Pahayag sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis Kababaihang Mindoreño, makibaka laban sa sumasahol na pagsasamantala at pang-aapi ng rehimeng US-Marcos II
Sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis, nararapat lamang na kilalanin ang napakalaking papel ng kababaihan sa lipunan at sa rebolusyong Pilipino. Bilang magsasaka, manggagawa, kabataan at estudyante, propesyunal at maliliit na negosyante lumalaki ang papel nila sa produksyon at buhay panlipunan subalit pinapasan ng kababaihan ang higit na pagsasamantala at kaapihan ng kanilang uring kinabibilangan dahil sa pagiging babae na naglalagay sa kanila sa diskriminado at kalunos-lunos na kalagayan.
Natatanging higit ang papel nila sa pagsusulong ng mga batayang karapatan at demokratikong interes ng buong sambayanang Pilipino. Hindi rin matatawaran ang kanilang ambag sa paglaban sa tumitinding pagnanakaw, pagsasamantala at terorismo ng burukrata-kapitalistang estado ni Ferdinand Marcos Jr. sa kumpas ng amo nitong imperyalismong US at ng daan-taon nang pyudalismo sa kanayunan.
Tumataas ang partisipasyon ng kababaihan sa mahahalagang aktibidad panlipunan lalo na sa produksyon subalit napag-iiwanan naman sa mahahalagang serbisyong panlipunan at sistemang suporta sa kanilang sektoral na kahilingan. Kumpara sa ibang bansa sa Asya, mas mataas ang mortalidad (bilang ng namamatay) sa panganganak sa ating bansa. Sa hanapbuhay, ang mga kababaihan ang pangunahing nakakaranas ng diskriminasyon sa oportunidad sa trabaho, mas mababang pasahod o kaya naman hindi nababayaran ang trabaho, mas bulnerableng mawalan ng trabaho, walang proteksyon sa panahon ng mga pang-ekonomiyang dislokasyon at sakuna at napagkakaitan ng serbisyong pangkalusugan at edukasyon. Kababaihan pa rin ang pumapasan sa malaking bahagi ng gawaing bahay, halos walang natatanggap na panlipunang serbisyo sa panganganak at halos solong binabalikat ang pangangalaga sa mga bata lalo na sa mahihirap na pamilya. Ilan lamang ito sa mga datos na nagbibigay ng larawan kung paano napapabayaan ang kalagayan ng kababaihan sa ating bansa.
Sa Mindoro, damang-dama ng mga kababaihang magsasaka at katutubong Mangyan ang pagbagsak ng kanilang kabuhayan dahil sa patuloy na pyudal at malapyudal na pagsasamantala—pangangamkam ng lupa, mataas na upa sa lupa, mataas na presyo ng mga gamit sa pagsasaka, bagsak na presyo ng produkto at napakababang sahod ng manggagawang bukid. Kasabay ng walang-tigil na pagsirit ng presyo ng mga bilihin at pananalasa ng mga kalamidad, nalulugmok ang kababaihang Mindoreño at kanilang pamilya sa labis na kahirapan. Dumaraming magsasaka ang nagiging manggagawang-bukid na lamang sa parehong probinsya ng Oriental at Occidental Mindoro, o di kaya ay manggagawa sa mga asinan, gilingan at sektor ng serbisyo. Maraming kaso na maging ang mga bata at mga menor-de-edad ay napipilitan nang maging manggagawang-bukid at pinipiling hindi pumasok o tuluyang tumitigil na sa pag-aaral upang makatulong sa kanilang magulang sa paghahanapbuhay. Kasama pa nila ang mga senior citizen na kayod-kalabaw pa rin sa pag-aarawan*. Apektado sila ng bangkaroteng sistema ng pagsasaka dahil sa anti-magsasakang patakaran ng gubyerno na liberalisasyon sa anyo ng sobra-sobrang importasyon ng agrikultural na produkto.
Pinakamalupit ang pangangamkam ng lupang sakahan nila para bigyang-daan ang muling pagpapalawak ng mga pastuhan, proyektong ekoturismo, pagmimina at mga renewable energy project. Pinahirapang higit naman ang mga maralitang mangingisda simula nang ipahintulot na ang commercial fishing sa municipal waters. Lalong bumaba ang huli ng mga mangingisda at bumagsak ang kabuhayan nila dahil dito. Habang bilyones ang kinikita ng mga panginoong maylupa, malalaking burgesyang kumprador at mga dayuhan, pagkasira ng buhay at kabuhayan ang epekto sa mahihirap na magsasaka at mangingisda.
Maski ang mga propesyunal at maliliit na negosyante ay iniinda rin ang hirap ng buhay. Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kawalan ng oportunidad sa trabaho at di tumataas na sahod at kita, bumabagsak rin ang kanilang kabuhayan o di kaya ay pumasok sa mga trabahong malayo sa kanilang pinag-aralan.
Biktima rin ang kababaihang Mindoreño ng kawalan ng serbisyong lipunan. Tampok ang kawalan ng maayos na pamumuhay at hanapbuhay. Sa mga bayan ng San Jose at Magsaysay, inirereklamo laluna ng mga maralita ang mahal na singil ng tubig kada cubic meter ng PrimeWater (na pagmamay-ari ng pamilyang Villar) at hindi mahusay na serbisyong patubig nito. Nananatili pa rin ang mahal na edukasyon at mababang kalidad nito na nagtutulak sa mga kabataan na sukuan ang pag-aaral. Marami pa rin sa mga kababaihang Mindoreño ang walang akses sa mahusay na serbisyong pangkalusugan dahil sa mahal na bayarin at kawalan ng mga pasilidad para rito na malapit sa mga komunidad. At sa panahon ng kalamidad, limos, kung di man walang-wala, ang ayudang natatanggap ng kanilang mga pamilya.
Kaakibat ng lahat ng paghihirap ng kababaihang Mindoreño sa harap ng lumalalang krisis sa ekonomya, higit pang pahirap sa kanila ang sumasahol na terorismo ng estado. Nagpapatuloy ang karahasan at paglabag sa karapatang pantao sa isla. Noong 2025, naitala ang 121 kaso ng paglabag sa karapatang pantao na nakaapekto sa 16,379 indibidwal. Kasama rito ang mga kaso ng pambobombaba’t istraping sa mga komunidad ng katutubong Mangyan, tortyur, iligal na pag-aresto at detensyon, pandurukot, sapilitang rekrutment sa AFP, CAFGU at iba pa. Tampok na mga kaso ang buu- buong mga komunidad na napilitang lumikas dahil sa pambobomba at istraping na nagdudulot ng labis na takot at trauma sa mga nanay at mga bata. Katunayan ang pinakahuling pambobomba noong Enero 1 sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro ay pumatay sa tatlong batang Mangyan-Iraya habang sugatan naman ang kanilang ina. Nagpapatuloy rin ang pagpapakalat ng kultura ng pang-aabuso sa mga kababaihan at prostitusyon sa mga komunidad na tinatayuan ng mga kampo ng sundalo gaya ng sa So. Mantay, Brgy. Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro. Tampok din ang kaso ng pagdakip at pagpapahirap ng mga sundalo ng 76th IB kay Dolores Solangon, isang kababaihang Mangyan-Iraya, noong Disyembre 2025. Patunay ang kalagayan ng kababaihang Mindoreño na ang pinakamasahol na tagapamandila ng karahasan sa kababaihan ay ang reaksyunaryong estado na kinukumpasan ng imperyalismong US.
Sa likod ng lahat ng kahirapang pasan ng mga kababaihan mula sa mga aping uri at sektor, ang sistematikong kabulukan ng burukrata-kapitalistang estado ng rehimeng US-Marcos II na nasiwalat noong nakaraang taon. Ito ang nagtutulak sa mamamayan, kabilang ang laksa-laksang kababaihan, na tumungo sa mga lansangan upang ipanawagan ang pagpapapanagot sa mga utak at sangkot sa pagnanakaw ng pondo ng bayan kasabay ng pagsusulong ng kanilang mga karapatan at demokratikong interes.
Ngunit mulat rin ang mga kababaihang Mindoreño na hindi nila buong matatamasa ang disente at nakasasapat na kabuhayan at buhay kung iaasa lamang nila ito sa reporma, eleksyon o anupamang pakikiusap sa mga naghaharing uri. Batid nila na ang reaksyunaryong estado ni Marcos Jr. sa ngayon, katulad lamang ng mga nagdaang rehimen, ay hindi magsisilbi sa kanila bagkus ay sa mga naghaharing uring imperyalismong US at mga sunud-sunuran nitong mga burukrata-kapitalista, mga malaking burgesya kumprador at panginoong maylupa.
Sa paglahok sa mga pakikibakang masa, namumulat ang mga kababaihan sa pangangailangan para sa isang demokratikong rebolusyong bayan upang wakasan ang kasalukuyang sistema, maitayo ang gubyerno ng masang api at mapalaya ang kababaihan sa lahat ng porma ng pagsasamantala at pang-aapi. Ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) ang rebolusyonaryong organisasyon na nagbibigkis sa mga kababaihan para sa programa ng demokratikong rebolusyong bayan. Isinusulong din ng mga kababaihan ang pinakamataas na porma ng rebolusyonaryong pakikibaka, sumasampa sa Bagong Hukbong Bayan at naglilingkod bilang mga Pulang kumander at mandirigma. Ilang henerasyon na ng kababaihan ang tumahak sa rebolusyonaryong landas: Mula pa kina Gabriela Silang at Gregoria Bonifacio na lumaban sa kolonyalistang Espanyol, kina Lorena Barros na nagtayo ng MAKIBAKA at hinawan ang landas para sa panibagong yugto ng pakikibaka ng kababaihang Pilipino hanggang sa mga kababaihang kadre at mandirigma ng Mindoro gaya nila Josephine “Ka Sandy” Mendoza, Rosemarie “Ka Agnes/Ka Soya” Gayadan, Nancy “Ka Mamay” Looy Yaw-an at marami pang iba. Sa loob ng rebolusyon, nakakamit ng mga kababaihan ang lahat ng pinagdamot sa kanila ng nabubulok na sistema at nakakalahok sa paglikha ng masagana, malaya at progresibong bukas.
Sa gitna ng sumasambulat na krisis panlipunan sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II, nananawagan at hinahamon ng NDF-Mindoro ang mga kababaihang Mindoreño:
Makibaka para sa lupa, sahod, serbisyong panlipunan at iba pang mga demokratikong karapatan!
Singilin at wakasan ang pahirap at teroristang rehimeng US-Marcos II!
Sumapi sa MAKIBAKA! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan para sa tunay na panlipunang pagbabago at paglaya!
Kababaihan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!