Josephine Mendoza, kapita-pitagang anak ng Mindoro, pinakamataas na pulang pagpupugay at pasasalamat sa’yo!

,

Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng Komite sa Isla ng Partido Komunista ng Pilipinas-MLM kasama ang Bagong Hukbong Bayan at rebolusyonaryong mamamayan kay Kasamang Josephine Mendoza na kilala din bilang Ka Marta, Ka Luisa, Ka Sandy sa kanyang buhay at pakikibaka na nagpamalas ng di-karaniwang ambag, husay, dedikasyon, walang pag-iimbot na pag-aalay ng buhay, tatag at tibay ng paninindigan sa harap ng masalimuot na landas ng paglaban para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo. Namartir si Ka Sandy noong ika-10 ng Nobyembre matapos na maigupo ng kanyang karamdaman.

Nagluluksa ang mga Mindoreño sa pagpanaw ng kanilang kababayan, mahal na anak ng Mindoro at higit sa lahat kasama sa buhay at kamatayang pakikibaka. Pinapaabot ng Komite sa Isla ang taos-pusong pakikiramay sa pamilya at kamag-anak ni Ka Sandy kasama ang buong rebolusyonaryong kilusan sampu ng mga masa’t kaibigan na nakadaupang palad niya, nakahalubilo at naging bahagi ng buhay niya sa isla ng Mindoro.

Si Ka Sandy ay alumnus ng rebolusyonaryong kilusang masa ng Mindoro, graduate with highest honors na may dakilang ambag sa kilusang masa ng isla para sa pambansa-demokratikong adhikain na may sosyalistang perspektiba. Sa Isla ng Mindoro siya nagsimulang kumilos at nagsanay ng kanyang rebolusyonaryong praktika, naghubog bilang proletaryo, at nagpundar ng kanyang rebolusyonaryong pamilya.

Bago nagpultaym sa pagkilos, naging kasaping tagapagtatag siya ng Samahan ng Kabataang Mindoreño (SKM). Kinaharap nila ang mapanupil na rehimen ng diktadurang US Marcos Sr, nag-ahita at nagmulat ng kapwa kabataan at Mindoreño sa panawagang ibagsak ang malupit at papet na diktadurang ito. Naging aktibo siya sa loob ng paaralan upang labanan ang pagtaas ng matrikula at tumitinding panunupil sa mga kabataan. Nakalahok siya at nagmobilisa ng kapwa Mindoreño sa unang makasaysayang Lakbayan ng 1984 na nanawagan ng pagboykot sa eleksyon para sa rubber stamp na Batasang Pambansa ni Marcos Sr. Hanggang sa nakita niyang hindi sapat ang pagkilos sa legal upang ibagsak ang kinamumuhiang rehimen. Iniwan niya ang maalwan na buhay at nagpasyang magpultayn sa sonang gerilya ng Mindoro noong 1984. Sa kabila ng petiburges na uring pinagmulan, minahal niya ang mga katutubong Mangyan at magsasaka at nakipamuhay sa kanila tulad ng mga anak ng maralita. Dito niya ipinamalas ang kahusayan sa alinmang gawaing rebolusyonaryo na kanyang nilubugan – pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos ng masa, pagsusulat sa lokal na rebolusyonaryong pahayagang masa na Alab, paglahok sa aksyong militar ng BHB, gawaing alyansa at pagpapalitaw ng pinansya para sa kilusan. Mahusay din siyang kadreng pangkultura, at kinagigiliwan ang pag-awit at paggitara. Bago siya napalipat ng gawain sa labas ng isla, kagawad na siya ng komite ng Partido sa isla ng Mindoro.

Bagamat napalipat sa iba’t ibang gawain hanggang nakatuntong sa pagiging kagawad ng Komite Sentral, hindi iniwanan ni Ka Sandy ang pagggabay at pamumuno sa isla ng Mindoro. Nakasubaybay siya sa mahahalagang kaganapan sa isla, patuloy na nagsisikap na maibante ang lahatang panig na gawain dito, naging kaagapay sa maraming liko-at-ikot na paglaban at kilala ang mga mayor na personahe dito maging ito man ay sa burges na buhay, reaksyunaryong pulitika at sa kilusang masa. Sa maraming okasyon ng pambansa at panrehiyong pagkilos, sabik niyang inaalam ang delegasyon ng isla ng Mindoro.

Nasubaybayan at nakalahok siya sa pagpupundar ng mga larangang gerilya sa Mindoro. Ang kanyang kasiglahan bilang kabataan ay ginugol niya sa pag-oorganisa sa hanay ng mga katutubong Hanunuo at Buhid at magsasaka sa erya ng Roxas, Bongabong at Bulalacao sa Oriental Mindoro at sa hanay ng mga katutubo at magsasaka sa Magsaysay at San Jose, Occidental Mindoro. Nakatuwang siya sa pagsusulong ng kampanya sa paglalansag ng mga pastuhan ng mga despotikong panginoong maylupa upang makinabang ang mga magsasaka at katutubo sa kanilang mga halaman at di magambala ang pamumuhay sa mga lupain na kanilang pinundar. Naging kalakasan niya ang pagiging propagandista, edukador, organisador na nagpalakas ng kilusang masa upang mabilis na mailatag at mapalakas ang mga larangang gerilya sa isla.

Ipinamalas niya ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan ng Mindoro bilang bahagi sa pursigidong nag-organisa ng unang lakbayan sa isla na tumututol sa mapaminsalang pagmimina ng carbon ng FFCruz sa Bulalacao, Oriental Mindoro. Ang pagtutol sa mapaminsalang pagmimina at iba pang proyekto na lilikha ng masamang epekto sa buhay, kabuhayan ng mga Mindoreño at sa kapaligiran nito ay kasama sa kanyang personal na adbokasiya at ipinamalas sa pagdadala nito bilang bandilang isyu ng kilusang masa sa rehiyon man, sa isla o sa antas pambansa.

Kung paano ginamit ng AFP-PNP ang Mindoro bilang laboratoryo sa kontra insurhensya noong PNP Experiment ng 1991, ito rin ang isa sa nagsilbing paaralan ni Ka Sandy sa paglalatag ng taktika sa kilusang masa at crisis management, na epektibong nagamit ang mga aral sa mga kasunod na mayor ng buko ng banggaan sa pagitan ng rebolusyon at reaksyon. Hindi na lamang sa Mindoro ito nailapat, kundi sa buong rehiyon at naging ambag sa pambansang antas.

Instrumental ang kaalaman at perspektibang nahalaw ni K Sandy sa pamumuno at pag-iipon ng lakas ng kilusang masa upang harapin nito ang kadilimang hatid ng Oplan Habol Tamaraw (OHT) ng berdugong si Jovito Palparan, ng 204th Brigade ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo sa Mindoro. Pinamunuan at idinirehe niya ang kampanyang masa sa paglaban sa OHT na siyang nagbigay ng direksyon sa masa’t rebolusyonaryong pwersa sa Mindoro at rehiyon upang buong tapang at walang takot na labanan ang pag-atake sa buhay, kabuhayan at karapatan ng mga Mindoreño. Idinisenyo niya ang kampanya upang ilantad at usigin si Palparan sa kanyang napakaraming krimen sa mga Mindoreño. May malaking ambag ang kampanyang paglalantad, paghihiwalay at pag-usig sa berdugong ito upang sa kaduluhan ay humantong sa paghuhusgang maysala at pagkakakulong nito.

Ang mga naipong karanasan sa pagharap sa tumitinding karasahan ng estado at tumataas na impyunidad ay nagbigay sa kanya ng higit na kakayahan at kapasyahan sa pamumuno ng kilusang masa sa kalunsuran laban sa surgical operations sa hayag na kilusang masa sa ilalim ng rehimeng Gloria Macapagal -Arroyo at sa kampanyang Iligtas ang SQ-BP sa ilalim ng rehimeng Aquino II. Isa siya sa maagang nagkondena sa drug war ng rehimeng Duterte at nagtaya na di magtatagal ay ibabaling ang atake ng buhong na rehimeng ito sa pambansa-demokratikong kilusan.

Hindi matatawaran ang ibinigay na dedikasyon ni Ka Sandy sa pamumuno at paggabay sa mga kasama, sa pakikitunggali sa iba’t ibang tunguhing lumilihis sa batayang prinsipyo ng kilusan at sa paglalatag ng mga taktika sa pakikibakang masa. Hindi makukumpleto ang salaysay ng rebolusyonaryong kasaysayan ng Mindoro at Timog Katagalugan nang walang pagsambit sa ambag niya.

Sa kanyang pagpanaw, nawala sa ating hanay ang isang mahusay, matatag at matibay na kadre na dalisay ang rebolusyonaryong pananaw at paninindigan gaano man ang hirap at panganib na hatid nito. Sobrang higit sa sapat ang dahilan upang ihatid natin siya sa dambana ng imortalidad upang magsilbing tanglaw at inspirasyon sa kasalukuyang henerasyon ng mga rebolusyonaryo. Tiyakin nating patuloy na naglalagablab ang diwang iniwan ni Ka Sandy sa pagsasabuhay ng mga aral na mahahango sa kanyang buhay at pakikibaka. Ito ang pinakamahusay na paraan ng pagpapamalas ng ating walang hanggang pasasalamat sa kanyang pag-aambag upang makalaya ang bansa sa kuko ng pyudalismo, burukrata kapitalismo at imperyalismo. Inihabilin niya sa mga bagong sibol na rebolusyonaryo’t masa ang walang pag-iimbot na pag-aalay ng lakas, talino, buhay at pagmamahal sa dakilang layuning pambansa demokratiko hanggang sa makamit ang tagumpay tungo sa sosyalistang kinabukasan na tiyak na darating sa walang kapaguran at buong kapangahasang pagsisikap ng lahat!

Ibaling ang pamimighati sa rebolusyonaryong katapangan at optimismo!
Isabuhay ang diwa ni Kasamang Josephine Mendoza!
Mindoreño, tahakin ang landas na tinahak ni Ka Sandy!
Mabuhay ang Mindoreño, mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Isulong ang Pambansa-demokratikong rebolusyon hanggang sa ganap na tagumpay!

Josephine Mendoza, kapita-pitagang anak ng Mindoro, pinakamataas na pulang pagpupugay at pasasalamat sa'yo!