Pahayag

Labing-apat na kaswalti sa hanay ng militar sa magkakasunod na kontra-kubkob sa bayan ng Uson at Baleno

,

Pito ang patay habang pito ang sugatan sa hanay ng militar matapos makontra ng Hukbo ang tangkang pagkubkob ng mga militar sa magkakasunod na labanan sa mga bayan ng Uson at Baleno noong ikatlong linggo ng Nobyembre 2024.

Sa labanang naganap sa Sityo Pile, Barangay San Jose, bayan ng Uson noong Nobyembre 22, napaghandaan ng Hukbo ang paparating na mga tropa ng 2nd Infantry Batallion Phil. Army at sa gayo’y aktibong naidepensa ang sarili. Taliwas sa ipinapakalat ng militar na umabot ng 20 minuto ang labanan, tumagal lamang ng limang minuto ang putukan dahil nagsipagtakbuhan sa takot ang mga militar matapos paputukan ng Hukbo. Nasaksihan ng mga residente ang pagkarga sa kalabaw sa ilang mga bangkay ng mga napaslang na militar.

Hamon sa BHB-Masbate na samantalahin ang inisyatibang nakakamit sa mga kontra-kubkob sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba upang higit pang paduguin ang militar at masamsam ang kanilang armas.

Habang bundat sa kurakot ang kanilang mga upisyal, demoralisasyon at trauma sa mga karaniwang sundalo ang idinudulot ng hibang na tangka ng rehimeng US-Marcos na tapusin ang armadong pakikibaka bago matapos ang taong 2024. Dahil nagsundalo lamang para sa sweldo, marami sa mga sundalong ito ay walang diwang makabayan at hindi handa sa sakripisyo at kahirapan.

Marami ang ayaw nang sumama sa mga operasyon sa takot na mapasabugan ng command detonated explosive. Marami rin ang hindi mapatahimik ng kanilang konsensya sa pagpatay sa mga inosenteng sibilyan para lamang palabasing nagtatagumpay ang tiwaling kampanyang kontrainsurhensya ng kanilang mga upisyal. Mas marami ang nawalan na ng konsensya at naging asal-halimaw dahil sabog sa droga at nalulong na sa bulok, dekadente at makahayop na kultura sa loob ng AFP.

Masahol, sa halip na bigyang parangal, itinatago ng militar ang kanilang mga kaswalti dahil sa kahihiyan. Tanda ito nang kawalang respeto ng AFP sa buhay ng kanilang mga kawal at mga pamilya nito.

Samantala, nais ilinaw ng Jose Rapsing Command-BHB Masbate na kasinungalingan ang paratang ng 96th Infantry Batallion-Phil. Army na pinabayaan ng kasamang mga Hukbo ang isang nagngangalang “Ka Leon” sa isa pang naganap na labanan sa Brangay Cancahorao, bayan ng Baleno noong Nobyembre 20. Napahiwalay sa atrasan ang naturang kasama at nakaabot sa ruta kung saan naroroon ang mga militar. Sa katunayan, nangangamba kami para sa buhay ni Ka Leon. Ang pakitang-taong pagligtas sa buhay ni Ka Leon ay para lamang palabasing makatao ang mga militar. Lalong nanganganib ang buhay ni Ka Leon sa kamay ng mga militar.

Nananawagan ang JRC-BHB Masbate sa mga yunit ng Hukbo sa prubinsya na panatilihin ang mataas na alerto sa harap ng desperadong tangka ng AFP na magkaroon ng accomplishment bago matapos ang taong 2024. Dapat samantalahin ng mga yunit ng NPA-Masbate lahat ng oras at pagkakataon para iabante ang mga rebolusyonaryong gawain, laluna ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba upang biguin ang utos ni Marcos Jr. na tapusin ang armadong pakikibaka ngayong taong 2024.

Labing-apat na kaswalti sa hanay ng militar sa magkakasunod na kontra-kubkob sa bayan ng Uson at Baleno