Kabataan, isanib ang inyong mga pangarap sa pambansa demokratikong mithiin ng masang api!
Nag-aalab na rebolusyonaryong pagbati ang ipinaaabot ng Lucio de Guzman Command-BHB Mindoro (LDGC-BHB Mindoro) sa mga kabataang Mindoreño at lahat ng kabataang makabayang lumalaban para sa tunay na malayang kinabukasan para sa lahat sa Pambansang Araw ng Kabataan na nagdaan nitong Agosto 12.
Nakatatak na sa kasaysayan ang di nagmamaliw na mapanlabang diwa ng hene-henerasyon ng mga kabataang Pilipino. Mula sa Rebolusyong 1896 na pinamunuan at nilahukan ng mga kabataang anakpawis at kabataang intelektwal gaya nila Andres Bonifacio at Emilio Jacinto hanggang sa Partido Komunista ng Pilipinas-MLM (PKP MLM) at BHB mula sa nagpanimulang mga kabataang kasapi ng Kabataang Makabayan (KM) na pinangunahan ng dakilang Ka Joma, paulit-ulit nang pinatunayan ng mga kabataan ang kanilang kapangahasan at ambag sa pakikibaka ng bayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya.
Mula noon hanggang ngayon, kinatatakutan ng naghaharing sistema ang posibilidad ng pagkamulat ng mga kabataan at pagsanib nila sa rebolusyonaryong pakikibaka ng iba pang masang api. Dahil sa taglay na lakas ng isip at pangagatawan, optimismo at pagiging bukas sa bagong mga ideya, nagsisilbing mitsa at tulak sa ibayong pagsulong ng rebolusyon ang pagkilos ng mga kabataan. Di matatawaran ang papel ng mga kabataan sa rebolusyon sa oras na sila ay sumanib sa masang anakpawis, maarmasan ng rebolusyonaryong ideya at adhikain at magpasyang magpanibagong hubog.
Sa kasalukuyan, iba’t ibang porma ng pagsasamantala at paghihirap ang pasan-pasan ng mga kabataang Pilipino. Maagang nilulubog ang mga kabataan sa nabubulok at palalang krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan. Sistematikong pinapatay ng kronikong krisis na ito ang pangarap ng mga kabataan, lalo na yaong mula sa uring anakpawis.
Binabaon ang mga kabataang magsasaka sa kahirapang bunsod ng kawalan o kakulangan ng lupa ng kanilang mga pamilya. Sa murang edad, nakikipagsapalaran naman ang mga kabataan mula sa maralitang lunsod sa mga pagawaan, palengke, daungan at iba pang pook trabahuhan sa mga lunsod at kabayanan para sa barat na sahod. Kairalan na sa buong bansa—sa nayon man o sa lunsod—ang pagtigil ng mga kabataan sa pag-aaral upang magtrabaho at tumulong na lamang sa kabuhayan ng kanilang pamilya. Samantala, ang mga kabataang nakakapagpatuloy sa pag-aaral ay nilulunod sa bulok na kolonyal, komersyalisado at mapanupil na sistema ng edukasyon na sadyang dinisensyo ng estado upang kitlin ang mapanuring pag-iisip at diwang makabayan ng kabataan at hubugin sila bilang mga kiming empleyado ng mga negosyo ng mga lokal na naghaharing uri at ng mga imperyalista. Dahil sa saligang oryentasyon ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas, ang mga kabataang estudyante ang unang biktima ng pinatinding opensiba sa kultura ng imperyalismo na nagtuturo sa mga kabataan na maging bulag at bingi sa lumalalang krisis panlipunan, na sumuko sa kawalan ng pag-asa at magpakalulong sa indibidwalismo at mga dekadenteng gawi upang maging manhid sa api’t hirap na kalagayan ng bayan at masang api at sa pangangailangan ng rebolusyonaryong pagbabago sa lipunang Pilipino.
Hindi ligtas ang mga kabataan sa lumulubhang krisis ng kawalan ng trabaho at kabuhayan, mababang sahod, mataas na presyo ng mga bilihin, kawalan ng libre at dekalidad na serbisyong panlipunan gaya ng edukasyon, krisis sa kultura, at higit sa lahat, sa sumasahol na terorismo at pasismo ng estado.
Sa kanayunan, patuloy na binibiktima ng mga operasyong militar at operasyong kontra-insurhensya ang mga kabataang magsasaka at katutubo. Pinakahuling kaso sa Mindoro ang walang pakundangang pagpatay ng mga nag-ooperasyong tropa ng 4th Infantry Batallion (4IB) kay Jay-el Maligday sa Bulalacao, Oriental Mindoro noong Abril 7. Si Maligday ay isang kabataang katutubo at second year student sa Grace Mission College. Gaya ng naging SOP na sa mga ekstrahudisyal na pagpaslang na isinasagawa ng mga militar at pulis sa kanayunan, pinaratangang kasapi ng BHB si Maligday at armado raw noong madaling araw na siya ay patayin sa kanilang bahay. Binulabog din ng 4IB ang libing ni Maligday at hanggang ngayo’y hindi nilulubayan ng mga militar ang sityo kung saan siya pinatay.
Sa kalunsuran, tumampok kamakailan sa balita ang pagdinig sa Senado hinggil sa diumanong rekrutment ng BHB sa loob ng mga paaralan at pamantasan. Sa pangunguna ni Bato dela Rosa, inaksaya ang panahon at pondo ng bayan para lang iere ang luma nang tugtugin ni dela Rosa at mga katulad niyang sagad-sagaring pasista. Ipinanukala ni dela Rosa ang pagkasangkapan sa mga guidance counselor upang “bantayan” ang mga mag-aaral na “bulnerable” kuno sa rekrutment ng rebolusyonaryong kilusan. Ayon sa katawa-tawang pamantayan ni dela Rosa dapat daw bantayan ang mga kabataan na “matalino, mahiyain at mistulang may galit sa mundo.” Ang arbitraryong pamantayan ni dela Rosa ay matingkad na ekspresyon ng sukdulang kawalang kakayahan ng mga pasista na magagap bakit at paano namumulat ang mga kabataan. Katawa-tawa man kung paano ipinaliwanag ni dela Rosa, ilalagay ng ganitong profiling sa peligro at gagawing target ng karahasan ng estado ang mga kabataang estudyante—aktibista man o hindi, progresibo man o hindi. Pangita rin sa pagdinig sa Senado ang paggamit ng reaksyunaryong gubyerno sa mga magulang ng mga kabataan para sa pagpapalaganap ng itim na propaganda at sa sistematikong saywar sa mga kabataan.
Kasunod ng pagdinig sa Senado, naibalita ang kasunduan sa pagitan ng Unibersidad ng Pilipinas at ng Armed Forces of the Philippines na walang ibang pakahulugan kundi ang militarisasyon at pagsupil sa academic freedom sa lob ng unibersidad. Kasabay na rin nito ang lantarang pagpapailalim ng mga sibilyang ahensya ng Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Hudyat ito ng pagligalisa sa ibayong militarisasyon ng sektor ng edukasyon at pagkasangkapan dito sa maruming programang kontra-insurhensya ng reaksyunaryong gubyerno. Yuyurakan ng mga hakbaging ito ang kalayaang akademiko sa mga paaralan at pamantasan na lalong magpapabulok sa sistema ng edukasyon sa bansa at sasagka sa tunay na pagkatuto ng mga kabataan.
Anumang pagpapanggap nila dela Rosa at mga kapwa niya utak-pulburang pasista na sila’y nag-aalala lamang para sa mga kabataan, sumisingaw ang katotohanang bangungot para sa kanila ang mga kabataang mulat na kumikilos—bilang mga aktibista man o mga ganap na rebolusyonaryo—para sa tunay na pagbabagong panlipunan. At sa tindi ng takot, kapraningan at karuwagan ng mga pasista sa harap ng mga kabataan, ginagamit nila ang lahat ng kahiya-hiyang taktika gaya ng panlilinlang, pamumuwersa, pananakot, pagpaparada sa mga taksil sa rebolusyon upang katuwangin sa redtagging at pandarahas sa mga kabataan upang takutin at patahimikin sila.
Kailanman ay di maiintindihan ni dela Rosa at mga katulad niya ang katotohanan na hindi ang mga diumanong “recruiters” sa mga paaralan at pamantasan ang nagtutulak sa maraming kabataan na lumaban. Namumulat at tinatahak ng mga kabataan ang landas ng rebolusyon dahil sa kagutuman at kahirapan na kanilang nasasaksihan at tuwirang nararanasan, dahil sa pagpatay sa kabuhayan at trabaho ng masa, at kawalang katiyakan ng kinabukasan ng kabataan dahil dito. Dahil sa pandarambong ng iilan, impyunidad at kawalan ng hustisya para sa milyun-milyong biktima ng terorismo ng estado. Ito ang reyalidad na nagmumulat, nag-oorganisa at nagpapakilos sa mga kabataan.
Ngayon higit kailanman, pinupukaw ang mga kabataan ng tumatalim na krisis panlipunan. Kanilang kinekwestiyon ang umiiral na kabulukan sa lipunan at aktibo nilang hinahanap ang solusyon sa mga suliranin ng lipunang Pilipino. Marami sa mga kabataang Pilipino, at tiyak na darami pa sa hinaharap hanggat nananatiling malakolonyal at malapyudal ang Pilipinas, ang nagpasya nang isanib ang kanilang lakas, talino, oras at buhay sa pambansa demokratikong pakikibaka ng uring anakpawis at iba pang api at pinagsasamantalahan.
Bilang mga punla ng panibagong henerasyon, sumisibol at sisibol ang mga kabataang magpapatuloy sa pakikibaka ng mga naunang henerasyon at mangangahas na humalagpos sa tanikala ng nabubulok na lipunan. Ngayong Pambansang Araw ng Kabataan atin bigyang pugay at dakilain ang alaala nila Arc John “Ka Hunter” Varon, Queenie Loricel “Ka Kira” Daraman, Baby Jane “Ka Binhi” Orbe, Gladys Cassandra “Ka George” Mendoza, Jethro Royce “Ka Alex” Magtira, Jian Markus “Ka Reb” Tayco at iba pang kabataang martir na nag-alay ng kanilang kaisa-isang buhay para sa pagsisilbi sa masang api. Hamon at inspirasyon ang kanilang buhay at pakikibaka sa milyun-milyon pang kabataan na nangangarap para sa kinabukasang malaya mula sa lahat ng porma ng kahirapan, pagsasamantala at pang-aapi.
Kabataang Mindoreño, makibaka kasama ang uring manggagawa at magsasaka!
Sumapi sa Kabataang Makabayan! Isulong at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan!
Sumapi at maging mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan!
Buong pusong paglingkuran ang sambayanan!