Labanan ang panghahalihaw ng salot at pasistang 85th IB sa Quezon!

,

Lalong ginagalit ng pasistang 85th IB ang mamamayan ng Quezon sa patuloy nitong paglulunsad ng focused military operations (FMO) at retooled community support program (RCSP) sa anyo ng mga “sensus” at paulit-ulit na pagpapatawag sa kampo ng mga pinaghihinalaan nitong tagasuporta ng NPA. Ang walang tigil na pagpapahirap ng militar sa masang magsasaka ang siyang dahilan kaya dumarami at patuloy na lumalakas ang NPA sa kabila ng pinatitinding kontra-rebolusyonaryong gera ng estado.

Matinding perwisyo sa kabuhayan at takot ang hatid ng araw-araw na operasyon ng 85th IB sa Lopez, Gumaca, Buenavista at Macalelon. Gamit ang isang kumpanyang lakas-tauhan, sinaklaw ng 85th IB ang halos 20 barangay sa apat na bayan ng Timog Quezon noong nakaraang buwan.

Sa laos na pamamaraang “sensus,” nagbabahay-bahay ang pinakamababang bilang ng 12 tropa ng militar at naghahasik ng teror sa mga baryo. Humihimpil sila sa mga pampublikong gusali tulad ng mga public school at bahay nayon na labag sa mga pandaigdigang makataong batas sa digmaan. Ginagalugad nila ang mga bukirin nang walang konsiderasyon sa pananim ng mga magsasaka. Hindi na makapaghanapbuhay nang matiwasay ang mga magsasaka dahil napipilitan ang mga itong sumailalim sa mga walang kapararakang interogasyon sa takot na lalo silang pag-initan ng mga militar kung tatanggi sa patawag.

Tampok sa panliligalig ng mga pasista ang kampanyang pagpapasuko sa Wasay Ibaba, Buenavista noong huling linggo ng Setyembre. Tinipon nila ang mga kasapi ng lehitimong organisasyon ng mga magsasaka na Coconut Levy Funds Ibalik sa Amin (CLAIM) at iprinesinta ang mga ito bilang mga sumukong kasapi ng NPA. Nagpalaganap pa ang militar ng pekeng balita na may nahuli silang kumander ng NPA Quezon. Walang kwentang pagyayabang ito para pagtakpan ang katotohanang bigo ang magastos at marahas na kampanyang panunupil para durugin ang yunit ng NPA sa probinsya.

Sa ngayon, may 51 kampo militar sa Timog Quezon at Bondoc Peninsula. Nakaamba namang tumindi pa ang operasyon ng 85th IB sa Atimonan at Agdangan oras na maitayo ang planong bagong kampo militar doon.

Sa balangkas ng hibang na ambisyong ubusin ang NPA sa probinsya ng Quezon ay nagpapakana ang 85th IB na paramihin pa ang mga kampo rito. Tiyak na mahihirapan ang pasistang tropa na isakatuparan ito lalo’t mahigpit ang pagtutol ng mamamayan sa kanilang pagkakampo. Kinasusuklaman ng masang magsasaka ang mga bastos at walang-galang at abusadong mga sundalo kung kaya’t ilang beses na nilang pinalayas ang mga ito sa kanilang mga baryo.

Nagpupugay ang Melito Glor Command NPA ST sa mamamayan ng Quezon sa patuloy nilang pakikibaka para sa kanilang karapatan sa kabila ng hagupit ng pasismo ng estado. Asahan nilang magpupunyagi ang Apolonio Mendoza Command-NPA Quezon para tugunan ang kanilang hinaing laban sa mga abusadong sundalo at bigyan ng hustisya ang mga biktima ng AFP.

Nananawagan ang rebolusyonaryong kilusan sa mamamayan na mangahas makibaka at humawak ng sandata para labanan ang mga mapang-api’t mapagsamantala at ibagsak ang nabubulok na pasistang estado. Sinumang nasa tamang edad (18 taong gulang), may malusog na pangangatawan at pag-iisip, nasa mahusay na katayuan sa lokalidad at handang magsulong ng digmang bayan ay maaaring sumapi sa NPA.###

Labanan ang panghahalihaw ng salot at pasistang 85th IB sa Quezon!