Pahayag

Itigil na ang walang patumanggang pamamaril at pambobomba! 203rd Brigade, singilin at papanagutin!

Binulabog ang mga komunidad sa palibot ng Sityo Swerte, Barangay San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro ng pitong beses na pambobomba ng 203rd Brigade noong Setyembre 9, bandang alas-10 ng gabi hanggang madaling araw kinabukasan. Nangyari ang pambobomba matapos ang labanan sa pagitan ng mga pwersang militar ng 203rd Brigade at yunit ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro sa parehong araw, 11:25 ng umaga kung saan nagbuwis ng buhay ang isang magiting na Pulang mandirigma.

Malinaw na paglabag sa internasyunal na makataong batas at batas ng digma ang pambobomba ng 203rd Brigade nang walang tiyak na target. Pineperwisyo at isinapanganib nito ang buhay at kabuhayan ng mga Mangyan Buhid sa mga sityo ng Swerte, Togas, Kipalayi, Inondongan, Hiway at iba pa. Daan-daang indibidwal na ang nagbakwit mula sa mga nabanggit na lugar at hindi na makapaghanapbuhay. Matinding takot at ligalig pa ang hatid sa mga residente ng paulit-ulit na paglipad ng mga Blackhawk helicopter ng 203rd Brigade. Umikut-ikot ang mga ito sa mga komunidad ng katutubo sa mga hangganan ng mga bayan ng Roxas at Bongabong, Oriental Mindoro at San Jose, Occidental Mindoro ilang araw pa matapos ang labanan.

Nananawagan ang NDFP-ST sa lahat ng mga grupong makatao, mapagkawanggawang institusyon at makabayan at naliliwanagang abogado na tulungan ang mga Mangyan Buhid at iba pang apektado sa teroristang atake ng 203rd Brigade at 2nd ID sa Roxas, Bongabong at San Jose. Nangangailangan ang mga biktima ng pagkain, serbisyong medikal, psycho-social at tulong ligal.

Ang pambobomba ng 203rd Brigade sa umpukan ng mga komunidad ng Sityo Swerte ay halimaw na paraan ng mersenaryong tropa upang ipakita ang superyoridad ng kanilang sandatang militar sa paghahabol sa deadline ng 2nd ID at 203rd Brigade na lipulin ang lahat ng pwersang gerilya sa Mindoro sa katapusan ng 2025. Pangita rito kung gaano ka-utak-pulbura ang AFP at walang pagsasaalang-alang man lang kahit sa kaligtasan ng mga sibilyan na itinuturing nilang collateral damage ng kontra-rebolusyonaryong gera. Taliwas sa nais ipostura ng rehimeng US-Marcos II at AFP, lalong nalalantad na hindi sila para sa tunay at makatarungang kapayapaan na malaon nang inaasam ng taumbayan.

Naninindigan ang NDFP-ST, sampu ng mamamayang nakikibaka na dapat singilin, pagbayarin at papanagutin ang 203rd Brigade at 2nd ID sa walang habas na pambobomba sa Roxas. Dapat silang kasuhan sa lokal at internasyunal na korte sa mga paglabag sa karapatang tao, internasyunal na makataong batas at batas ng digma. Dapat ding ipanawagan ang pagbuwag sa pasistang institusyong NTF-ELCAC na tagapagpatupad ng maruming gera ng rehimen.

Sa gitna ng pagkamuhi ng bayan sa laganap na korapsyon, dapat singilin ang AFP sa pagwawaldas ng pera ng bayan sa talamak na operasyong militar sa pagtupad nito ng kontra-rebolusyonaryong gera sa ilalim ng bagong programang National Action Plan for Unity Peace and Development. Ipanawagan ang paglilipat ng pondo ng NTF-ELCAC na implementor ng NAP-UPD tungong serbisyong panlipunan. Itinaas ng 314% ang badyet ng NTF-ELCAC kumpara noong 2025 (₱8.1 bilyon ngayon). Dagdag pa, nasa ₱430.9 bilyon ang pondo ng Department of National Defense na tiyak para sa pagbili at pag-imbak ng mga sandatang pandigma alinsunod sa kumpas ng imperyalismong US na paghahanda sa gera laban sa China. Sa mga kontrata ng pagbili ng bagong sandata, limpak-limpak na salapi ang kinakamal ng mga berdugong heneral. Bukod pa ito sa mga nakukuhang kikbak ng matataas na heneral at opisyal sa mga pondong pang-operasyon laluna ang arawang gastusin sa mobilidad ng mga pwersang pangkati at air assets kagaya ng panggasolina ng helicopter.

Sa kabilang banda, nagpapagod at nagsisilbing bala sa kanyon ang mga karaniwang kawal ng AFP. Ginagawa silang mga mamamatay-tao at kriminal sa utos ng kanilang opisyal. Marami sa kanila ang natitigatig at nakokonsensya dahil nakikita nilang sibilyan ang kanilang binibiktima at tumataliwas sa kanilang sinumpaang “to serve and protect”. Masahol pa, nagiging biktima ang sundalong rank and file ng iresponsableng koordinasyon ng mga command center ng AFP-PNP na nagdudulot ng misengkwentro sa hanay ng nila kaya sila rin ang nagpapatayan sa mga labanan. Pinakahuli ang naganap na misencounter sa mga pwersa ng 203rd Brigade sa Mamburao, Occidental Mindoro na nagresulta sa tatlong patay sa hanay ng mga kaaway. Sa kabila nito, walang inamin kahit isang kasalanan ang AFP-PNP at walang kahit isang napanagot na opisyal. Hinihimok sila ng NDFP-ST at buong rebolusyonaryong kilusan na talikdan ang mersenaryong indoktrinasyon ng AFP at sa halip, maglingkod sa bayan sa landas ng pambansa demokratikong rebolusyon.

Sa harap ng rumaragasang kontra-rebolusyonaryong gera, nananawagan ang NDFP-ST sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa na buong tapang na labanan ang paninibasib ng estado. Malakas na ipanawagan ang pagtigil ng militarisasyon at igiit ang pagpapalayas sa AFP-PNP sa mga komunidad. Buong tatag na makihamok at isulong ang makatarungang pakikibaka para sa lupa, kabuhayan, kalayaan at kapayapaan.

Itigil na ang walang patumanggang pamamaril at pambobomba! 203rd Brigade, singilin at papanagutin!