Labanan ang mga kontra-magsasakang pakana ng CARP, at imperyalistang banta sa karapatan ng magsasaka sa lupa
Ika-38 na anibersaryo ng bangkaroteng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ngayong Hunyo 10, ngunit malinaw sa masang magsasaka sa bansa na hungkag ito, hindi nagtaguyod ng kanilang makauring interes, bagkus, instrumento ng papet na estado ng imperyalismong US sa isang malapyudal at malakolonyal na lipunan, para dambungin ang lupa, produkto, yamang mineral, enerhiya at katubigan, at iba pang mahuhuthutan ng higanteng tubo ng mga imperyalistang monopolyo kapitalista, malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa. Ang CARP, Presidential Decree 27 o ang pekeng repormang agraryo ng diktaduryang Marcos, at iba pang kontra-magsasakang batas at programa ay pawang pagpepreserba sa pangingibabaw ng imperyalismo sa lokal na pyudalismo o malawakang kawalan ng lupa ng magsasakang Pilipino. Kaakibat ng sistemang ito, hindi nito kinikilala ang pambansang kalayaan at demokrasya ng sambayanang Pilipino, o kalayaang magpatupad ng mga pundamental na reporma sa lipunan; itinuturing ang mga magsasaka at mamamayan bilang alipin sa isang malakolonya, at hindi kinikilala ang demokratikong karapatan; at ang umaaktong estado o rehimen ay pawang papet ng imperyalistang kapangyarihan. Samakatuwid, dapat ipalaganap ng mga rebolusyonaryong magsasaka sa ilalim ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-National Democratic Front (PKM-NDF), na ang mga malalaking panginoong maylupa ang numero unong kaaway ng masang magsasaka, at imperyalismong US ng sambayanang Pilipino, dahil sa kasaysayan, ang mga ito ang pangunahing kontra sa pagsusulong ng mga magsasaka at sambayanang Pilipino ng reporma sa lupa sa bansa, at itinuturing nitong ang kalupaan at likas na yaman ay huthutan lamang nito ng surplas na produkto at gahiganteng tubo. Dahil gagap ito ng mga rebolusyonaryong magsasaka sa bansa, malinaw na hindi CARP o anumang pakana ng papet na estado ang magpapamahagi ng lupa, kundi ang pagsusulong ng Demokratikong Rebolusyong Bayan, na sentrong demokratikong programa rito ang Rebolusyong Agraryo.
Mismong masang magsasaka ang nagdeklara na bangkarote ang CARP dahil ito ang pinagbatayan ng pagpapalayas sa kanila, pag-kumbert sa gamit ng lupa dahil sa sangkatutak na probisyong eksempsyon, pagkawala ng kontrol sa pagtutulak ng mga agri-business venture arrangement (AVA), at ngayon ay binibiyak pa mismo ng Department of Agrarian Reform ang mga collective certificate of land ownership awards (CLOA) para madali itong dambungin ng mga imperyalistang monopolyo kapitalista at mga lokal na naghaharing uri. Nananatiling adhikain ng mga magsasaka na manatili sa lupa, bungkalin ito at gawing produktibo para may pagkunan ng pagkain at kabuhayan, wala mang ligal na batayan sa loob ng papet at reaksyunaryong sistema. Hindi sumusuko ang mga masang magsasaka sa mga pakanang gamit ang mga bulok na batas at programa, bagkus, nakikipaglaban, sama-samang kumikilos, ipinagtatanggol ang kanilang pusisyon sa lupa. Malinaw sa kanila ang kasaysayan at hustisya, na ilang henerasyon ng kanilang mga ninuno ang nagbungkal at nagpayaman sa mga sakahan, na sila ang dapat magmay-ari ng lupa, at kahit pa sinaklaw ito ng mga pekeng batas sa repormang agraryo, ay matagal na nilang nabayaran ang mga kompensasyon, amortisasyon at iba pang di-makatwirang singil, sa tagal ng kanilang pagbabayad ng buwis sa lupa na pinakinabangan ng parasitikong panginoong maylupa at papet na estado.
Deka-dekada ang paggamit ng imperyalismo at mga naghaharing uri sa CARP at PD 27, at isang kabalintunaan na hanggang ngayon ay hindi pa tapos ang tinuring nitong “target” na ipamahagi umano sa mga farmer-beneficiaries. Sa ilang beses na extension ng CARP mula 1998 tungong 2008, 2009 tungong 2014, nang mag-expire ito noong Hunyo 2014, ay may balanse pa ring 600,000 na ektaryang saklawin, at ngayong taon, may backlog pa rin na 700,000 ektarya. Isang malaking panlilinlang ang tinuturing ng papet na estado na “accomplishment” ng CARP at PD 27, dahil hanggang ngayon nga ay ipinaglalaban pa ng mga magsasaka na mapasakanila ang lupa, sa kabila ng “fully paid” na ang mga certificate of land transfer (CLT), hindi pa nakukuha ang mga emancipation patent (EP), at kinamkam na, kinakamkam at pinapalayas ang mga farmer-beneficiaries, ng karaniwang mga proyekto ng mga malalaking burgesya kumprador, kakutsaba ang mga imperyalistang monopolyo kapitalista at mga lokal na panginoong maylupa.
Partikular sa papet na rehimeng US-Marcos Jr., ang mga pakana nito ay maisasalarawan bilang imperyalista: pawang panlilinlang, at pagbubuslo sa lupa sa interes ng imperyalistang monopolyo kapitalista at malalaking burgesya kumprador. Pinupuspos nito ang Support to Parcelization of Lands for Individual Titling o SPLIT, na dikta mismo ng World Bank. Target nitong basagin ang komunal na kontrol ng mga magsasaka sa pamamagitan ng collective CLOA, upang mas madaling dambungin ng mga nabanggit na naghaharing uri. Psywar, malawakang panlilinlang o mass deception naman ang National Agrarian Emancipation Act na nagbura umano sa mga balanseng utang sa amortisasyon ng mga farmer-beneficiaries, samantalang, nakaabang na ang pandarambong sa lupa, nanatili ang mga kasong agraryo na nakabatay sa amortisasyon at petisyong kanselasyon ng mga panginoong maylupa, at pinakamalala, ultimo ang mga kanseladong CLT, CLOA, at EP ay sinaklaw nito at walang silbi para palakasin ang karapatan ng mga magsasaka sa lupa, at lumalabas na pabalat-bunga o pagmamayabang lamang ng papet na rehimen.
Isang malaking usapin ngayon ang pagtutulak ng papet na rehimen sa mga imperyalistang proyektong enerhiya o “renewable energy” na kakamkam sa halos 3 milyong ektaryang lupa, na sasagasa sa mahigit 6 milyong ektaryang sakahan at 12 milyong ektaryang lupang agrikultural. Dapat todong ilantad ito ng mga rebolusyonaryong magsasaka dahil ito ay bubunga sa malawakang pangangamkam ng lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka, bukod pa sa epekto nito sa kalikasan. Nakita na natin ang mga naisagawang proyektong solar at wind projects na, tulad ng Calatagan Solar Farm na 140 ektarya, at ang plano ng Meralco na MTerra Solar Project sa Nueva Ecija at Bulacan na 3,500 ektarya. Ang abereyds na lupang sasaklawin kada Gigawatt ng mga planong solar project ay 3,601 ektarya, at ang wind ay halos 29,000 ektarya. Tinutulak ng papet na rehimen na tadtarin ang kanayunan ng mahigit 27,000 solar farm, habang ang baybaying-dagat ng 16,600 onshore wind project. Samakatuwid, ang pinanlilinlang ng papet na estado na accomplishment umano na sinaklaw ng CARP na 4.8 milyong ektarya, ay may malaking bahaging kakamkamin naman ng mga imperyalistang proyektong itinutulak ng papet na rehimeng US-Marcos Jr.
Dinanas rin ng masang magsasaka, at dapat ipatimo sa malawak na mamamamayan, na ang kasulukuyan at nagdaang rehimeng pasistang rehimeng Duterte, ay ni pabalat-bunga ay walang ipinatupad na bagong programa para sa repormang agraryo, kasunod ng pag-expire ng CARP noong Hunyo 2014. Nangangahulugan lamang nito, na walang plano ang papet na estado na magdagdag pa ng farmer-beneficiaries kahit pa sa pekeng programa, at ito ay lantarang pag-amin ng pagkundena sa magsasakang Pilipino sa kawalang lupa, hindi na lalawak ang saklaw ng repormang agraryo, at sa kadulu-duluhan ay mapapasakamay ang mga lupa sa mga imperyalistang monopolyo kapitalista, malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa.
Dapat lamanin ng gawaing propaganda-edukasyon ng lahat ng balangay ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid, na ang CARP ay isa lamang na instrumento ng papet na estado ng imperyalismong US, hindi nito ipagtatanggol ang karapatan sa lupa ng mga magsasaka; at ang pangmatagalang plano partikular ng papet na rehimeng US-Marcos Jr., at susunod na papet rito ay palayasin ang mga magsasaka sa lupang matagal nang binubungkal, para dambungin ng mga imperyalistang monopolyo kapitalista at malalaking burgesya kumprador.
Sa pagharap ng malaking bantang ito, dapat lamang palakasin ng PKM-NDF ang lahat ng balangay sa bansa, para isulong ang Rebolusyong Agraryo at Demokratikong Rebolusyong Bayan. Rebolusyonaryong kasaysayan na ang nagturo sa masang magsasaka at mga rebolusyonaryong pwersa, na mas naipagtatanggol ang karapatan sa lupa ng mga magsasaka, sa mga larangang may malakas na Bagong Hukbong Bayan, kumpara sa eryang hindi nito nakikilusan. Susi ang walang patlang na gawaing masa para sa puspusang rekoberi at ekspansyon, pagpapataas ng ahitasyon at kamulatan ng masang magsasaka, pag-oorganisa sa kanila sa mga grupong pang-organisa at pagbubuo ng mga ganap na samahang masa, at pakikipag-kapit-bisig sa mga batayang sektor at malawak na mamamamayan para mabuo ang malawak na kilusang masa. Dapat mapatimo ang makauri at materyalistang paglulunsad ng kampanyang masa, tulad ng pagbaka sa mga pakana (panlilinlang, psywar, blackprop, mga pangako) ng papet na estado, at direktang paglaban sa mga pangangamkam ng lupa at pagpapalayas. Walang halaga ng pakikipag-diyalogo o pagmamakaawa sa papet na estado ang makapagreresulta ng pagtatanggol sa karapatan sa lupa ng mga magsasaka.
Pinakamataas na porma ng paglaban ng masang magsasaka ang mismong pagtangan ng armas. Hindi CLT, CLOA at EP ang magpapamahagi ng lupa sa mga magsasaka kundi ang Rebolusyong Agraryo, kasabayan ng Armadong Pakikibaka, at pagkokonsolida at pagpapalawak ng baseng masa. Kapag napalakas ang BHB sa mga larangan, sa mga site ng mga imperyalistang proyekto, sa mga sakahang kinakamkam at pinapalayas ang mga magsasaka, hakbang-hakbang na madudurog ang kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomiya ng papet na estado ng imperyalismong US. Ito ang yugto ng pagsasapraktika ng tunay na kalayaan ng sambayanan, na sa pangmatagalan ay pundasyon ng pambansa-demokratiko at malayang lipunan. Dapat maingat ang kamulatan ng masang magsasaka at mamamayan, na ang papet na estado ay nakapaghahari lamang dahil sa suporta ng imperyalismong US at hindi dahil sa suporta ng mamamayan. Wala ring antas ng imperyalista at papet na paghahari ang kayang gumapi sa paglaban ng malawak at konsolidadong kilusang masang anti-pyudal, anti-imperyalista at anti-pasista, at nasaksihan natin ito sa mahigit limang dekadang pagsusulong ng Demokratikong Rebolusyong Bayan na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas.
Nananatiling tungkulin ng PKM, na palakasin ang mga rebolusyonaryong larangan, i-rekober at palawakin ang mga ganap na samahang masa, buuin ang mga libu-libong grupong pang-organisa, at masikhay na ilunsad ang mga kampanyang masang anti-pyudal, anti-pasista at anti-imperyalista; at libu-libo ring pasampahin sa Bagong Hukbong Bayan ang masang kasapian. Aral na sa kilusang magbubukid na malawakan ang pag ng masang magsasaka kung ito ay patungkol sa pagsusulong at pagtatanggol ng karapatan sa lupa, at pangunahing pwersa sa pagsusulong ng Demokratikong Rebolusyong Bayan na may sosyalistang perspektiba, ang magsasakang Pilipino.
Ibagsak ang Papet na Rehimeng US-Marcos Jr.!
Pyudalismo, Imperyalismo at Burukrata Kapitalismo, Ibagsak!
Palakasin ang mga Rebolusyonaryong Larangan sa Buong Bansa!
Isulong ang Rebolusyong Agraryo at Demokratikong Rebolusyong Bayan!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!