyansa para sa Bagong Pilipinas o ABP”, na may 12 administration senatorial candidate mula sa iba’t ibang partido pulitikal ng mga naghaharing uring malaking burgesya kumprador at panginoong maylupa. Tinipon ng ABP ang dating mukha mula sa mga pampulitikang dinastiya at mga tradisyunal na pulitiko ng Partido Federal, Nationalist Peoples Coalition, Nationalista Party, Lakas-CMD, at National Unity Party (NUP). Ang “alyansang” ito ay pagsisiguro ng pamilya Marcos na patuloy na makontrol ang kapangyarihan lampas pa ng 2028. Sa gayon makaiwas ang mga ito sa paniningil ng taumbayan sa lahat ng krimen ng mga Marcos mula pa sa ama nitong diktador na si Ferdinand Marcos Sr. hanggang sa kasalukuyang rehimen ni Marcos Jr. 

Daang libo sa buong bansa ang naghain ng kandidatura para sa 18,280 posisyon sa burukrasya. Malaking bahagi ng tatakbo sa mga mayor na posisyon ay mula sa pampulitikang dinastiya ng mga pinakamalalaking kumprador-panginoong maylupa at mga subok ng burukrata-kapitalista. Sumali din ang ilang sikat na personalidad kagaya ng artista, at iba pang nakapag aral mula sa nakaririwasang pamilya. Lubhang maliit ang bilang ng mga progresibong kandidato na kabilang sa batayang masa at panggitnang uri ang nagpasyang kumandidato sa eleksyon.

Sa pagharap ng sambayanan sa labanang elektoral, inutil ang kasalukuyang tangkas ng nakaupong pulitiko sa pangunguna ni Marcos Jr. na lutasin ang nagnanaknak na krisis ng lipunang Pilipino. Sumasahol ang pagkasadlak ng mamamayang Pilipino sa kagutuman, pambubusabos, at paglapastangan sa pambansang soberanya. Sukdulan ang pagpapakatuta ng ilehitimong pangulo sa amo nitong imperyalistang US. Patunay dito ang pagpayag nyang ilagak ang Typhon missile system ng US sa teritoryo ng Pilipinas liban pa ang halos araw araw na ehersisyong militar na isinasagawa sa teritoryo ng Pilipinas. Nagiging probokador ngayon ng gyera si Marcos Jr. sa sulsol ng amo nitong imperyalistang US laban sa China na walang pagsasaalang alang sa posibleng delubyong hatid sa mamamayang Pilipino ng digmaan sa pagitan ng dalawang imperyalistang kapangyarihan na parehas naghahangad na makapandambong sa kayamanan ng Pilipinas at makopo ang bentahe sa geo-politics at ekonomiya ng Asia-Pasipiko.

Walang kaparis ang epekto ng pagsirit ng presyo ng mga bilihin, singil sa kuryente at tubig, pamasahe, at iba pang serbisyo habang nakapako sa napakamurang halaga ang sahod ng mga manggagawa at presyo ng produktong bukid. Walang libreng serbisyo at ayuda para sa mga batayang serbisyo kagaya ng kalusugan, edukasyon, pabahay, transportasyon, at ayuda sa mga magsasaka at iba pang uri na nasalanta at naapektuhan ang kabuhayan dulot ng kalamidad.

Hindi kaiba ang kalagayan sa isla, patuloy ang pagsidhi ng pagdarahop ng masang Mindoreño. Dumami ang bilang ng walang lupang mabubungkal dahil sa pangangamkam ng mga panginoong maylupa (PML) at ang pagkonsentra ng lupa sa kamay ng iilang PML. Resulta nito lalong lumalaganap ang kawalan ng disenteng kabuhayan at pagdoble ng bilang ng manggagawang bukid na nagtitiis sa napakababang arawang sahod na P200-350. Higit sa lahat, laging nakaamba ang malawakang pang aagaw ng mayamang kalupaan ng Mindoro kabilang ang mga kabundukan, karagatan, mga ilog, kapatagan, at maging ang mga panirikan ng masang Mindoreño. Dahil sa paglalako ng mga burukrata kapitalista, dumadagsa sa isla ang mga proyektong mapangwasak sa kalikasan at kabuhayan kagaya ng mga minahan, renewable energy projects (REP), quarry at dredging operation, programang eko turismo, Tamaraw Reservation and Expansion Project (TREP), programang reforestation, at marami pang iba.

Ang halos 90% ng populasyon ng Mindoro ay nakaasa ang kabuhayan sa agrikultura at mga magsasakang lumilikha ng pagkain hindi lamang para sa isla kundi sa buong bansa. Gayunman, pinagtutulungan ng mga burukrata-kapitalista sa malakanyang, kongreso at senado ang pagmasaker sa kabuhayan ng mga magsasaka sa pagpataw ng mga anti magsasakang patakaran dulot ng neoliberalisasyon kagaya ng Rice Tarrification Law at ngayon ng Agriculture Tarrification Bill na iniraratsada sa Senado.

Katulad ng nagaganap sa pambansang antas, mga dating nasa poder pa din ang namamayagpag sa pulitika ng Mindoro kaya walang bagong mapagpipilian ang masang Mindoreño na tutugon sa kanilang panaghoy. Sa Oriental Mindoro, pinangunahan ng magkapatid na Humerlito “Bonz” at Hubert Dolor para sa pagka Gobernador at Bise Gobernador ang kanilang partidong Galing at Serbisyo para sa Mindoreño o GSM. Habang ang mahigpit na kalabang partido na Mindoro Bago ang Sarili o MBS-Lakas CMD ay pinangunahan ng kasalukuyang Congressman ng unang distrito na si Arnan Panaligan at ng dating kongresman at talunan noong 2022 bilang kandidatong gobernador na si Doy Leachon na tumatakbo ngayon bilang meyor ng Calapan City. Sa Occidental Mindoro, walang malakas na partidong humamon sa kasalukuyang gobernador na si Eduardo Gadiano sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas o PFP katambal ang kasalukuyang bise gobernador na si Diana Apigo Tayag. Ang deka-dekadang gobernadora at congresswoman na si Josephine Sato na natalo sa nakaraang 2022 election ay nagtatangkang makabalik sa poder sa pagtakbo bilang kongresista ng lone district ng Occidental Mindoro.

Isang maingay subalit hungkag na ehersisyong pulitikal ang reaksyunaryong eleksyon. Wala na ngang nagawa sa kasalukuyang termino nila, ano’t nag-uunahan pa rin sa pagkandidato sa darating na eleksyon ang mga pulitikong ito? At hindi pa nakontento na isang kandidato sa angkan, halos buong pamilya na ang naghahati-hati sa mga posisyong pinaglalabanan. Kaharian na nga ng iilan ang paghawak sa kapangyarihan sa bansa. Ang natipon na kayamanan sa naunang termino ay siya na ring puhunang gagamitin para sa panibagong termino. Kaya ang reaksyunaryong eleksyon ay isang palamuting ehersisyo lamang dahil tinitiyak nito ang patuloy ng paghahari ng mga paksyon ng naghaharing uri ng mga panginoong maylupa, malalaking burgesya komprador na siya rin namang bumubuo ng mga dinastiyang pampulitika. Pinagpipili lamang ang taumbayan kung sino sa mga kandidato ang magiging sunod na magsasamantala sa kabang yaman ng bansa. Ipinagkakait ng reaksyunaryong sistemang eleksyon ang tunay na demokratikong proseso at hinahamak nito ang tunay na kapangyarihan ng mamamayan dahil tiyak ang pananaig ng interes ng imperyalismong US at iilang mga naghaharing uri sa lipunan.

Pinatutunayan lamang nito na walang saysay ang eleksyon habang ang sambayanan ay nililinlang sa hangin ng pekeng demokrasya at hinahati-hati ang hanay. Habang ganito ang kalagayan, mabubulag sila ng panlilinlang na magagarbong huwad na eleksyon at mararahuyo sa bangkaroteng programa ng naghaharing uri. Ilang ulit ng nag-eleksyon sa Pilipinas mula ng maitayo ang papet na Republika noong 1946 subalit lalo lamang tumitindi ang pang-aapi at pagsasamantala sa mamamayang Pilipino ng imperyalismong US, pyudalismo at ng burukrata kapitalismo.

Malinaw sa kasaysayan ng bansa na ang mga nagdaang reaksyunaryong eleksyon ay hindi naghatid ng pangmatagalang solusyon sa mga suliranin ng sambayanang Pilipino. Habang nakikibaka ang sambayanan sa ilalim ng kasalukuyang sistema para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at kapakanan, batid nilang ang rebolusyon ang tunay na solusyon.

Ang matagumpay na Rebolusyong 1896 na nagpalayas sa mananakop na Espanyol ay isinulong at pinamunuan ng bayaning si Andres Bonifacio kasama ang masang anakpawis na inihudyat ng Sigaw sa Pugadlawin noong Agosto 26, 1896 at nanawagan ng himagsikan at pagsusulong ng armadong pakikibaka para makamit ang pambansang kalayaan at demokrasya. Sa panahon ng pananakop ng Hapon, pinamunuan na ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang magiting na paglaban ng armadong pwersa nitong Hukbong Bayan Laban sa Hapon (HUKBALAHAP) at ang pag aarmas ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB). Sa dalawang gintong pagkakataon sa kasaysayan ng sambayanang Pilipino, inagaw ng imperyalismong US ang tagumpay na dapat sana ay para sa sambayanan. Nagpapatuloy ang rebolusyonaryong pakikibaka sa ilalim ng papet na republika.

Sa gitna ng walang kaparis na krisis ng naghaharing sistema sa ilalim ng rehimeng US-Marcos, aktibong kumikilos ngayon ang mga patriyotiko at demokratikong pwersa, para hamunin ang eleksyon at ipaglaban ang sigaw ng sambayanan para sa agarang solusyon sa kanilang paghihikahos, malawakang disempleyo etc; na ito ay patunay ng determinasyong ng sambayanan na ipaglaban ang kanilang karapatan at kagalingan; na habang dapat palakasin ng sambayanan ang kanilang mga pakikibaka sa ilalim ng umiiral na sistema para sa mga reporma o kagyat na solusyon, dapat ay laging tanawin ang pangmatagalang o tunay na solusyon sa krisis: rebolusyon!

Ang lalim ng krisis ng lipunang Pilipino ay humihingi ng komprehensibo at puspusang pagbunot sa ugat ng krisis kung kaya kailangan ang isang rebolusyong pambansa-demokratiko na pinangungunahan ng CPP-NPA-NDFP. Desperado ngayon ang buong AFP at PNP na makamit ang hibang na pangarap na durugin ang buong rebolusyonaryong kilusan na ito. Kaya asahan ang pagtindi ng atake sa mamamayan na magdudulot ng paglala ng pang- aabusong militar at paglabag sa kaparatang pantao.

Gayunman, kakayanin nating harapin ang malaki at malakas na kaaway sapagkat determinado tayong ipagwagi ang laban at nasa atin ang suporta ng masa. Ang nabubulok na sistema mismo ng malakolonyal at malapyudal na lipunan ang nagtutulak sa mamamayan na lumahok sa rebolusyong tumutugon sa demokratikong interes ng sambayanang Pilipino para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon at ang demokratisasyon ng mga serbisyong panlipunan at nakabubuhay na sahod para sa masang inaapi’t pinagsasamantalahan.

Rebolusyon tunay na solusyon! Mamamayang Mindoreño, lumahok sa digmang bayan, mag armas, at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon bilang tunay na solusyon upang makamit ang pambansang kalayaan at demokrasya!