Pahayag

Magkaisa at todong labanan ang mapanirang mina sa MacArthur!

,

Mahigpit na nakikiisa ang National Democratic Front-Eastern Visayas sa matapang na paglaban ng mamamayan ng MacArthur, Leyte sa operasyon ng black sand mining ng kumpanyang pagmamay-ari ng pamilya Romualdez sa kanilang bayan. Ito ay pagpapatuloy ng dekada nang pakikibaka ng mga magsasakang residente laban sa mapanirang mina na nagdudulot ng di-mababawing pinsala sa kanilang mga sakahan, hanapbuhay at komunidad.

Ang MacArthur Ironsand Project Corporation (MIPC), kumpanyang nagsasagawa ng black sand mining sa nasabing bayan, ay nag-oopereyt bilang kontraktor ng Strong Built Development Corporation (SBDC). Noong 2007, ginawaran ng Mines and Geosciences Bureau (MGB)-Region 8 ang SBDC ng 25-taong Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) sa 7,411 ektaryang lupaing sakop ng mga bayan ng Dulag, Mayorga, MacArthur, Javier at Abuyog. Binili naman ang SBDC ng Bright Kindle Resources & Investments Inc, kumpanyang pagmamay-ari ni Leyte 1st district representative at dating house speaker Martin Romualdez, noong 2024.

Taong 2012 pa lamang ay mariin nang tinutulan ng mga residente ng MacArthur ang black sand mining sa kanilang bayan. Nagbarikada ang mga taga-Barangay Villa Imelda at Barangay Liwayway laban sa Nicua Mining Corporation, isang kumpanyang nagmimina at nag-eeksport ng black sand (o ironsand) patungo sa China, dahil sa pag-opereyt nito sa ekta-ektaryang palayan kung saan pumapagitna ang Lake Bito na pinagkukunan ng hanapbuhay ng mga magsasaka at mangingisda. Dahil sa pagmimina, natipon sa lawa ang langis at iba pang nakalalasong kemikal mula sa minahan. Ilang beses ding namatay ang tone-toneladang isda at iba pang yamang-tubig mula sa lawa.

Kahit na hindi naipatupad ang ipinangako ng MPSA na “rehabilitasyon” sa mga pinagminahan ng Nicua, noong Setyembre 2020 ay pinahintulutan pa rin ng MGB-8 ang MIPC na dambungin ang 2,300 ektaryang lupain sa MacArthur, Javier, at Abuyog, sa palusot na makatutulong daw ito sa ekonomyang bumagsak bunsod ng pandemya. Ganap itong nakapag-eksport ng 39,000 metriko tonelada patungo sa China noong Enero 2021. Temporaryo lang na natigil ang operasyon ng MIPC noong 2022 matapos masira ang isang kanal na naglagay sa komunidad sa kapahamakan.

Mula nang magsimula ang pagmimina ng black sand sa lugar, hindi nakatulong ang operasyon sa mga residente, bagkus naging dagok pa sa kanila lalupa’t kamakailan, ininda nila ang pinsala sa mga palayan at lantaran pang hinaharangan ng kumpanya patungo sa sakahan.

Inutil ang mga punong burukrata kapitalista sa Regional Development Council habang ang MGB-8, imbis na ipagtanggol ang likas na kayamanan ng Eastern Visayas, ay nagsisilbi sa layaw ni Romualdez. Iginawad ng kawanihan ang dalawang MPSA sa mga kumpanyang nakapailalim sa Marcventures Holdings Incorporated, kumpanyang pagmamay-ari rin ni Romualdez, para minahin ang bauxite sa kabuuang 12,213 ektaryang lupain sa central-west Samar. Ito ay kahit sakop ang pagmiminahan ng Samar Island Natural Park, ang pinakamalaking continuous growth forest sa bansa. Ang mga MPSA sa Samar at ang sa MacArthur ang pinakamalalawak na MPSA sa buong rehiyon, at pawang nakopo ito ni Romualdez.

Sukdulan ang kasakiman ni Romualdez hindi lang sa mga palpak na proyektong flood control at iba pang proyektong imprastruktura, kundi sa paggamit sa poder bilang kongresista para pagkakitaan ang mapanirang mina. Larawan siya ng burukrata kapitalismo, kung saan nagagamit niya ang kanyang pusisyon para makapagnakaw at makapagpalawak ng sariling negosyo, at magpatupad ng mga patakarang nagsisilbi sa interes ng mga imperyalista, kumprador burgesya, at panginoong maylupa.

Sa matagal na panahong hinayaan ng mga papet na rehimen na dambungin ng mga lokal at dayuhang kapitalista ang likas-yaman ng bansa, hindi kailanman nagamit ang mga ito para mapaunlad ang mga Pilipinong industriya. Pinanatiling atrasado ang ekonomiya ng bansa, ginawa itong huthutan ng murang hilaw na materyales at murang lakas-paggawa, at pinagsilbing tambakan ng mga sarplas na kalakal ng mga mas mauunlad na bansa. Lalo pang isinuko ni Marcos Jr ang soberanya ng bansa sa pagpirma kamakailan ng Philippines-United States Critical Minerals Pact, upang todong mangayupapa sa imperyalistang among US at suhayan ang pakikipagkumpetensya nito sa karibal na China, sa kapinsalaan ng mamamayang Pilipino na walang pakinabang dito.

Dapat tuluy-tuloy na labanan ng mamamayan hindi lang sa Leyte kundi sa buong Eastern Visayas at Pilipians ang mapanira at mapandambong na pagmimina. Dapat silang makipagkaisa sa ibang mga komunidad sa paggiit sa karapatan sa lupa at kabuhayan, at anihin ang suporta ng pinakamalawak na hanay ng mga makakalikasang inibidwal at grupo. Dapat nilang ipaglaban ang isang tunay na Pilipinong industriya ng mina na nasa balangkas ng programa para sa pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo, kung saan ang likas-yaman ng bansa ay pinauunlad at pinagsisilbi sa pangangailangan ng mamamayan at hindi pumipinsala sa kanila.

Magkaisa at todong labanan ang mapanirang mina sa MacArthur!