Sa ika-79 taon ng Military Bases Agreement ng US sa Pilipinas, Lansagin ang mga base at palayasin ang tropang militar ng US!
Sa ika-79 na taon ng paggunita sa base militar ng US sa Pilipinas, dapat papag-alabin ng sambayanang Pilipino ang apoy ng paglaban sa imperyalismo para sa pambansang pagpapalaya, demokrasya at sosyalismo. Tinatawagan namin, ang buong rebolusyonaryong kilusan ng Timog Katagalugan at buong bansa na pag-ibayuhin ang pakikibaka laban sa imperyalismo US upang wakasan ang krisis na inihahambalos nito sa mamamayang Pilipino, laluna sa masang anakpawis. Kamatayan sa imperyalismo!
Noong Marso 14, 1947 pinirmahan ng noo’y pangulo ng papet na republika na si Manuel Roxas ang Military Bases Agreement sa US. Nagsilbi itong isa sa panandang-bato sa pagtiyak ng patuloy na paghahari ng US sa Pilipinas at pagsilbihin sa hegemonya nito sa Asya matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig. Pinahintulutan ng kasunduang ito ang tropang US na gamitin ang 65,000 ektaryang lupang agrikultural at lupaing ninuno bilang base militar—imbakan ng kagamitan kabilang ang armas nukleyar, base ng mga sundalong Amerikano at mga operasyon nito sa Asya-Pasipiko.
Pinalayas ng mga baseng ito ang komu-komunidad ng mga residente kabilang ang katutubong mamamayan sa kanilang lupang panirikan, naipundar na kabuhayan at lupang ninuno. Nagpalaganap ito ng prostitusyon at paglapastangan at pagyurak sa karapatan ng mga kababaihan at bata habang nag-iwan ng sandamakmak na lasong basura. Pinakamalala ang naiulat na kontaminasyon sa Subic Bay kung saan nakapwesto ang Subic Naval Base na noo’y pinakamalaking base ng US sa buong Asia. Ang masaklap, walang naging pananagutan ang US ni pagbabayad ng danyos sa bansa at sa mga naging biktima nito.
Higit itong pinatibay ng Mutual Defense Treaty noong 1951 na sya namang nagtali sa Pilipinas sa mga patakarang panlabas ng US. Malaya at walang-limitasyon nitong ginamit at pinatakbo ang 16 base militar nito sa bansa. Mula rin noon, palagi nang nakakaladkad ang Pilipinas sa mga gera ng US—sa Korea, Vietnam, hanggang sa Middle East.
Sa panahon ng Persian Gulf War noong 1990-91, nagsilbing mahalagang base ang Pilipinas sa operasyon ng mga tropa ng US laban sa Iraq. Ang Subic Naval Base, Clark Air Base at Naval Base Manila ay naging mga krusyal na poste ng suportang pang-operasyon, lohistika, tauhan at staging area para sa US. Ang Subic Naval Base ang naging repair and logistics center ng 7th fleet ng US Navy.
Sa ilang dekadang pakikibaka ng sambayanan para palayasin ang mga tropa at baseng militar ng US sa bansa, napawalambisa ang MBA at hindi na pinahintulutang palawigin pa noong Setyembre 16, 1991. Ang matapang na aktong ito ay nakamit dahil sa lakas ng pagkilos ng sambayanan katuwang ang mga makabayang senador tulad nina Wigberto Tañada, Rene Saguisag at Pepe Diokno sa kabila ng mariing pagtutol ng noo’y presidente ng papet na estado na si Corazon Aquino.
Sa kabila ng pagkakabasura sa kasunduan sa base militar, patuloy namang umiral ang MDT habang malakas pang nakakapangibabaw ang kontrol at kapangyarihan ng US sa pulitika, ekonomya, militar, kultura at ugnayang panlabas ng bansa. Sa panahon ng rehimeng US-Noynoy Aquino, pinirmahan ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) noong 2014 na nagpahintulot sa muling pagbabalik-base militar ng US sa limang tinukoy na lokasyon sa bansa. Bago pa ito, pinirmahan ng rehimeng Estrada ang Visiting Forces Agreement (1999) na nag-institusyunalisa sa pamamalagi ng mga tropang militar ng US sa panahon ng mga ehersisyong militar. Nitong 2023 naman, muling pinagtibay ng Bilateral Defense Guidelines ang MDT at pinalawak ang mga EDCA sites mula lima tungong siyam sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II. Ang mga ito ang Antonio Bautista Air Base (Palawan), Basa Air Base (Pampanga), Benito Ebuen Air Base (Cebu), Fort Magsaysay (Nueva Ecija), Lumbia Airport (Cagayan de Oro), Balabac Island (Palawan), Camp Melchor Dela Cruz (Gamu, Isabela), Lal-lo Airport (Lal-lo, Cagayan), at Naval Base Camilo Osias (Santa Ana, Cagayan).
Sa gitna ng umiigting na tensyon sa West Philippine Sea at tuluy-tuloy na paghahanda ng US para gerahin ang China, ipinaloob nito ang bansa sa archipelagic defense strategy nito noong 2024. Nilaman ng estratehiyang ito ang pagpapalakas ng presensya at kahandaang militar sa rehiyon sa pamamagitan ng paglalatag ng sistema ng mga misayl at kanyon sa first island Chain—Japan, South Korea, Pilipinas. Kaakibat ito ng iba’t ibang kasunduang militar na pinasok ng US sa balangkas ng Indo-Pacific Strategy para palibutan ang China. Nagtutuluy-tuloy ang mga aktibidad-militar ng US sa bansa habang abala sa panggegera sa iba pang mga bansa sa daigdig.
Sa gitna ng tumatagal na gera ng pasistang kutsabahang US-Israel laban sa Iran at tumitinding tensyon sa Indo-Pacific, makatwiran ang pangamba ng mga Pilipino na makaladkad sa gera dahil sa presensya ng mga base at tropang militar ng US sa bansa. Lalong tiyak ito kapag pumutok na ang gera ng US laban sa China. Pangitang-pangita ang epekto sa mga mamamayan sa mga bansa sa gitnang silangan na mayroong mga base at pasilidad militar ng US matapos na maglunsad ng kontra-atake ang Iran upang idepensa ang sarili laban sa pang-aaatake ng US-Israel. Pahimakas ito ng maaaring sapitin ng Pilipinas sa mga susunod na panahon.
Kailangang magkaisa ang buong bayan para tutulan at idiskaril ang lahat ng pakana ng US sa ibayong pagpapalawak ng mga base at pagpaparami ng istak ng mga kagamitang militar sa bansa. Kailangang ilantad ang pataksil na pagpupwesto ng imperyalismong US at pagpapagana ng mga ahente nito sa Pilipinas kagaya nina Philippine Coast Guard Spokesperson Commodore Jay Tarriela, AFP chief-of-staff Romeo Brawner, Senator Risa Hontiveros at mga katulad sa mga tirada laban sa China habang tahimik sa nagpapatuloy na presensyang militar ng US sa loob mismo ng bansa. Kasabay ng paglaban sa imperyalistang US, dapat ipanawagan ang demilitarisasyon sa West Philippine Sea (WPS) at isulong ang paglansag sa lahat ng base militar at pasilidad ng China na nasa WPS.
Dapat ipaglaban ng sambayanan ang kagyat na makabayang kahingian ng pagbabasura ng MDT, EDCA, VFA at lahat ng hindi pantay na kasunduang militar sa US. Isulong ang paglalansag sa mga base at pasilidad militar ng US sa bansa kasabay na palayasin ang lahat ng tropang US at iba pang alyado nito sa lupain at karagatan ng Pilipinas.
Kasabay nito, dapat makiisa ang rebolusyonaryong kilusan sa TK at buong bansa sa lahat ng mga mamamayan at rebolusyonaryong kilusan sa daigdig na lumalaban sa imperyalistang mga gera ng US. Humahantong ang mga ito sa walang-kaparis na kahirapan at karahasan hanggang sa panganib na pagkalipol ng lahi at malaking populasyon ng mamamayan laluna sa Palestine, Iran, Ukraine hanggang sa iba pang bahagi ng daigdig. Tulad sa Pilipinas, dapat nilang isulong ang mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya, demokrasya at sosyalismo sa kani-kanilang mga bansa para unti-unting pahinain ang saklot ng imperyalismo hanggang sa magapi ito.