Kundenahin at panagutin ang 96th MICO sa pagdukot sa isang magsasaka sa bayan ng Placer
Dinukot at isinakay sa van ng mga kasapi ng 96th MICO ang isang residente at magsasaka na si Junior Tuling, 56-anyos sa Barangay Cabangcalan, Placer nitong Marso 29, 2025 alas-6 ng umaga.
Si Tuling ay kabilang sa mga sapilitang pinasuko ng mga militar noong 2021 sa panahon ng kasagsagan ng Retooled Community Support Program (RCSP) sa Masbate. Marami na ang katulad ni Tuling na surenderi, na matapos tumangging gawing intel laban sa rebolusyonaryong kilusan at NPA o irekluta bilang CAFGU ay dinukot ng militar, masahol natatagpuan silang wala ng buhay. Madalas, pinalalabas ng militar na kasapi sila ng NPA na namatay sa engkwentro. Tulad kay Sony Diamos, na ikinagalit ng militar ang pagpakanlong nito sa BHB para sa kanyang kaligtasan sa halip na sapilitang sumuko at maging tau-tauhan o utasan nila. Dahil sa pagtugis ng militar kay Diamos ay pinaslang ng mga ito ang kapatid nito na si Danny Diamos sa Barangay Jamorawon, Milagros noong 2021.
Madalas ring pinagbabalingan ng galit ng militar ang mga ordinaryong sibilyan sa tuwing sila ay nabibigo sa kanilang mga ilinulunsad na operasyon laban sa NPA. Higit sa lahat, sa tuwing napipinsalaan ang kanilang hanay bunsod ng mga aksyong opensiba ng mga pulang Hukbo.
Kung matatandaan nitong ikalawa hanggang ikatlong linggo ng buwan ng Marso ay nagkaroon ng halos magkakasunod na aksyong opensiba ang mga NPA. Tiyak na may kinalaman na naman ang naging di makatarungang pakana ng militar na pagdukot kay Tuling bilang ganti sa ilinunsad na aksyon ng NPA.
Humihingi naman ng tulong ang mga pamilya at kamag-anak ni Tuling upang matuntun ang kinaaroonan nito. Mapanagot ang mga berdugong militar at mabigyang hustisya ang biktima.
Ipinaaabot ng PKM-Masbate sa mga Masbatenyo at lahat ng biktima ang pakikiisa upang ilantad, singilin at panagutin ang mga berdugong militar, pulis at CAFGU.
Nananawagan din ang PKM-Masbate, sa mga upisyal ng barangay Cabangbalan, na gumawa ng mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan at matulungan ang kanilang mga nasasakupan laban sa mga iwinawasiwas na karahasan ng militar. Ganun din sa lahat ng mga organisasyon na nagtataguyod sa karapatang pantao na imbestigahan ang patuloy na mga naitalang paglabag ng mga pwersa ng reaksyong estado sa Masbate. Gawin ang mga nararapat na hakbang upang matulungan ang mga biktima at mapanagot ang mga kriminal na militar at lahat ng kasabwat nito.
Higit sa lahat, kundenahin at singilin ang pangulong Bongbong Marcos Jr sa pagpapailalim sa kanayunan sa batas militar. At sa pagbibigay pahintulot sa sandatahang lakas ng estado upang supilin ang karapatan ng mamamayan.