Linya ng AFP na malilipol ang NPA, gasgas na; kontra-rebolusyonaryong panunupil, mabibigo

,

Nagkakalat na naman ng kasinungalingan si AFP chief-of-staff Lt. Gen. Bartolome Bacarro na malapit nang maubos ang armas, kasapian at larangang gerilya ng NPA sa bansa. Layon ng kasinungalingang ito na bigyang matwid ang pagbibigay ng malaking pondo sa militar sa harap ng tumitinding krisis panlipunan. Kahit kailan, hindi malilipol ang NPA dahil sa malalim na suportang natatamo nito sa masang anakpawis.

Ang paghahambog ni Bacarro ay bahagi ng itim na propaganda at paninirang kinakalat ng AFP at reaksyunaryong gubyerno para palabasing “nananalo” ang kanilang kontrarebolusyonaryong kampanya. Sinuhayan ito ng inilunsad na Support to Barangay Development Program (SBDP) Summit sa Clark, Pampanga noong Nobyembre 7-8 kung saan ipinagwawagwagan ng NTF-ELCAC kasabwat ng lokal na yunit ng gubyerno ang 600 “insurgency-free” barangay sa bansa. Ginawang mga tagapagsalita sa aktibidad ang ilang mga lokal na pulitiko sa rehiyon na sina Punong Barangay Marlon E. Limboc ng Brgy. Papaya, Nasugbu, Batangas; Mayor Rachel A. Ubana ng Lopez, Quezon; at Governor Eduardo B. Gadiano ng Occidental Mindoro. Matatandaang nilalaanan ng P20 milyon ang kada barangay sa ilalim ng BDP.

Hindi malilinlang ang mamamayang Pilipino sa pakana ni Bacarro at ng AFP-PNP. Malinaw na gatasang baka ng AFP ang lahat ng pondong inilalaan sa kanila. Walang kapararakan pa itong winawaldas sa mga walang puknat na operasyong militar at walang habas na pamamaril at pambobomba na nagdudulot ng matinding ligalig sa mga komunidad. Pagtataksil sa bayan ang paglalaan ng ilehitimong rehimeng Marcos-Duterte ng dambuhalang pondo sa militar sa halip na ilaan sa serbisyong panlipunan at ayuda sa panahon ng sakuna at matinding kahirapan.

Nagkakabuhol-buhol ang dila ng AFP na nagsasabing paubos na ang NPA habang sa isang banda ay pinababangis ang mga operasyong militar. Karaniwan ang teroristang pang-aatake sa mga sibilyan sa inilulunsad na mga focused military at retooled community support program operations kagaya ng interogasyon, pananakot at intimidasyon, tortyur, pagsasamantala sa kababaihan, pagkakampo sa mga sibilyan at pampublikong pasilidad, ekonomikong blokeyo, sapilitang pagpapasuko at iba pa. Apat na sibilyan ang napatay, tatlong magsasakang dinukot at isang kaso ng pambobomba ang naitala sa TK mula nang umupo si Marcos Jr.

Katawa-tawa ang pag-aanunsyo ng AFP na dumarami ang bilang ng “napasuko” na lumagpas pa sa ibinabalandra nilang bilang ng NPA. Dumami ang ipinagyayabang nitong sumuko dahil binibilang ang mga magsasaka at maralitang biktima ng militarisasyon. Pinakahuli ang kaso ng 13 magsasaka sa Brgy. San Marcelino, Taysan, Batangas nitong Nobyembre 5 at 888 na pinalabas na “sumukong” NPA, kasapi ng Partido at suporter sa Lopez, Quezon noong Nobyembre 4. Ilan sa kanila’y paulit-ulit nang “pinasuko” mula pa noong rehimeng Duterte.

Kakainin ni Bacarro ang kanyang salita dahil nakatitiyak na lalampasan pa ng NPA at buong rebolusyonaryong kilusan ang kanyang termino bilang hepe ng AFP at maging ang ilehitimong rehimeng Marcos II. Pinatunayan ng kasaysayan na nabigo ang AFP at noo’y diktadurang Marcos I na lipulin ang NPA habang nagsisimula pa lamang ito. Ang labis na krisis at matinding pasismo ng estado ang nagtutulak sa mamamayang mag-armas. Sa TK, nananatiling matatag at nakatindig ang mga larangang gerilya at mataas ang diwa ng mga Pulang mandirigma na isulong ang matagalang digmang bayan.

Ang totoong humihina at mistulang tigreng papel sa harap ng lumalabang mamamayan ay ang bulok na naghaharing sistema at ang AFP-PNP. Sa Quezon, pinalalayas ang mga kampo militar. Sa Batangas, sinisingil ang pamamaslang at pandarahas ng AFP sa mga residente. Sa Mindoro, kinukundena ang pambobomba at walang habas na pamamaril. Patuloy na nilalabanan ang mga proyektong mina at dam sa Laguna, Palawan, Rizal at Romblon sa harap ng pasismo ng militar na nagsisilbing bantay ng mga proyektong ito.

Hindi magwawagi ang inilulunsad na kontrarebolusyonaryong gera ng AFP at ilehitimong rehimeng Marcos-Duterte sa gitna ng labis-labis na krisis ng bayan. Hangga’t may pang-aapi at pagsasamantala, patuloy na lalaban ang mamamayan.

Maaasahan ng sambayanang Pilipino ang kanilang tunay na Hukbo, ang NPA, na pagbabayarin nang mahal ang sagadsaring berdugong AFP-PNP at pasistang estado sa kanilang krimen laban sa sambayanan. Determinado itong isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon hanggang sa tagumpay.###

Linya ng AFP na malilipol ang NPA, gasgas na; kontra-rebolusyonaryong panunupil, mabibigo