Kabulukan ng Senado, itinatanghal sa publiko
Putukan, iyakan, tulakan at tunggalian—nagmistulan nang teleseryeng subaybayin ang mga kaganapan ngayon sa Senado ng reaksyunaryong gubyerno, lahat para protektahan ang mga interes ng mga nakaluklok. Labis ang disgusto ng karaniwang mamamayan sa harap ng dramang ito. Nananatiling nakabinbin ang mga usaping dapat lutasin para makamit ang hustisya at itaguyod ang kapakanan ng mamamayang Pilipino.
Ang sunod-sunod na eksena sa Senado ay patunay lamang ng lumalalang kabulukan ng reaksyunaryong gubyerno. Dahil sa mga pag-boycott at iba pang maniobrahang naganap, ilang araw na nawalan ng sesyon ang Senado at nananatiling nakabinbin ang mga pagdinig para sa impeachment ni Sara Duterte at ang imbestigasyon sa mga proyektong flood control. Lalo lamang pumapabor sa mga sangkot ang mga taktika ng pagpapaliban na magbibigay sa kanila ng dagdag na panahon upang makalusot sa mga butas ng reaksyunaryong batas at burukrasya, at maiwasang dalhin sila sa hustisya.
Lalo pang nakita ang kawalang-integridad ng Senado nang hainan ng warrant of arrest para sa kasong pandarambong si Jinggoy Estrada, isa sa mga senador sa hanay ng mayorya. Ang malamang na pagkakasangkot niya at pagtatangka niyang lusutan ito sa pamamagitan ng piyansang 90,000 piso na sa totoo’y barya lamang kumpara sa kanilang kinulimbat, ay lubos na nakakagalit at nagpapatunay ng kahirapang makamit ang hustisya sa ilalim ng reaksyunaryong estado.
Tumitining din muli ang mga paksyon sa Senado na sumasalamin sa pangkalahatang hidwaan sa loob ng bulok na estado ngayon—isang paksyong maka-Duterte kung kaya’t lumikha ng engradeng eksena para patakasin ang mga galamay nito, at ang maka-Marcos na nakaagaw ng pwesto at ngayo’y kinikilala ng palasyo.
Sa lahat ng ito, pinakadehado ang mamamayang Pilipino. Sa halip na pagkunutan ng noo ang bumibigat na pasanin ng mamamayan sa Batangas at buong bansa sa papataas na presyo ng langis, pagkain at iba pang batayang bilihin, inuuna ng mga nakaluklok na magbangayan, mag-agawan ng kapangyarihan, at iligtas ang mga sarili, at iabante ang kani-kanilang mga interes. Inilantad ng nagdaang mga linggo ang tunay na kalikasan hindi lamang ng Senado kundi ng buong reaksyunaryong gubyerno sa kung paano nito sinusuhayan at ineendorso ang mga maniobrahan pabor sa kani-kanilang paksyon ng mga naghaharing uri, at ni walang pakialam sa tunay na mga problema ng higit na nakararaming mamamayan.
Walang aasahan ang mamamayan sa kasalukuyang nakatayong reaksyunaryong gubyerno. Ibayo lang nitong poprotektahan ang sistemang malakolonyal at malapyudal na nagpapatuloy ng paghihirap ng sambayanan. Kailanman, hindi maaasahang mabunot sa pinakaugat ang nagsanga-sangang kahirapan ng mamamayang Pilipino hangga’t ang gubyernong ito ng mga naghaharing uri ang namumuno.
Tanging pag-asa ng mamamayan ang paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan na magtatayo ng gubyerno mula sa tinipong lakas ng karaniwang masa, at tiyak na magsisilbi para sa masa. Sa pagbabalikwas ng mamamayan at hakbang-hakbang na pagtatatag ng demokratikong gubyernong bayan, maiwawaksi ang pagsandig sa makupad at bulok na burukrasya, mawawakasan ang pang-aapi, at lilikhain ang kasaysayan sa pagtatatag ng kanilang makauring pamumuno.