Pahayag

Sa ika-162 kaarawan ni Bonifacio: Isulong ang rebolusyong Pilipino para ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo!

, ,

Ngayong araw ng kapanganakan ng bayaning si Gat. Andres Bonifacio, nararapat lamang na pakawalan ng mamamayang Pilipino ang kanilang kolektibong galit at poot sa naghaharing rehimeng US Marcos II sa pagnanakaw sa bilyun-bilyong kaban ng bayan. Habang nakikiisa sa kanilang laban, binabati at nagpupugay kami sa di natitinag na determinasyon ng sambayanang Pilipinong hindi lamang para bahain, kundi bagyuhin at yanigin ang mga buwaya’t mangungulimbat sa harap ng kanilang mga tore at kaharian.

Hindi na mapagtatakpan pa ng anumang pagtatabing ng rehimeng US-Marcos II ang pangunahing pagkakasangkot niya sa sumambulat na pinakamalaking isyu ng korapsyon sa bansa. Tunay ngang si Marcos Jr. ang hari ng korapsyon—bukod sa higit $10 bilyong nakaw-na-yaman sa panahon ng matandang Marcos, tumatabo si Marcos Jr ng bilyun-bilyong burukratikong dambong sa kanyang confidential & intelligence funds (CIF), Maharlika Investment Fund (MIF) at parte sa maanomalyang proyektong imprastruktura na kung hindi ghost project ay overpriced at substandard. Sumusunod sa kanya ang reyna ng korapsyon na si Sara Duterte na bukod sa sariling kurakot sa pondo ng Office of the Vice President at CIF ay humahakot ng dambuhalang pondo sa mga huwad na proyektong barangay development program ng NTF-ELCAC at mga overpriced na flood control projects (FCP). Hiwalay pa rito ang milyong kinita ng kanyang pamilya sa pangungurakot ng nagdaang rehimeng Duterte. Ayon sa IBON Foundation, aabot ng ₱197 bilyon o 60% ng kabuuang gastos sa mga FCP ng rehimen ang ibinulsa ng mga sindikato at magnanakaw. Kapalit nito ang pagtapyas sa pondo ng mga ahensya para sa serbisyong panlipunan at ayuda tulad ng DOH, DepED, DSWD at iba pa.

Sa rehiyon, nasa 162 (13%) ng kabuuang 1,265 proyektong flood control ang hawak ng kabilang sa 15 markadong mga kontraktor sa imbestigasyon ng senado kabilang ang pag-aari ng mga Discaya at ni Zaldy Co. 20% o ₱17 bilyon sa ₱83 bilyon ang hawak na pondo ng mga ito na nakakalat sa halos lahat ng probinsya sa rehiyon liban sa Cavite. Pinakamarami sa kontrata ng mga ito ang matatagpuan sa Laguna at Rizal (parehong 27), at sa Occidental Mindoro (23) na pare-parehong mga bahaing lugar sa rehiyon hanggang ngayon. Samantala, ang Cavite ang may pinakamaraming FCP (186) na sinusundan ng Batangas at Rizal, pinakamaliit naman ang FCP sa Marinduque. Kabilang dito at sentro ng usapin ngayon ang ₱289 milyong maanomalyang road dike project ng Sunwest corporation ni Zaldy Co sa Sto. Niño, Pinamalayan, Oriental Mindoro na gumuho noong Oktubre 24, 2024 halos isang taon lamang mula matapos ang proyekto. Tiyak na marami pang ganitong proyekto ang hindi pa naiimbestigahan at pilit na pagtatakpan ng mga nakikinabang at humahawak pa ng mga susing pusisyon sa reaksyunaryong gubyerno. Marami-raming mga burukrata-kapitalista at angkan ng mga dinastiyang pulitikal sa rehiyon ang may mga negosyong construction na nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon at buong bansa.

Habang naglulunoy sa kayamanan, karangyaan at kapalaluan ang iilang naghaharing uri sa pangunguna ng mga Marcos at Duterte, nalulunod sa kumunoy ng kahirapan at hinahagupit ng karahasan ang mayorya ng sambayanang Pilipino. Dambuhalang pondo ang kinukulimbat ng mga kawatan habang tuluy-tuloy na kinakaltasan ang pondo para sa serbisyong panlipunan. Nakapagngangalit laluna para sa uring manggagawa dahil may malaking pondo sa kurakot, pero hindi man lamang makapaglaan ng bahagi ng pondo sa ayuda sa maliliit at panggitnang negosyo at empresa para sa hinihiling na dagdag at makatarungang sahod ng mga manggagawa. Ang masahol pa, garapalang hinigop ng MIF nina Marcos Jr at Romualdez ang pondo ng Philhealth at pensyon ng mga manggagawa para pondohan ang mga dayuhan at lokal na kumpanya ng mina. Ayon sa IBON Foundation, sa ₱197 bilyong kinurakot na pondo sa FCP, kayang pondohan ang pabahay para sa 174,588 pamilya; subsidyo para sa 454,114 micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na may 5.1 milyong empleyado; produksyon ng 6,270,000 tonelada ng palay; at 56,827 na higaan sa mga ospital, 15,711 barangay health stations, 201,542 dagdag na nars, at 63,596 na doktor.

Resulta nito ang tinatayang 13.7 milyong Pilipino o 49% ng pamilyang Pilipino na nagsasabing mahirap sila (self-rated poverty). Nasa 4.5 milyon ang sapilitang nagugutom dahil sa matinding kasalatan, habang 37.8 milyon ang walang katiyakan sa pagkain. Tiyak na konserbatibong datos pa ito at di hamak na mas malaki pa ang bilang ng aktwal na naghihirap at nagugutom.

Nakapako sa bagsak na antas ang sahod at sweldo. Ngayong taon, kabilang ang MIMAROPA sa anim na rehiyong hindi man lamang nag-anunsyo ng taas ng sahod. Samantala, ang mga rehiyong nagpatupad ng taas-sahod tulad ng CALABARZON ay barya din lamang at halos walang inihatid na makabuluhang pagbabago sa pamumuhay ng mga manggagawa. Sa Calabarzon, nasa ₱425-₱560 ang abereyds na sahod hanggang nitong Abril (tumaas lamang ng ₱5 mula sa ₱420 pinakamababa) habang sa Mimaropa ay nasa ₱404-₱430 lamang ang abereyds na sahod. Lubhang malayo ito sa ₱1200 na nakabubuhay na sahod sa buong bansa. Malayo rin kahit sa ₱668 poverty threshold (o ang pinakamababang kita para matustusan ang pangangailangan) na itinakda ng reaksyunaryong gobyerno.

Sumasahol ang kalagayan ng empleyo. Sa datos ng PSA nitong Setyembre 2025, nasa 270,000 ang netong nawalan ng trabaho. Bumaba rin ang bilang ng mga may trabaho mula 49.6 milyon noong Setyembre 2025 kumpara sa 49.9 milyon sa parehong buwan noong nakarang taon. Tumaas ang bilang ng mga walang trabaho nang 63,000 tungong 2 milyon, habang bumaba ang bilang ng mga underemployed nang 421,000 tungong 5.5 milyon. Sa bilang ng may trabaho, nasa 40.2% o 20 milyon ang nasa “impormal na sektor” o mga trabahong napakababa at di regular ang sahod. Ayon sa KMU, pito sa bawat 10 manggagawang Pilipino ay nasa mga trabahong di saklaw ng mga pamantayan at proteksyon ng paggawa. Sinabi naman ng IBON na napaliliit ng PSA ang tantos ng underemployment dulot ng paglaglag ng estado sa mga “discouraged worker” (mga manggagawang sobrang tagal nang naghahanap ng trabaho pero hindi makahanap kaya tumigil na) sa pwersa ng paggawa.

Walang-ampat ang pagsirit ng presyo ng bilihin kahit na sinasabing nanatili ang implasyon nitong Oktubre tulad ng sinundang buwan ng Setyembre na 1.7%. Hindi kailanman naging prayoridad ng rehimen na lutasin ang implasyon ni hindi magawang suspendihin ang 12% VAT na nakapatong sa lahat ng bilihing pangkonsumo ng masa na signipikanteng kabawasan sana sa kanilang araw-araw na pasahin.

Sa kanayunan, barat na barat pa rin ang presyo ng palay, gulay, prutas at iba pang produkto ng magsasaka pero pagdating sa pamilihan ay napakamahal. Isang napakalaking kabalintunaang isang agrikultural na bansa ang Pilipinas pero angkat nang angkat ng mga produktong pang-agrikultura. Dulot nito, halos singhalaga na ng gulay ngayon ang karne! Dagdag pang dagok sa mga magsasaka ang agresibong mga PML na bawiin at kamkamin ang lupa ng mga magsasaka na nagaganap sa halos lahat ng probinsya sa saklaw ng rehiyon.

Sunud-sunod rin ang hagupit ng bagyo, baha na delubyo ang hatid sa mga sakahan, kabuhayan at tirahan ng mamamayan. Lalong ipinaaalaala ng bawat pagbaha ang palpak at iresponsableng gubyerno. Aabot ng ₱1.6 bilyon ang naitalang pagkasira sa agrikultura, imprastruktura at kabuhayan ng mamamayan sa nakalipas na magkasunod na bagyong Tino at Uwan sa buong rehiyon, pinakamalaki ang naitala sa CALABARZON na ₱912 milyon.

Sa gitna ng lahat ng ito, nararapat lamang na magbigkis ang taumbayan para singilin at papanagutin ang rehimeng US-Marcos II. Ang sambayanang Pilipino, laluna ang mga anakpawis ang pangunahing dapat nakikinabang sa pondo at kayamanang nagmula sa dugo at pawis ng kanilang pagpapagal. Ang isyu sa FCP ay isang mukha lamang ng nabubulok na sistema ng malakolonyal at malapyudal na lipunan, higit na marami pang dapat butbuting anyo ng korapsyon at burukratikong pandarambong ng estado para hamigin ang pinakamaraming bilang ng mamamayan, laluna ang masang anakpawis. Sa paglawak ng kilusan at mga pakikibakang bayan laban sa korapsyon at burukratang kapitalismo, dapat maging mapanuri ang masa at taumbayan at mag-ingat sa mga oportunistang sinasakyan lamang ang isyu ng korapsyon para ilutang ang sarili sa ambisyong maluklok sa kapangyarihan ng estado at kalauna’y maging mga pangunahing mapagsamantala at mapang-api sa taumbayan. Dapat ding ilantad ang mga organisasyon at alyansa tulad ng mga grupong Akbayan, dilawan at maka-Duterte na hindi lamang nagtatanggol kina Marcos Jr at Duterte kundi sa buong bulok na sistema at gubyerno sa Pilipinas.

Sistemiko at hindi basta mabubunot ang korapsyon sa bansa dahil ito ang pangunahing bumubuhay sa burukrata-kapitalismo na isa sa mga haligi ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino, kasama ang pyudalismo at imperyalismo. Kung hindi ito wawasakin at ibabagsak, walang matagalan at pundamental na pagbabagong panlipunan na makakamit ang sambayanan—mananatili silang inaapi, pinagsasamantalahan, habambuhay na pinagnanakawan at niyuyurakan. Ganap lamang itong mawawasak at babagsak sa pamamagitan ng digmang bayan na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Tanging sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan na pinamumunuan ng PKP mabubuklod ang lahat ng uring inaapi at pinagsasamantalahan para ibagsak ang mapang-aping sistema at magtatag ng bagong lipunan at estado ng mamamayan tungong sosyalismo.

Isulong ang rebolusyong Pilipino para ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo!