Magkaisa at itanghal ang tunay na mga kahilingan at mithiin ng mamamayang Mindoreño sa panahon ng reaksyunaryong eleksyon!
Daig pa ang teleserye sa telebisyon, nagsimula na nitong ika-11 ng Pebrero ang maingay at magarbong palabas ng mga naghaharing uri–ang panahon ng pangangampanya para sa Halalan 2025. Anumang pakitang gilas ng mga tumatakbong burukrata kapitalista, malaon naman nang batid ng masang Mindoreño ang likas na kabulukan sa pulitikang hawak at nagsisilbi lamang sa mga pampulitikang dinastiya ng mga panginoong maylupa-burgesya kumprador sa isla at buong bansa. Kinakailagang magkaisa ang mamamayang Mindoreño upang daigin ang ingay ng reaksyunaryong eleksyon at patambulin ang kanilang mga tunay na kahilingan at mithiin sa harap ng pagdausdos ng kalidad ng buhay at kabuhayan ng mamamayan buhat sa tumitinding krisis sa bansa.
Mula sa simula ng panahon ng pangangampanya hanggang sa araw ng eleksyon sa Mayo, tiyak na pagandahan ng iskrip ang mga pulitiko hinggil sa pagseserbisyo sa mamamayan at pagpawi sa kahirapan. Dapat na hamunin, kung gayon, ng mamamayang Mindoreño ang mga lokal at pambansang kandidato na ihapag sa kanilang mga plataporma ang mga sumusunod:
Una, ang kagyat at epektibong solusyon sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Hindi makasasapat ang simple at panakip butas na price control na ipinatutupad naman na ni Ferdinand Marcos Jr. Kailangang ipanawagan ng mga Mindoreño ang pagbabasura sa mga mapaminsala at anti-mamamayang neoliberal na patakaran ng gubyerno ni Marcos Jr. Nariyan ang Rice Tarrification Law (RTL), Executive Order 62 at iba pang patakarang nakasandig sa importasyon na nagtutulak sa pagmahal ng presyo ng bigas at iba pang batayang bilihin habang pinapatay naman ang lokal na produksyon. Nariyan din ang TRAIN Law, CREATE Law at CREATE More Law na nagpapataw naman ng dagdag na buwis sa mga produkto’t serbisyo na kailangan ng mamamayan habang inililibre mula sa pagbayad ng karampatang buwis ang mga dambuhalang negosyo. Kadugsong nito’y dapat igiit ang pagdagdag ng pondo para sa serbisyo gaya ng kalusugan at edukasyon. Dapat ding umalingawngaw ang panawagan para sa makatwirang taas-sahod at paglikha ng disente at pangmatagalang trabaho para sa mamamayan.
Liban pa sa pagpapabasura ng mga neoliberal na patakaran at pagpalit dito ng mga patakarang kapaki-pakinabang sa mamamayan, dapat kilatisin ang mga kandidato batay sa tindig nila sa suliranin sa kawalan o kakapusan sa lupa ng mga magsasaka na siya namang ugat ng krisis sa ekonomya at kahirapan ng pinakamaraming bilang ng mga Pilipino. Dapat pangunahan ng mga magsasakang Mindoreño ang malawakan at militanteng paglaban sapangangamkam ng mga lupang sakahan upang gamitin para sa pribadong negosyo sa mina, renewable energy o ekoturismo.
Mula sa pagkabatid na para lamang sa makitid na interes ng mga dayuhang negosyo at kasabwat na lokal na pulitiko ang mga proyektong pangkaunlaran na ito, dapat ilantad at itakwil ang mga pulitikong kasabwat ng mga nanghihimasok na dambuhalang negosyo. Isa na rito ang nagaganap sa Bulalacao, Oriental Mindoro. Sa kutsabahan ng lokal na gubyerno, pinapalayasang mga katutubong Mangyan para sa renewable energy project sa Bulalacao partikular ng Domhain Earth Corp. na isa sa pinakamalaking offshore wind project sa buong bansa. Bahagi ang pagpapapasok sa dayuhang kumpanya sa enerhiya sa kabuuang plano ng kanyang angkan na gawing ecotourist spot ang Bulalacao kung saan milyon-milyon ang kikitain ng kanyang mga negosyo. Imposibleng mailingid sa kaalaman ng mga pulitiko ang dambuhalang proyekto subalit bakit tikom ang kanyang bibig at itinatago sa mamamayan ang kaugnay dito? Ganito din ang kaso ng tuwirang pambabalewala ng mga pulitiko ng San Jose Occidental Mindoro sa pagtatayo ng mapaminsalang dam sa ilog ng Kayakyan. Lumalakas ang pagtutol ng mamamayan laluna ng mga katutubo subalit walang pakialam ang mga nakaupong burukrata sa buong probinsya. Tiyak ilalantad lamang ito sa publiko pagkatapos ng halalang 2025 nang sa gayo’y di makaapekto sa “iniingatang” prestihiyo sa mga botante. Hanggat di nasasalag ng isang matibay na kilusang masa ang mga neoliberal na atake sa lupa, trabaho, sahod at kabuhayan ng mamamayang Mindoreño, patuloy na raragasa ang mga ito sa isla at masasadlak lalo sa kahirapan at kagutuman ang mamamayan.
Pangalawa, kasabay ng pagpapatambol sa tunay na pang-ekonomyang interes ng mga Mindoreño, dapat itulak ang mga kandidato na manindigan para sa batayang karapatang tao, sibil at pampulitika ng mamamayan. Pangunahin dito sa panahon ng eleksyon ang karapatan ng mamamayan sa malinis at tapat na eleksyon at sa batayang karapatang mag- organisa, magpaabot ng karaingan at sama-samang kumilos. Dapat magkaisa ang pinakamaraming Mindoreño sa paglaban sa panunupil at karahasan ng 203rd IBde at PNP-MIMARIPA at sa pagbabantay para sa maduming taktika ng mga bulok na pulitiko at paglalantad sa mga ito. Susing usapin para sa batayang karapatan ng mga Mindoreño ang tindig ng mga kandidato sa mga paglabag sa karapatang tao na dinudulot ng de facto martial law at malubhang militarisasyon sa isla. Ang tindig dito ng mga kandidato ang isa sa pinakamalinaw na sukatan kung tunay nga ba silang para sa mamamayang Mindoreño. Kailangang ipahayag ng mga mamamayan ang kanilang pagkamuhi sa mga lokal na pulitikong nagpapagamit sa kampanyang kontra-insurhensya ng AFP-PNP at NTF- ELCAC sa isla.
Habang naninindigan ang rebolusyonaryong kilusan na rebolusyon ang tunay na solusyon at ang reaksyunaryong eleksyon ay isa lamang paraan ng mga naghaharing uri upang linlangin ang masang api na mayroong demokrasya sa isang bulok na lipunan, kinikilala pa rin natin ang halaga nito sa pagtatambol sa tunay na kalagayan at sa pambansa- demokratikong adhikain ng sambayanang Pilipino. Kaya kasabay ng paglalantad sa katangian ng reaksyunaryong eleksyon, dapat imulat ang masang Mindoreño sa ugat ng kanilang kahirapan–ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Mula rito’y dapat mabuklod ang mamamayan para ilantad ang bulok na pulitika ng burukrata kapitalismo at buong lakas na itanghal ang tunay na kahilingan ng mga Mindoreño parasa lupa, trabaho, sahod, batayang serbisyo, karapatang tao at iba pang mga karapatan.
Dapat sunggaban ng mga pwersa ng pambansang demokrasya ang hinog na pagkakataon upang umugat sa masang Mindoreño at pamunuan ang kanilang paglaban. Dapat maorganisa at mapakilos ang paparaming bilang ng mga pambansa demokratikong aktibista, mapalaki at mapalawak ang mga rebolusyonaryong pangmasang organisasyon at mapalapad ang hanay na nagkakaisang kumikilos at lumalaban para sa tunay na pagbabago at hustisyang panlipunan.
Mamamayang Mindoreño, ilantad ang bulok na pulitika ng papet na estado sa isla!
Patambulin ang mga panawagan para sa karapatan sa buhay at kabuhayan ng mamamayan!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!
Makibaka para sa pambansang demokrasya!