Pahayag

Digmang Magsasaka Tanging Landas para sa Pamabansang Paglaya

,

Bago pa man pumutok at rumagasa ang mas masahol na krisis sa ekonomiya bunsod ng imperyalistang agresyon ng US sa mga bansang Venezuela at Iran nitong unang kwarto ng taong 2026 ay sukò na sa langit ang kahirapang dinaranas nang mamamayang pilipino. ‘Di mapigil na lingguhang pag-taas ng langis, krudo at gasul; kaliwa’t kanang kumbersyon at kanselasyon ng reaksyonaryong CLOA, demolisyon at pagpapalayas sa mga magsasaka, mga malamangagawa at maralitang lungsod. Napakababang sahod ng mga mangagawa sa mga enklabo at pagawaan sa rehiyon. Mismong mga nagmamay-ari ng mga maliliit na negosyo ay nagsasara at labis na apektado ng lugmok at ekonomiyang nakaasa sa import at nakatali sa patakarang neoliberal. Napakataas na presyo ng bilihin tulad ng bigas, asukal, mantika at iba pang batayang kunsumo.

Napakalaki na rin ng gastos sa produksyon lalo na sa palay, inaabot ito ng mga P77K kada isang anihan sa isang ektarya, binabarat ang presyo ng kopra, pati mga buong niyog ay bagsak presyo din. Ang iba pang produktong agrikultural ay bagsak-presyo, umabot sa P15 ang farmgate price ng repolyo nitong nakaraang linggo. Napakadamot na rin ng dagat at halos lipak at libag lamang ang iniuwi ng mga mamalakaya, dahil sa kaliwa’t kanang dredging, pagpasok ng malalaking komersyal fishing sa mga municipal water at napakamahal ng presyo kada litro ng langis. Ang mga pambansang minorya ay niraratsada at halibas ng lahat ng anyo at porma ng mala-halimaw na pasismo ng estado sa pamamagitan ng may 15 batalyong kumbinasyon ng mga teroristang Army, PNP, Cafgu, Coast Guard at SWAT. Ang huli ay tanod at protektor ng mga mapaminsalang proyekto sa kalikasan, kasangkapan din sa pang-aagaw ng lupa at lupang ninuno.

Lahat ng ito ay para ipreserba at panatilihin ang naghahari at mapang-aping sistemang malakolonyal at malapyudal. Pinaghaharian ng punong papet, at magkaribal na burukrata na Hari at Reyna ng mga kawatan, si Marcos Jr at Sara Duterte. Nakahulma ang kalupitang ito ng estado sa NAP-UPD at National Strategy Security ng Imperyalistang US.

Ipinakita sa mga pabalat bunga at buladas ni Marcos Jr at Vince Dizon ang mga papatse-patseng solusyon, hal., pag-bubuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at mga palabas ng mga payaso, mga kampon ng nasa payola ng Malakanyang na kongreso’t senado na mga pakunwaring nag-iimbestiga kaugnay ng flood control para i-abswelto ang punong magnananakaw sa Malakanyang. Sa halip na pag-alis ng buwis, pagkawala sa mga patakarang neoliberal at pagsasabansa ng mga petrolyo ng langis, ayudang tig-5k ang na tila dumaan sa butas ng karayom bago makuha. Hindi na maitago sa sambayanan ang kabulukan at masansang na amoy ng burukrata kapitalismo, at itong gyerang agresyon ng US na negosyo ang gyera, isa sa katangian ng Imperyalismo.

Ang patuloy na kapabayaan at ‘di malutas-lutas na delubyo dulot ng mga ganap sa itaas ay walang pasubali ng nagdudumilat na katotohanan na inutil, walang kwenta, pasista’t magnanakaw, at lalong tumambad ang pagiging kontra-mamamayan ni Marcos Jr., at mga kapwa niya burakrata, kadweto ang malalaking kumprador-burges at panginoong maylupa. Tumining ng labis ang bahag na buntot at himod-puwet ng panginoong imperyalista. Tiga-paypay din ng nilulutong gyera kontra Tsina, hindi rin alintana na ang mga EDCA sites, pag-ho-host sa mga kampo militar ng bansa sa mga tropang Amerikano at malawakang ehersisyong militar sa tabing ng inter-operatability, civic, medical, and humanitarian ay tila magnet na umaakit para mas una ang bansa nating puntriyahin ng potensyal na kaaway ng US. Tulad ng mga naganap sa Gitnang Silangan na may base at kampong militar ang Imperyalistang US.

Kumikinang at lalong nanaig ang superyoridad at hindi mapasubaliang kawastuhan ng armadong pakikibaka, sa pamamamagitan ng pagtatayo ng baseng bukid, paglulunsad ng rebolusyong agraryo at paglulunsad ng mga armado at gerilyang aksyon. Sa okasyon ng ika-57 taong pagkakatatag ng ating pinakamamahal na hukbo ay nais nating himayin ang ilang tampok na tagumpay ng digmang magsasaka sa kanayunan at ilang bahagi ng sentrong lungsod.

Sa Timog Katagalugan, hindi bababa sa 20,000 ektaryang sakahan, pastuhan, kagubatan at mga lupaing ninuno ang napalaya mula sa kamay ng mga panginoong maylupa, naipamahagi at hanggang ngayon ay tinatamasa ng mga magsasaka. Kung ilang doble pa ang nagtamasa ng tagumpay mula sa mga kampanya sa pagpapababa ng upa sa lupa, pagpapataas ng sahod ng manggagawang bukid at pagpapababa ng interes sa pautang. Naitaas ang produksyon sa kanayunan kung saan din nagkamit ng mga tagumpay sa rebolusyong agraryo. Sa mga lugar na umiral ang Pulang kapangyarihan, tumaas ang pampulitika’t kultural na antas ng mamamayan at nakamit ang isang antas ng kaayusan matapos lipulin ng Pulang hukbo ang mga sindikato ng mangangalabaw, mga armadong maton ng mga panginoong maylupa at konsesyunaryo at iba pang sagadsaring masasamang elemento. Ang BHB ang naging tunay na sandigan at tagapagtanggol ng masang magsasaka sa kanilang pakikibaka para sa lupa, kabuhayan at karapatan.

Sa huli, sa diwa at pagtalima sa kilusang pagwawasto, sa pangunguna ng Partido Komunista ng Pilipinas-MLM, Pambansang Nagkakaisang Prente o NDF at Bagong Hukbong Bayan at sa mahigpit na pakikiisa ng PKM-TK, mataas ang pananalig namin na mataas man ang bundok na aakyatin, mahahaba at maputik na pilapil ang babaybayin, maraming ilog ang tatawirin, at madami pang madilim na gabi ang sasabanain, marami pang gubat ang magigng kaulayaw, bata-batalyong kaaway ang kakaharapin, tiyak tayong magtatagumpay dahil ang masang magsasaka at api’t dustang demokratikong uri sa kanayunan ay nasa panig ng matagalang digmang bayan, ang Digmang Magsasaka.

Digmang Magsasaka Tanging Landas para sa Pamabansang Paglaya