Pahayag

Ka Cleo del Mundo, bagong tagapagsalita ng NPA-Southern Tagalog

,

Inianunsyo nitong Setyembre ng Office of the Regional Spokesperson ng New People’s Army (NPA)-Southern Tagalog (Melito Glor Command) ang pagtatalaga kay Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng NPA-Quezon (Apolonio Mendoza Command), bilang bagong tagapagsalita ng panrehiyong kumand.

Pakinggan ang kanyang unang mensahe bilang panrehiyong tagapagsalita.

Download

Puspusang makibaka hanggang tagumpay! Biguin ang todo gera ng estado sa landas ng armadong rebolusyon!

Ipinapaabot ng Melito Glor Command ang pinakamaalab na pagbati sa sambayanang Pilipino at sa mga rebolusyonaryong pwersa.

Ang buong sambayanan ngayon ay binabaha ng panibagong pagkakalantad ng kabi-kabilang agos ng korupsyon sa loob ng rehimeng US-Marcos II. Lalong inilulubog sa kahirapan ang mamamayang Pilipino ng umaapaw na krisis pampulitika at pang-ekonomya sa bansa.

Sa mahigit tatlong taong panunungkulan ng rehimeng US-Marcos II, ibayo pa nitong pinatindi ang kahirapan at krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Nakita ng sambayanan ang walang kaparis sa nakaraan na pangangamuhan ni Marcos Jr. sa amo nitong imperyalismong US. Huling pako sa kabaong ng kamatayan ng soberanya ng bansa ang pagpapahintulot ni Marcos Jr. na ariin ng dayuhan ang mga lupain at imprastraktura sa Pilipinas sa loob ng 99 taon. Ang pagpayag ni Marcos Jr. na ilagay sa bansa ang isa sa pinakamalaking arsenal ng armas panggera ng US ay pagpayag din na maging piyon ang sundalo at mamamayang Pilipino sa gerang niluluto laban sa China.

Ang Bagong Pilipinas ni Marcos Jr. ay isang bigong Pilipinas. Sumirit ang implasyon na kaunting-kaunti na lamang ay papatay-na-sa-gutom sa maralitang mamamayan. Tuluy-tuloy ang pagbagsak ng tunsy na talaga ng sahod habang walang makabuluhang umento sa sahod ng manggagawa. Walang tunay na reporma sa lupa at pag-unlad ng agrikultura sa kanayunan. Walang serbisyong panlipunan, kung meron man ay ginawang palabigasan ng mga burukrata kapitalista kasabwat ang mga kontratista sa gubyerno.

Habang kadusta-dusta ang kalagayan ng bansa, walang kahihiyan ang magkaribal sa poder na mga Marcos at Duterte na magbangayan sa gitna ng paghihirap ng mamamayan. Habang ginagawang katawa-tawa ng buong burukrasya ang kanilang mga sarili sa pagbabatuhan ng putik mula sa pagbaha ng batikos sa palpak, maanomalya at puno ng korapsyon na flood control projects ay naiiwan na palutang-palutang ang sambayanang Pilipino sa kawalan ng katiyakang mapapanagot ang mga salarin.

Masidhi ang pag-aasam ng sambayanang Pilipino na mapanagot ang mga maysala sa pangunguna ng mga Marcos sa tumitinding kahirapan. Hindi makakapayag ang mga biktima ng war on drugs ng mga Duterte na hindi sila managot at makulong at pagdusahan ang kanilang krimen sa sangkatauhan.

Makatarungan ang mga panawagang ito ng mamamayang Pilipino, ang pagkakamit nito ang magdadala sa bansa sa landas ng tunay na pagbabago. Subalit ang ganitong pakikibaka ay tinutumbasan ng pasismo at terorismo ng estado. Ibayo pang naging marahas at mabagsik ang panunupil sa lehitimong paglaban ng mamamayan.

Ginagamit ng estado ang lahat ng ahensya ng gubyerno at samutsaring mapanlinlang na programa para ilihis ang paglaban ng mamamayan bilang kakumbina ng pasistang atake ng AFP-PNP sa kanayunan at kalunsuran.Sa ganitong malinaw na paggamit ng karahasan laban sa mamamayang nakikibaka ay lalong nagiging makatarungan ang pagsusulong ng rebolusyon. Ito ang mga malinaw na dahilan kung bakit patuloy na nagpupunyagi ang NPA sa suporta ng malawak na sambayanang Pilipino sa gitna ng tuloy-tuloy na pagsupil sa kanilang demokratikong karapatan at mithiin at brutal na atake ng kaaway.

Ang mahigpit na alyansa ng manggagawa na nasa kalunsuran at magsasaka sa kanayunan ang garantiya na ang pagsulong at paglakas ng pambansa demokratikong hangarin ng sambayanan ay makakamit sa pamamagitan ng armadong paglaban. Patuloy ding lumalahok sa iba’t-ibang anyo ng pakikibaka ang mga petiburgesyang lungsod, mga intelektwal at propesyunal… Ang lahat ng pinagsasamantalahang sektor sa lipunan na mga kabataan, kababaihan, mangingisda, katutubo at maralita sa komunidad ay nagkakapit-bisig para isulong ang kanikanilang mithiin. Maging ang mga lokal na negosyante, mga tunay na lingkod-bayan na nasa loob mismo ng bulok na gubyerno ni Marcos Junior ay mariing tumutuligsa sa kasalukuyang rehimen na sunud-sunuran sa dikta ng imperyalistang US, mga malalaking burgesya kumprador at uring panginoong maylupa.

Ang ganitong pagkakaisa ng buong sambayanan laban sa pang-aapi at pandarambong ang nagtutulak sa mamamayan na lumahok sa armadong pakikibaka na ngayo’y pangunahing isinusulong ng New People’s Army sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas. Kung wala ang masang nag-aaklas ay walang NPA. At wala ni anuman ang mamamayang Pilipinong inaapi kung walang NPA.

Dahil nag-aalok ng tunay na pagbabagong panlipunan ng pagtatagumpay ng armadong paglaban ng NPA at mamamayan, patuloy itong tinatangkilik sa buong rehiyong Timog Katagalugan at buong kapuluan. Ang kawastuhan ng mithiin ng demokratikong rebolusyong bayan na ihatid ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon sa buong bayan ang tiyak na maghahatid sa rebolusyon sa tagumpay.

Paigtingin ang armadong pakikibaka sa gitna ng rumaragasang kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimeng US-Marcos II

Bigo at patuloy na mabibigo ang pangarap ng rehimeng US-Marcos II na malipol ang rebolusyonaryong kilusan sa katapusan ng 2025. Sa rehiyong Timog Katagalugan, patuloy na nakikipaggitgitan ang mga yunit ng NPA sa tuluy-tuloy, pinasaklaw at pinabangis na kontra-rebolusyunaryong gera ng AFP-PNP-CAFGU. Sa mga nakaraang buwan, sumuntok sa hangin at gumastos ng milyung-milyong pisong pondo ang AFP at PNP para hindi sila mapahiya sa deklarasyong “wala nang pwersang gerilya sa bansa” na sinambit mismo ni BBM sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address.

Hunghang itong si Hepe ng AFP na si Heneral Romeo Brawner sa pagsasabing ititigil na ng NPA ang armadong pakikibaka. Nakakasiguro ang NPA sa Timog Katagalugan na walang pagtigil na magaganap. Walang armas na isasalong. Ang paghinto ng NPA sa armadong pakikibaka ay mangangahulugan ng pagtigil rin ng serbisyo nito sa maralita sa kanayunan — kabilang ang pagpapabuti sa kabuhayan ng magsasaka sa pamamagitan ng rebolusyong agraryo at pagpapalakas sa mga rebolusyunaryong samahan para epektibong makapagtanggol at harapin ang atake ng AFP-PNP-CAFGU.

Nakakasiguro ang Melito Glor Command na sa pahayag na ito ni Heneral Romeo Brawner, maging siya ay hindi kakayaning paniwalain ang kanyang sarili sa kanyang kahunghangan.

Ang tunay na makatotohanan ay ang mayabang na pagdedeklara ng 2nd ID ng PA na gagawing prayoridad ng kontra-rebolusyunaryong gera ang isla ng Mindoro. Sa katunayan, umaabot na sa 10 (bilang ng pwersa at/o panagupang batalyon ng Kwy) ang ngayon ay nasa isla ng Mindoro, sangkatlo ng halos 30 panagupang batalyon (kasama ang CAFGU) sa buong TK. Ginawa nila ito, matapos silang mapahiya noong nakaraang buwan ng Agosto na sa kabila ng todo-todong atake laban sa NPA, umabot sa 16 (KIA) sa panig ng pasistang sundalo. Habang nananatiling bigo sila na lipulin ang rebolusyunaryong paglaban ng mamamayan sa isla ng Mindoro.

Katulad ng luha ng buwayang pinaagos ni Marcos Jr. sa kanyang podcast ng kunyaring tuligsain niya ang maanomalyang FCP, isa ring pagpapanggap ang pagpostura niya na siya ay para sa kapayapaan pero pinapatindi niya ang lahatang-panig-na-gera sa buong bansa.

Dili’t walang iba na ikinumpas ng US ang kampanyang “kontra-insurhensya” ng rehimeng Marcos II para bigyang daan ang nilulutong gera laban sa China. Ang rebranding na ginawa ng Panginoon ng Digma na si Donald Trump sa kanyang Department of Defense tungong Department of War ay siguradong nakadireksyon sa inihahanda niyang panggegera sa China gamit ang bansang Pilipinas bilang piyon sa mga unang isla na nakaharap sa Asia-Pacific.

Ito ang magpapaliwanag kung bakit paulit-ulit si BBM at ang kanyang mga Heneral sa diumano’y “pagpihit ng AFP tungong eksternal mula internal na depensa”.

Upang suhayan ang kontra-insurhensyang gera, ipinagpalagay nilang mabisang sandata ang dagdag na pakana sa nauna nang NTF-ELCAC sa kasalukuyang binuong NAP-UPD at PLEDS-Pagkakaisa. Kung ang triad operation ng surveillance, FMO at RCSPO ay nakatutok sa armadong paglaban ng NPA, ang NAP-UPD at PLEDS-Pagkakaisa naman ay magreresulta sa malulubhang paglabag sa karapatang tao ng mamamayang sibilyan na pilit idadawit na may kaugnayan sa CPP-NPA.

Hindi mapipipilan ng kontra-rebolusyonaryong kampanyang NAP-UPD at PLEDS-Pagkakaisa ang mga pakikibaka ng bayan para sa lupa, sahod, trabaho at karapatan. Nakahanda, lalo’t higit ngayon ang mga magsasaka, manggagawa, kabataan, kababaihan at iba pang aping uri at sektor na manindigan at magpunyagi sa pakikibaka para makamit ang katarungan at kagalingang panglipunan.

Labanan ng buong bayan ang kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimeng US-Marcos II

Nakahanda ang buong bayan na biguin at wakasan ang kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimeng US-Marcos II sa pamamagitan ng kanilang makauring pagkakaisa, pagsusulong ng pambansa-demokratikong pakikibaka at pag-aarmas. Ang mamamayan pa rin ang pangunahing pinipinsala ng kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimeng US-Marcos II kung kaya ang sambayanang Pilipino rin ang pangunahing lalaban at bibigo rito. Mula’t sapul nang itatag, ang NPA ay nagmula sa inaapi at pinagsasamantalahang mamamayan, ang pinakamabubuting anak ng bayan

Nakahandang lumaban ang lahat ng yunit ng NPA sa rehiyong Timog Katagalugan para ipagtanggol ang mamamayan sa brutalidad ng gera ng estado, parusahan ang mga pusakal na kaaway at ipagwagi ang digmang bayan para kamtin ang tunay na kalayaan, demokrasya at makatarungang kapayapaan.

Dahil makatarungan ang pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan, inaanyayahan ang lahat na sumapi sa NPA, laluna sa mga kabataan. Kayo ang mga bagong henerasyong Pilipino ang magmamana ng kinabukasan. Sa pag-ugit ng bagong kasaysayan sa landas ng armadong pakikibaka, makakamit ang inaasam nating lipunang malaya, masagana at makatarungan. Ngayon na ang panahon. Sampa na sa NPA!

Mabuhay ang NPA!
Mabuhay ang CPP!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Isulong ang rebolusyon hanggang tagumpay!

Ka Cleo del Mundo, bagong tagapagsalita ng NPA-Southern Tagalog