LDGC binigo ang atake ng 203rd Brigade, 2nd ID sa araw ng pagdiriwang ng ika-57 anibersaryo ng NPA sa Occidental Mindoro
LDGC binigo ang atake ng 203rd Brigade, 2nd ID sa araw ng pagdiriwang ng ika57 anibersaryo ng NPA sa Occidental Mindoro
Magiting na lumaban sa pangalawang pagkakataon ang isang yunit ng Lucio De Guzman Command, NPA-Mindoro laban sa pagsalakay ng mga pasistang tropa ng 68th Infantry Battalion sa Sitio Salafay, Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro, noong ika-29 ng Marso 2026. Nag-uumapaw na katapangan ang ipinamalas ng yunit laban sa mga pasistang tropa ng 68th IB na perwisyo sa mamamayan ng San Jose at Rizal, Occidental Mindoro dahil sa tuloy-tuloy na operasyon na isinasagawa nito sa naturang mga bayan.
Sa unang engkwentro na naganap noong ika-24 ng Marso sa Sitio Danlog, Barangay Monteclaro, kumpirmadong nagtamo ang umaatakeng sundalo ng kaswalti na tatlong napatay (killed in action o KIA) habang dalawa 2 naman ang sugatan (WIA) sa mga elemento ng 68th IB. Ligtas na nakaatras ang buong yunit ng LDGC na may dalawang kasamang nagtamo ng galos.
Sa ikalawang labanan na naganap makalipas ang limang araw (March 29), napatay ang isang opisyal na si Army 1st Lt. Dean Buen Oyando mula sa 68th IBPA at nasugatan ang dalawa pa.
Sa kanilang desperasyon bunga ng natamong pinsala at pagkabigo, hinuli ng pasistang 68th IBPA ang sibilyang kabataan na si Charlize Garzon o Ceeka sa mga kaibigan at kamag-anak. Isa siyang pangkulturang aktibista na nagtapos ng AB Arts Management sa De La Salle College of Saint Benilde, iskolar ng St. Mutien Marie Wiaux at ginawaran ng karangalang Magna Cum Laude sa kanyang pagtatapos. Nagboluntaryo siya sa isang programa ng ALS sa mga mahihirap na komunidad sa NCR at dito ibinuhos ang kanyang dedikasyon bilang pangkulturang aktibista. Ang kanyang marubdob na adbokasiyang dalhin ang sining at kultura sa mga kapos-palad at hindi nakapag-aral ang nagdala sa kanya sa Mindoro upang aralin ang progresibong aspeto ng kultura ng mga katutubong Mangyan.
Pinatunayan sa rekord ng pasistang Armed Forces of the Philippines ang kanilang paglabag sa mga batas ng digma tulad ng iligal na detensyon, pagsampa ng gawa-gawang kaso, pang-aabuso, at pagtotortyur sa kanilang mga nahuli. Nararapat na palayain ang nadakip na sibilyan at tutulan ang nakaambang pagsampa ng mga gawa-gawang kaso ng papet na estado sa kanya.
Taliwas sa ipinapamarali ng 2nd ID na humihina na diumano ang Bagong Hukbong Bayan, pinatutunayan ng naganap na mga labanan sa Mindoro ang nagpapatuloy na pagsulong at paglakas ng rebolusyonaryong kilusan sa isla ng Mindoro. Ang kahirapan at pagsasamantala kasabay ng pang-aabuso’t kaapihan ang gasolinang gumagatong upang maghimagsik ang mga Mindoreño at patuloy na nag-aambag sa paglakas ng rebolusyon sa isla, Hindi na nila matiis ang kahirapang hatid ng mga mapagsamantala at mapang-aping uring panginoong maylupa, burgesya komprador at garapalang katiwalian ng mga burukrata kapitalistang pinangungunahan nina Marcos at Duterte. Ito ang ugat ng nagpapatuloy at lumalakas na digmang bayan sa isla at sa buong bansa. Paghahanap ng panlipunang hustisya ang dahilan kung bakit patuloy na kumikilos ang masang Mindoreño para sa rebolusyon.
Hindi pinapahina bagkus mas pinatitindi pa ang galit ng mamamayang Mindoreño dulot ng kabi-kabilang paglabag ng AFP sa karapatang-tao ng mga magsasaka at katutubong Mangyan. Hungkag at walang-saysay ang iginigiit na ‘kapayapaan’ ng AFP sa isla ng Mindoro dahil ang mga tropang sundalo mismo ng 68th IB at iba pang batalyon sa ilalim ng 2nd ID ang nagkakalat ng ligalig at sumisira sa buhay at kabuhayan ng masang Mindoreño. Ito ang katotohanan na hindi maitatago ng rehimeng US-Marcos Jr. sa mga kabataan at mamamayan. Lalo lamang nagaganyak ang mga kabataan upang alamin ang kalagayan ng mga magsasaka at katutubong Mangyan sa Mindoro. Sa paglalahad ng tunay nilang hinaing umaani ng suporta ang pakikibaka ng mga magsasaka at katutubo para sa lupa mula sa mga kabataan na nais maunawaan ang malaking ligalig at sigalot na nagaganap sa lipunang Pilipino na dulot ng makadayuhan, anti-mamamayan at pasistang patakaran at programa ng pahirap, papet, korap at pasistang rehimeng US-Marcos Jr.
Palayain ang dinakip na si Charlize Garzon! Tutulan ang pagsampa ng gawa-gawang kaso!
Mamamayang Mindoreño, magkaisa at kumilos laban sa pasismo ng rehimeng US-Marcos Jr.!
Digmang bayan, sagot sa kahirapan!
Kabataan at mamamayan, sumapi sa New People’s Army!