Pahayag

Kilusang Masbatenyo sa pamumuno ng Partido Komunista bilang tugon sa epekto ng Bagyong Kristine

,

Nakikiisa ang Jose Rapsing Command-Bagong Hukbong Bayan Masbate sa mga Masbatenyo at mga mamamayang Bikolano sa pagharap sa epekto ng bagyong Kristine sa kanilang buhay at kabuhayan. Buo ang tiwala ng JRC-BHB Masbate na kung nasaan nagdurusa ang masa ay tiyak naroroon ang Partido Komunista at iba pang rebolusyonaryong pwersa upang pamunuan ang sama-samang pagkilos ng mga komunidad.

Tiyak nang nakahanda ang mga yunit ng Hukbo sa ilalim ng Jose Rapsing Command-Bagong Hukbong Bayan Masbate na magsagawa ng kani-kaniyang kampanya ng pagtulong sa mga naapektuhan ng bagyo. Higit 3,000 na pamilya o kabuuhang 15,000 indibidwal ang apektado sa Masbate. Marapat na gawin ng Hukbo ang lahat ng makakaya upang makatulong sa mga naapektuhan.

Hinihikayat din ng JRC-BHB Masbate ang mga lokal na Sangay ng Partido at rebolusyonaryong organisasyong masa kapwa sa kabukiran at syudad na pangunahan ang kilusang masa sa pagtugon sa epekto ng bagyo. Maaari silang magsagawa ng mga kampanya sa pangangalap at pamamahagi ng relief, ayuda at batayang pangangailangan para sa mga biktima ng bagyo.

Nananawagan din ang Hukbo sa mga kapwa pwersang rebolusyonaryo na sabayan ang mga pagtutulungan ng mga kampanya ng pagbibigay propaganda at edukasyon upang maitaas ang kamulatan ng masa sa tunay na sanhi ng mga kalamidad.

Ang imperyalismo, pyudalismo, burukrata kapitalismo ang tunay na sanhi ng lumalalang epekto ng kalamidad sa bansa. Sa ilang dekada’y pinahintulutan ng estado ang mga dayuhang kapitalista at lokal na mga naghahari na dambungin at sirain ang kalikasan ng bansa.

Isang halimbawa ng imperyalistang pandarambong ay ang pagwasak ng dayuhang kumpanyang Filminera sa mga kabundukan ng Masbate. Sa katunayan, tiyak, higit pang pinsala ang dadanasin ng mga Masbatenyo sakaling pahintulutan ang ekspansyon ng Filminera.

Ang mga hinaing ng mga kababayan natin sa bayan ng Libon, prubinsya ng Albay na hindi napaghandaan ang pagdating ng Bagyong Kristine ay patunay na kasinungalingan ang pahayag ni Marcos sa kanyang ikatlong SONA na “handang-handa” ang kanyang gubyerno sa anumang bagyong darating.

Napakahalaga ng damayan at kawanggawa, subalit higit pa riyan ang dapat makamit ng sama-samang pagkilos ng mga Masbatenyo. Tiyak na ang bagyong Kristine ay hindi ang huling kalamidad na darating sa bansa.

Higit pang pinsala at pagdurusa ang sasapitin ng mamamayan kung hindi sisingilin ang rehimeng US-Marcos sa kapalpakan nito sa pagharap sa kalamidad at pagtutulak ng mga patakarang nagpapahintulot sa malawakang pagsira at pagdambong sa kalikasan tulad ng pagmimina, megadam, land conversion para sa real estate at iba pa. Sa Masbate, dapat labanan ng mga Masbatenyo ang banta ng ekspansyon ng dambuhalang proyekto sa mina na Filminera-Masbate Gold Project.

Higit sa ayuda, katarungang panlipunan ang hangad ng mamamayan, laluna ng mga Bikolano. Habang bilyun-bilyong halaga ng buhay at kabuhayan ang tinatangay sa mamamayan dahil sa kapabayaan ng gubyerno, walang inatupag sina Marcos at Duterte kundi ang magpaligsahan para sa kapangyarihan at kurakot.

Wasto at kailangan, kung gayon, para sa mga Bikolano na makiisa sa pagtatanggol ng karapatan sa kabuhayan, lupa at buhay sa harap ng kawalang-intensyon ni Marcos na iligtas ang taumbayan sa darating pang mga sakuna at kalamidad.

Kilusang Masbatenyo sa pamumuno ng Partido Komunista bilang tugon sa epekto ng Bagyong Kristine