Pahayag

Kabataan ng Timog Katagalugan, usigin ang mga dambuhalang magnanakaw! Magrebolusyon kontra kurapsyon!

,

Binabati ng Kabataang Makabayan-Timog Katagalugan ang mga kabataan at estudyante ng rehiyon na nagpamalas ng kakaibang tapang upang ipakita ang kanilang pagtutol sa katiwalian ng gubyerno. Ipagbunyi ang tagumpay ng pagpapawalk-out ng higit 7,000 estudyante, kawani, guro, at iba pang kabahagi sa UP Los Banos, higit 120 sa UP Rural High School, at higit 400 sa Cavite State University. Ipagbunyi din ang pagkilos ng mga kapwa estudyante sa Calamba City College, Southern Luzon State University, De La Salle University—Dasma, at ng mga estudyante mula sa mga probinsiya ng Batangas at Rizal. Muling dumagundong sa buong rehiyon ang lakas ng pakikibaka nating mga kabataan.

Tiyak na ang ipinamalas ninyong katapangan ay gumuhit ng takot sa mga reaksiyunaryo at pahirap na burukrata kapitalistang pinag-uugatan ng paghihirap ng sambayanang Pilipino. Tuluyang nalalantad ang mga katiwalian ng mga ahensiya ng gubyerno, lalo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga maanumalya nitong flood control projects. Nagpupuyos ang galit ng sambayanan dahil pinakikinabangan ang mga proyektong ito bilang balon ng kurapsyon, kung saan ang pondong kinaltas sa buwis ng mga manggagawa, propesyunal, at ordinaryong mamamayan na dapat inilalaan sa serbisyong panlipunan ay ginagamit upang makapamuhay ng marangya ang iilan. Sa kabilang banda, ang mga mamamayan, kabilang ang mga estudyante, ay pasan-pasan ang bigat ng tumataas na presyo ng bilihin at gastusin, at direktang dumadanas ng mga delubyong lalong nagpapalugmok sa kanilang kundisyon. Mahusay ninyong ipinakita ang direkta nitong epekto sa inyong nararanasang krisis sa edukasyon, na karakterisado ng kakulangan ng pondo sa mga pamantasan, tumataas na gastusin sa pag-aaral, at kawalan ng mga batayang serbisyong dapat ninyong tinatamasa.

Karugtong din ng inyong pagkilos sa rehiyon ang inyong paglahok sa malawak na pagkilos na isinagawa noong Setyembre 21 sa Kamaynilaan. Ipinakita ninyong ang inyong mga karanasan ay hindi hiwalay sa pambabarat na nararanasan ng mga manggagawa, iba pang propesyunal, magsasaka, at maralitang lungsod.

Ating nasaksihan ang kapangyarihan ng ating nagpupuyos na pakikibaka laban sa sistemang mapansamantala. Ang makasaysayang walkout hanggang sa pagkilos sa Maynila, na nilahukan din ng mga kawani at iba pang miyembro ng komunidad ng mga pamantasan ay nagpapakita ng pagtutol sa umiiral na status quo. Sa puntong pinili ninyong lumiban sa klase o trabaho, at sumanib sa hanay ng sambayanan, naipapahayag ninyo ang pagtutol sa pagpapahintulot sa sistematikong pagnanakaw ng estado.

Sa pagsidhi ng galit ng sambayanan, nasaksihan din natin ang pasistang tugon ng estado laban sa sambayanang nakikibaka. Higit 200 mga kapwa natin kabataan ang brutal na hinuli ng kapulisan, 91 ang menor de edad. Walang habas ang mga pulis na nagpaputok ng baril, nambugbog, naghagis ng tear-gas, at nag-water-bomb. Marami ang nasugatan at mayroong sibilyang pinatay. Habang ganito ang tinugon sa protesta, nagpapatuloy ang mga focused military operations sa kanayunan, pagmamanman sa mga progresibong indibidwal at organisasyon, at iligal na pag-aresto sa mga residente ng mga komunidad. Lalong idineklara ng kasalukuyang estado ni Marcos Jr. na sila ay kasapakat ng mga dambuhalang magnanakaw at kaaway ng sambayanan—salamin ng diktadura ng kaniyang ama sa ilalim ng Batas Militar.

Pilit na pinagtatakpan ng kasapakat nilang media outlets at lokal na pamahalaan ang brutalidad na ito. Malamang ay babaliktarin nila ang mga naratibo—babansagan ng kung anu-ano ang mga nag-protesta, papatawan ng mga gawa-gawang kaso, at pilit na patatahimikin—hindi lamang upang pagtakpan ang kanilang karahasan, kundi upang papanghinain ang nagkakaisang protesta at umaapaw na galit ng sambayanan.

Huwag kayong matitinag. Batid nating matagal na ang karahasang umiiral sa lipunan sa ilalim ng kasalukuyang rehimeng US-Marcos II at mga administrasyon nauna rito. Ang pang-araw-araw na kahirapan na ating dinadanas ay yaong dulot ng agresyon ng estado laban sa mahihirap. Ang mga maralitang lungsod at mga pesante sa kanayunan ay araw-araw kumakaharap sa matinding kahirapan at pandarahas ng estado. Kaya naman hindi masisisi ang sambayanan kung matuto itong lumaban pabalik, at gumamit ng karahasan upang ipahayag ang galit at kasawaan sa pagtitimpi.

Ang marapat nating gawin: anihin ang mga tagumpay ng mga nakaraang pagpapakilos. Tuloy-tuloy na ilantad ang katiwalian ng kasalukuyang sistemang nagpapahintulot sa kurapsyon. Ipabatid sa mas malawak na hanay ng sambayanan ang ugat ng kanilang paghihirap—ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo. Palakasin at palawakin ang mga organisasyong masa, at hamigin ang pinakamalawak na masa upang malantad ang kabulukan ng paghahari ng mga Marcos at mga Duterte. Ipamandila ang programa ng demokratikong rebolusyong bayan at kawastuhan ng matagalang digmang bayan mula kanayunan hanggang kalunsuran. At habang tuloy-tuloy na nag-oorganisa ng mga kabataan, tumungo sa mga pagawaan at sa kanayunan, at tumangan ng mas mataas na antas ng pakikibaka.

Kailangang magpatuloy ng mga malawakang pagkilos laban sa katiwalian, at iba pang isyung kinakaharap ng sambayanang Pilipino. Asahang mas lalong titindi ang krisis na nararanasan ng sambayanan na lalong maghihiwalay sa naghaharing-uri. Samantalahin ang mga bitak sa hanay ng mga mapansamantala upang isulong ang interes ng mga inaapi.

Usigin ang mga dambuhalang magnanakaw!

Kabataan, magrebolusyon kontra kurapsyon!

Kabataan ng Timog Katagalugan, usigin ang mga dambuhalang magnanakaw! Magrebolusyon kontra kurapsyon!