Labanan ang rehimeng US-Marcos: Pukawin, organisahin, at pakilusin ang pinakamalawak na hanay ng mga manggagawa sa pampublikong transportasyon sa buong bansa—PSMT
Pinagtibay ng resulta ng nagdaang halalan ang pahahari ng burukrata kapitalismo, imperyalismo, at pyudalismo sa bansa, kung saan parehong nakamit ng mga kampo nina Marcos at Duterte ang mga mahahalagang puwesto sa Senado at Kongreso sa kabila ng kanilang tumitinding hidwaan.
Taliwas sa ipinagmamalaki ng mga reaksyunaryo na ang naganap na eleksyon ay repleksyon ng umiiral na demokrasya sa bansa, malinaw ang mga matitinding pandarayang naganap upang maseguro ng mga naghaharing uri ang kanilang inaasam na hati sa kapangyarihan.
Samakatuwid, ang eleksyong ito, tulad ng mga nagdaang eleksyon sa malakolonyal at malapyudal nating lipunan, ay pagpapatuloy lang ng mga neoliberal, makadayuhan, at anti-mamamayang polisiyang nagpapahirap sa samabyanang Pilipino. Para sa mga tsuper at maliliit na opereytor ng pampublikong transportasyon, nangangahulugan ito ng pagpapatuloy ng korporatisasyon ng pampublikong transportasyon sa pamamagitan ng PUV phaseout, patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dahil sa deregulasyon, at iba pang mga patakarang nakatutok sa pagkamkam ng tubo ng mga malalaking korporasyon kaysa sa pagprotekta ng mga kabuhayan at karapatan ng mga tsuper at maliliit na opereytor.
Wala tayong inaasahang makabuluhang pagbabago sa gobyernong dominado pa rin ng mga malalaking burgesya komprador at mga panginoong maylupa. Kahit ang mga pumuposturang “progresibo” ‘diumano na mga reaksyonaryong anti-Marcos at anti-Duterte gaya ng Akbayan at Liberal Party ay parehong mapagkaibigan at kasabwat ng imperyalistang US sa pagpapalaganap at pagtutulak sa PUV Modernization Program (PUVMP) at Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA).
Ang anumang resulta ng halalan na pinaandar ng malawakang disimpormasyon, bilihan ng boto, at red-tagging ay hindi kailanman sumasalamin sa tunay na pananaw at paninindigan ng masa. Para sa mga manggagawa sa transportasyon, ang manipulasyong ito ay tahasang ginagamit ng mga naghaharing uri upang ilihis ang ating atensyon sa tunay na mga isyu: mataas na presyo ng langis, kawalan ng seguridad sa hanapbuhay, mababang kita, at matitinding atake sa ating mga demokratikong karapatan. Ang eleksyong kontrolado ng mga naghaharing uri ay hindi kailanman magre-resolba sa mga naturang isyu. Ang tunay na solusyon dito, at sa lahat ng nararanasan nating kahirapan, ay tanging sa armadong rebolusyon lang makakamit.
Samantalhin natin ang mga nagaganap na tunggalian sa pagitan ng mga naghaharing uri. Habang nagtutunggalian sila sa kung sino ang makakakuha ng pinakamalaking hati sa rekurso at kapangyarin, lalong lumalaki ang galit ng masa. At ang pagpapabaya ng reaksyonaryong gobyerno sa mga kahingian at interes ng taumbayan ang magsisilbing panggatong sa pagpapasiklab ng rebolusyonaryong kilusan para sa ganap na pambansang paglaya.
Sa ganitong diwa, malaki ang pangangailangan nating umugat nang mas malalim sa masa upang hikayatin ang malaki at malawak na hanay ng mga manggagawa sa pampublikong transportasyon na mamulat, maorganisa, at mapakilos sa PSMT, yakapin ang demokratikong rebolusyong bayan, kilalanin ang pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas upang labanan sa imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo sa lahat ng larangan: sa terminal, komunidad, lansangan, at higit sa lahat, sa kanayunan bilang mga Pulang Mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.