Pahayag

Liberalisasyon ng Bigas dulot ng Rice Tariffication Law, Matinding Banta sa Seguridad at Soberanya sa Pagkain


Kaisa ang Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-Bikol (PKM-Bikol) sa pagkundena ng malawak na sambayanan sa matinding banta sa seguridad at soberanya sa pagkain ng Rice Tariffication Law na pinirmahan ni Duterte noong Enero 16. Matinding panganib sa kabuhayan ng magsasaka at mamamayan ang idudulot ng liberalisasyon sa bigas sa pamamagitan ng pagtatanggal ng mga quantitative restrictions o ang proteksyon sa bolyum ng bigas na maaaring iangkat ng bansa. Kapalit nito, magpapataw na lamang ng taripa o buwis sa lahat ng inaangkat na bigas sa bansa na magtataas pa ng halaga nito.

Sang-ayon ang naturang batas sa Agreement on Agriculture na pinirmahan ng Pilipinas kasabay ng iba pang mga bansa sa balangkas ng World Trade Organization (WTO) noong 1995. Itinatakda ng AOA sa WTO ang pagtatanggal sa lahat ng proteksyon sa mga produktong agrikultural ng bansa kabilang na ang bigas. Inoobliga ang bansa na buksan ang kanyang lokal na pamilihan sa pagbaha ng mga imported na kalakal at produkto.

Ang liberalisasyon ng bigas at sektor ng agrikultura sa pangkabuuan, ay lalong magbabansot sa malaon nang atrasadong agrikultura ng Pilipinas. Aasa ang reaksyunaryong gubyerno sa mga produkto ng ibang bansa habang hindi pinalalakas ang lokal na produksyon.

Una, malulugi ang mga magsasaka dahil sa pagbaha ng dayuhang bigas na higit na mababa ang presyo kaysa sa lokal na produkto. Daan-daang libong magsasaka ang mapipilitang magbenta sa napakakababang halaga sa pagpipilit na makahabol sa presyo ng inaangkat na bigas. Ang mga panggitna at mayamang magsasakang masasadlak sa kahirapan at mababaon sa utang ay mapipilitan ding ibenta ang kanilang binubungkal na lupa. Ang malalawak na palayan at lupaing agrikultural na pag-aari ng mga malalaking panginoong maylupa ay maibubukas sa kumbersyon para sa dayuhang plantasyon at iba pang pamumuhunang hindi para sa agrikultura.

Ikalawa, nananatiling kontrolado ng mga kartel sa bigas ang presyo. Sa pag-aalis sa restriksyon sa direktang pagbili ng bigas ng mga kartel, arbitraryong maitatakda ng mga kartel ang bolyum ng suplay at presyo nito sa pamilihan. Malaya silang iimbak ang biniling bigas at saka ilabas ang kanilang suplay sa panahong mataas ang presyo ng bigas sa pandaigdigang pamilihan.

Ikatlo, hindi tunay na makatutulong sa mga magsasaka ang ipinagyayabang ng gubyernong P10 bilyong Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na manggagaling umano sa taripa sa bigas. Sa ilalim din ng kasunduan sa WTO, ipinagbabawal ang direktang pagtulong ng gubyerno sa mga magsasaka. Hindi mapakikinabangan ng mga magsasaka ang RCEF na ibibigay sa porma ng pautang at walang aasahang subsidyo mula sa gubyerno. Dahil nananatiling atrasado ang agrikultura sa bansa, hindi rin kakayanin ng mga magsasakang humabol sa itinatakda ng gubyernong bolyum ng palay na dapat abutin ng lokal na produksyon upang makahabol sa kakumpetensya.

Ang Rice Tariffication Law ay bahagi ng serye ng mga neoliberal na batas na para sa interes ng dayuhang mamumuhunan at ng mga lokal na naghaharing-uri at taliwas sa kagalingan ng mga magsasaka. Ang malalawak na palayan ay murang mabibili lamang ng lokal na malalaking negosyo sa real estate tulad ng mga Villar, Sy, Consunji at Ayala at pasasasaan ng mga dayuhang agribisnes para sa produktong agrikulturang pang-export. Magdudulot ito ng malawak na kagutuman, kahirapan, kasalatan sa mamamayan at malayang magpapaubaya sa malalaking lokal at dayuhang kapital na makamkam ang masaganang taniman ng palay sa bansa.

Naninindigan ang PKM-Bikol na sa halip na itulak ang todo-largang liberalisasyon, dapat na magpatupad ng tunay na reporma sa lupa upang ganap na mapawi ang pyudalismo, suportahan ng gobyerno ang agrikultura pangunahin para sa pagkain ng mamamayan at gumawa ng mga patakaran at programang magpapaunlad sa kanayunan ng bansa katuwang ang makabayang industriyalisasyon.

Nananawagan ang PKM-Bikol at ang buong rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon na tutulan at labanan ang pahirap at mapanganib na liberalisasyon ng bigas at iba pang neoliberal na patakaran ng rehimeng US-Duterte. Nararapat na magkaisa ang hanay ng magsasaka at buong sambayanan upang ipagtanggol ang agrikultura ng bansa mula sa lokal at dayuhang pandarambong at pangangamkam.

Liberalisasyon ng Bigas dulot ng Rice Tariffication Law, Matinding Banta sa Seguridad at Soberanya sa Pagkain