Pahayag

Lalong inuudyukan ng marahas na MO32 ang masang Bikolano na humawak ng armas

Dahil sa mga patakarang tulad ng MO 32, ibayong sumahol ang kalagayan ng karapatang tao sa Kabikulan. Mula nang ipatupad ito noong Nobyembre 2018, isang Bikolano kada linggo ang pinapaslang ng mga elemento ng AFP-PNP. Ngunit nagkakamali ang mga pasista kung inaakala nilang ito ang maghahatid sa kanila sa tagumpay. Ipinatupad nila ang naturang batas upang limasan ng tubig na malalanguyan ang mga rebolusyonaryo. Ngunit sa halip, itinulak lamang nila ang pagluwal ng mas maraming rebolusyonaryong lumalangoy sa mas malalim na tubig.

Lalo lamang mabilis na pinakikipot ng karahasan at terorismo ng estado ang puwang para sa karapatan at kalayaan ng mamamayan sa kasalukuyang sistema. Kitang-kita ng masa paano walang awang pinagbobobomba ang kanilang mga komunidad, pinagpapatay ang kanilang mga kamag-anak, pinalayas ang kanilang mga pamilya. Kung kaya, lalong nagiging malinaw sa kanila ang pagkakaiba ng patakaran sa pamamaslang ng reaksyunaryong estado at ang makatarungang paglaban dito ng rebolusyonaryong kilusan. Sa pag-igting ng mga atake ng estado sa sambayanan, lalong umaalingasaw ang kabulukan nito at ibayong nauudyukan ang nakararaming maghanap ng masasandigang depensa. At ang pinakamalakas na sandata upang maipagtanggol ang kanilang buhay, karapatan at kabuhayan ay natagpuan nila sa pakikidigma.

Hindi demoralisasyon ang idinulot kundi ibayong giting at tapang ang ibinunga ng MO 32 sa hanay ng mga rebolusyonaryo. Lalong nagiging mahigpit ang kanilang pagtangan sa kawastuhan ng kanilang ipinaglalaban na interes ng nakararami. Sa araw-araw na pagiging saksi sa epekto ng MO 32 sa buhay ng kanilang kapwa maralita, ibayong napapaypayan ang lagablab ng diwa ng pakikidigma sa puso ng bawat isang Pulang mandirigma at kumander sa buong Bikol. Higit na naitutulak silang mga tapat na lingkod ng bayan na maging mapanlikha at masigasig sa pagtupad sa kanilang mga kagyat na rebolusyonaryong gawain. Ibayong naging mahalaga para sa mga rebolusyonaryo ang pagpapataas ng kanilang kakayahan sa syensya ng pakikidigmang gerilya, pagpapahusay ng kanilang kakayahan sa pag-oorganisa at pagpapakilos at pagpapalalim ng kanilang pang-ideolohiyang kamulatan.

Natapos na lamang ang panunungkulan ni Duterte, ang tiranong nagpataw ng MO 32, ngunit hindi pa rin nagmamaliw ang lakas at tatag ng rebolusyonaryong kilusan sa Bikol at iba pang bahagi ng bansa. Higit na nagiging matingkad ang katotohanang ang demokratikong rebolusyong bayan ay imposibleng magapi o mawakasan. Dadaloy at dadaloy ito sa puso ng bawat isa hanggat mayroong pang-aapi at pagsasamantala.

Lalong inuudyukan ng marahas na MO32 ang masang Bikolano na humawak ng armas