Kabataan ng Cagayan Valley, sumulong sa daluyong ng paglaban ng bayan sa korapsyon! Isigaw ang natatanging solusyon—Rebolusyon!
Malaki ang hamon sa ating mga kabataan ngayong malakihang nailalantad ang korapsyon ng mga burukratang nakaupo sa gobyerno. Dumadagsa sa lansangan ang mamamayan, at may panibagong lakas ang kapwa nating mga kabataan na panagutin ang mga magnanakaw sa kaban ng bayan.
Taun-taon, dinaraanan ng sunud-sunod na bagyo ang Cagayan Valley, pero walang nagagawa ang daan-daang flood control projects na inaprubahan ng gobyerno para sa rehiyon. Ang Isabela mismo ang pangatlo sa may pinakamaraming kontratang natanggap para dito, subalit laganap pa rin ang pagbaha tulad na lang ng naganap sa Santiago nitong Setyembre. Samantala, ang mga malalaking infrastructure projects ay pinagkakitaan lamang, katulad ng gumuhong Santa Maria-Cabagan Bridge at mga di natapos na irrigation project sa Cagayan, sa kabila ng mga napakataas na pondo na inilaan dito.
Lantad rin ang korapsyon sa mga transaksyon ng gobyerno at mga dayuhang kumpanya ng pagmimina tulad ng napakadulas na pagbibigay ng exploration permit (EP) sa Woggle Corporation para malawakang paghalukay sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya nitong taon.
Pero ang paglalantad ng mga kasong ito at paghahanap ng pananagutan ay ginawang larangan ng pulitikahan. Nagmamadaling naghuhugas-kamay at nagtuturuan ang mga pulitikong sangkot sa mga proyektong ito upang isalba ang kanilang mga pangalan. Pinakamalaking naghuhugas-kamay dito si Pangulong Marcos Jr., na siya namang nag-aprub ng mga budget para sa flood control. Ang pagpostura niya na paglaban sa korapsyon ay pag-iwas sa spotlight ng media ng kanyang presidential pork barrel na built-in na sa sistema ng pangungurakot. Sa totoo lang, siya ang pinakahari ng mga katiwaliang sumisiwalat ngayon.
Samantala, pumupwesto naman ang mga Duterte na tila nagmamalinis, subalit alam din natin ang maruming track record nila sa korapsyon, lalo na noong pandemya. Dagdag pa rito ang confidential funds ni Sara Duterte, na si Marcos Jr. din mismo ang pumirma. Silang nasa pinakamatataas na trono sa Malacanang ang may pinakamabigat na pananagutan sa nagaganap na korapsyon, at nararapat na panagutin.
Kaya naman, huwag tayong makontento sa paglilitis at pagkulong sa iilang tao na gagawin nilang “scapegoat.” Bagaman ito ay magiging tagumpay ng sambayanan, hindi pa rin ito ang magbabago sa umiiral na kaayusan.
Tulad ng mga walang kwentang flood control projects at bumagsak na Santa Maria-Cabagan Bridge, nagbibitak-bitak na ang naghaharing uri, at walang ibang patutunguhan kundi ang tuluyang pagbagsak nito. Samantala, namumuo ang lakas ng mamamayan, na naghahanap ng landas para sa tunay na pagbabago.
Hindi mawawala ang korapsyon hangga’t ang mga nakaupo sa pwesto ay ang mga naghaharing panginoong maylupa at malalaking burgesya komprador, na ang tanging layunin ay pagkaperahan ang kanilang mga pwesto. Mapapawi lamang ang korapsyon kung magkakaroon ng bagong sistemang panlipunan kung saan ang mamamayan ang nasa poder na siyang maninigurado na ang bawat sentimo ng kaban ng bayan ay mapupunta sa interes ng mamamayan. Ito ang nakadetalye sa programa ng ating pambansa-demokratikong rebolusyon, at tiyak na yayakapin ng masa kung mailatag sa kanila. Ngunit hindi ito kagyat na makakamit. Kailangan nating maghanda sa mas mahabang paglaban.
Inaasahan na rin natin na sa pagdami ng mga pagkilos at paglaki ng mga organisasyong masa, hihigpit ang mga pasistang atake. Naranasan na natin dito sa Cagayan Valley na ang simpleng pagbibigay ng relief goods sa mga nasalanta ng bagyo, o pamomolyeto sa eleksyon ay inaatake na ng mga pasista. Bahagi rin ito ng burukrata kapitalismo – ang paggamit ng instrumento ng estado tulad ng mga pulis, militar, ng NTF-Elcac, korte at iba pang makinarya upang supilin ang kahit anong kibo ng mamamayan na nagiging banta sa kanilang paghahari at pangungurakot. Kailangan natin itong harapin nang sama-sama at buong tapang. Ang ganitong pag-iral ng pasismo rin ang dahilan kung bakit kailangan ng armadong pakikibaka dahil kailanman ay hindi basta-bastang bibitawan ng naghaharing uri ang kapit nito sa kapangyarihan.
Rebolusyon ang solusyon! Sambitin natin at ipaunawa ang mensaheng ito sa mga nakakatabi natin sa rally, mga kapamilya, kaibigan, mga nakakausap sa social media, at higit sa lahat, sa mga masang pinakaapektado ng bulok na sistemang ito.
Malinaw na may alternatibo, at naniniwala tayo na maaring magbago ang lipunan. Marami sa mga katulad nating kabataan ang handang maglingkod ng tapat sa sambayanan, ngunit hindi alam ang paraan. Hikayatin natin sila, at sama sama nating puntahan ang masa, alamin ang kanilang kalagayan, bigyan ng pag-aaral, organisahin, at gabayan tungo sa sama-samang pagkilos upang lutasin ang kanilang mga suliranin, at singilin ang mga nagpapakasasa sa kabang yaman ng mamamayan.
Kabataan ng Cagayan Valley, ipakita natin ang ilaw para sa mga nawawalan ng pag-asa at naghahanap ng daan. Maging huwaran tayo ng tapang sa kabila ng pananakot ng mga kaaway.
Rebolusyon ang solusyon! Magpalakas tayo ng ating mga pwersa at sabay-sabay natin itong isigaw mula sa mga paaralan, bukid, pagawaan, at lansangan ng hanggang sa mga bundok ng Cagayan Valley kung saan itinatanim ng Partido, ng Bagong Hukbong Bayan at ng rebolusyonaryong mamamayan ang mga binhi ng demokratikong gobyernong bayan.
Kabataan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Sagot sa kahirapan, digmang bayan!