Magwasto at Ibayong Sumulong sa Landas ng Digmang Bayan!
Ipinapaabot ng National Democratic Front-Cavite at rebolusyonaryong mamamayan ng lalawigan ang pulang pagsaludo nito sa lahat ng mga Pulang mandirigma, kumander at kadre ng Bagong Hukbong Bayan ngayong ginugunita natin ang ika-56 taong anibersaryo nito. Sinasalubong natin ang anibersaryo bitbit ang diwa ng pagpapalawak at pagpapalalim ng kilusang pagwawasto, ibayong paghihigpit ng ugnayan sa masa upang higit na makapagpunyagi sa landas ng digmang bayan.
Ito rin ang pinakamainam na pagkakataon upang tayo’y magtipon-tipon at magbigay parangal sa lahat ng mga rebolusyonaryong martir na nabuwal sa digmaan. Sabay-sabay natin itaas ang ating mga kaliwang kamao at alayan ng pinakamataas na pagpupugay ang mga martir ng Kabite na sina Jomar “Ka Ruru” Resurrecion, Marjorie “Ka Fort” Manto, Jun Eric “Ka Japz” Perey, Jayson “Ka Udyr” Pagalan, Roberto “Ka Hassan” Dolleton, Carl “Ka CJ” Labajata, Jay-Ar “Ka Sander” Mercado, Joy “Ka Kyrie” Mercado, Royce Jethro “Ka Danton” Magtira, Jian Markus “Ka Vera” Tayco at sa marami pang iba.
Sa loob ng limampu’t anim na taong pagsusulong ng armadong rebolusyon sa mahigpit na pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, paulit-ulit na pinasinungalingan ng BHB ang mga pahayag at deklarasyon ng AFP at rehimeng US-Marcos na ‘nadurog’ na nito ang mayorya ng mga yunit ng NPA at iisang “mahinang larangang gerilya” na lamang ang umano’y natitira. Sa unang kwarto pa lamang ng taong 2025, nasaksihan natin ang sunod-sunod na ulat ng kapwa malalaki at maliliit na pinsalang natamo ng kaaway mula sa mga taktikal na opensiba at matatagumpay na aktibong pagdepensa ng BHB.
Ibinunga ito ng mabilis at masinop na pagtugon ng BHB alinsunod sa panawagan ng pambansang sentro ng Partido para sa isang kilusang pagwawasto na pangunahin sa pamamagitan ng kilusang pag-aaral na naglalayon na puksain ang umiiral na suhetibismo sa anyo ng empirisismo na siyang nagbubunga sa mga pag-atras, kamalian at pagkukulang na bumabansot sa malakihang pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan sa lahatang antas.
Sa kabilang banda, ipinapaalala sa atin na bagamat malalim nang umuugat ang kilusang pagwawasto, marami pa ang kinakailangang gawin. Higit lalo ang rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran, partikular sa ating probinsya.
Nananatiling mahigpit na tungkulin ng mga rebolusyonaryong mamamayan sa lungsod na ilungsad ang tatlong mayor na kampanyang anti-imperyalista, anti-pyudal at anti-pasista upang mulatin, organisahin at pakilusin ang napakalaking bilang ng masang anakpawis at ang malapad na hanay ng mga panggitnang pwersa para sa demokratikong rebolusyong bayan.
Ngayong sumisidhi ang krisis sa ekonomya at krisis sa pulitika sa ilalim ng mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunang Pilipino, higit lalong namumuo ang mga kundisyon upang mabilis na magsagawa ng walang-kapaguran at masaklaw na gawaing masa sa hanay ng mga manggagawa, maralita at kabataan.
Mas naging agresibo at malaganap ang pagpapalit-gamit sa lupa o Land Use at Coastal Use Conversion Projects (LUCP) sa Cavite sa balangkas ng Regional Development Plan (RDP) ng rehimeng US-Marcos. Patuloy nitong winawasak ang mga lokal na produktibong pwersa na nagreresulta sa pagkasira ng kabuhayan ng daan-daang magsasaka at mangingisda ng probinsya na nagreresulta sa unti-unting pagkamatay ng lokal na produksyon sa agrikultura (kape, palay, pinya) at pangisdaan (tahong, talaba, atbp).
Pangunahing itinatayo dito ay mga ‘road networks’, ‘residential subdivisions’, ‘eco-tourist spots’ at mga ‘commercial districts’ ng mga dayuhang korporasyon na hindi napakikinabangan ng karaniwang mamamayan. Kasabay ng konstruksyon ng mga proyektong ito ang malawakang pagpapalayas sa mga magsasaka, mangingisda at maralitang tigalungsod sa pamamagitan ng pagpapasiklab ng sunog sa mga ‘tagged’ na komunidad o ‘hot demolition’ na siyang sasagasaan ng mga dambuhalang proyekto.
Ang pagtutol sa land conversion at huwad na mga proyektong pangkaunlaran ang nasa unahan ng pakikibakang masa ng mga magsasaka, mangingisda at maralitang tigalungsod ng lalawigan. Aktibong dinedepensahan ng mga lokal na samahan ang kanilang mga komunidad at dinadala sa ligal at mga meta-ligal na pamamaraan ang kanilang pakikibaka upang ipagtanggol ang kanilang kabuhayan, panirikan at karapatan.
Bilang reaksyon ng estado, ipinakat sa probinsya partikular sa syudad ng Dasmariñas ang mga pasistang elemento ng 2nd Infantry Division at 2nd Civil Military Operations Batallion upang maghasik ng teror sa mga komunidad ng mga magsasaka sa Lupang Ramos, Lupang Kapdula at mga karatig barangay nito simula noong 2022. Patuloy din ito sa paglulungsad ng mga Community Information Awareness and Approach Program (CIAAP) sa loob ng mga komunidad at mga paaralan upang linlangin at takutin ang mamamayan. Samantala, ginagamit naman ang mga bayarang PNP-Cavite upang magpatuloy sa sarbeylans, harasment at intimidasyon sa mga aktibista at progresibong grupo.
Ang pinagsanib pwersang 2nd ID, 2nd CMO, PNP Cavite at iba pang elemento ng estado sa lalawigan ang pasimuno sa pagpapakalat ng disimpormasyon at demonisasyon sa rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng ‘terror-tagging’. Sila rin ang nasa likod ng pakutyang deklarasyon na ang Cavite ay nasa ilalim na ng istatus na “Stable Internal Peace and Security” noong Nobyembre 20, 2024 sa batayang wala nang ulat o banta ng CPP-NPA sa lugar. Pinangunahan ito ni Athena Tolentino bilang acting gobernador ng Cavite at BGEN Cerilo O. Balaora bilang chief commander ng 2nd ID. Nagawa nila ito sa implementasyon ng kanilang mga kontra-insurhensyang programa na pagkakampo sa mga barangay, pagbubuwag sa mga lokal na samahang masa, sapilitang pagpapasuko, pambabanta at intimidasyon sa sa bahaging Upland District ng Cavite.
Sa kabila nito, patuloy na nilalantad at nilalabanan ng mamamayan ang mga papatinding pasistang atake. Sinasabayan ito ng pagpapanibagong-lakas ng rebolusyonaryong kilusang masa ng lalawigan. Magpahanggang sa ngayon, nagsusumikap ang mga rebolusyonaryong pwersa sa probinsya na tugunan ang kilusang pagwawasto at mabilis na makapagkumpuni ng mga pagkakamali at pagkukulang nito upang mas mabisang isulong ang rebolusyonaryong pakikibakang anti-imperyalista, anti-pyudal at anti-pasista.
Bagkus, marapat lamang natin na bigyang-diin ang malawak at malalim na pagtataguyod ng kilusang pagwawasto upang makapagkamit tayo ng mas marami pang tagumpay sa ating pakikibaka. Bigyang pansin natin ang kampanyang pagpapasampa sa BHB. Maaaring sukatin natin ang mga tagumpay batay sa ating inaabot sa pagpapalawak at pagkokonsolida sa ating mga pwersa. Higit sa lahat, sukatin din natin ito sa ating inabot ng pagpapalakas ng ating gawaing suporta sa armadong pakikibaka.
Kinakailangan nating ilang ulit na ikintal sa kaisipan ng lahat ng masang-api na ating naaabot, na ang programa ng pambansa-demokratikong rebolusyon ang namumukod-tanging programang nagtataguyod sa demokratikong interes ng mamamayan at pambansang kasarinlan. Makakamit ito, gamit ang mahigpit na pagtangan ng baril at masigasig na pagsusulong ng digmang bayan sa kanayunan sa ilalim ng mahigpit na gabay ng Partido Komunista. Ito ang prinsipal na anyo ng pakikibaka ng Demokratikong Rebolusyong Bayan upang wakasan ang pagsasamantala at hawiin ang daan sa pagtatayo ng isang sosyalistang lipunan.
Ang ating rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan ay may nasimulan na. Subalit kinakailangan pa natin pag-ibayuhin ang pagpapatupad ng ating mga tungkulin upang ganap na makalikha ng isang solido at organisadong lakas. Marami pa ang ating mga pagkukulang at marami pa ang bara na kailangang waksiin. Upang punan ang mga puwang na ito, kinakailangang pagtuunan natin ng pansin ang pagpapasigla ng kilusang pag-aaral sa lahat ng antas habang masikhay na isinasalin sa ating rebolusyonaryong praktika ang mga ginintuang aral na ating nakukuha.
Nang sa gayon ay makatugon tayo sa kilusang pagwawasto at maarmasan ng proletaryong teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo ang ating mga pwersa na babalikat sa mabibigat na tungkulin sa ating rebolusyonaryong kilusan kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Mapangahas tayong magpasampa ng mga kadreng maliliksi at malalakas pa ang pangangatawan upang buong-panahong gumampan ng tungkulin bilang pulang mandirigma ng BHB. Dito natin masasapol ang oryentasyon ng rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran.
Tinatanaw natin na sa mga susunod na panahon, habang nagpapatuloy ang masahol na krisis pampulitika’t pang-ekonomiya at umiigting na pasistang atake ng reaksyunaryong estado, wala nang ibang mapagpipilian ang sambayanan kundi ang tumangan ng armas. Pinatunayan na ito ng mahabang kasaysayan ng tunggalian ng uri sa loob ng mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunang Pilipino.
Ipagbunyi natin ang ika-56 na anibersaryo ng BHB bitbit ang mahigpit na kapasyahan na pag-alabin ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan. Bagamat nakakaranas ng walang humpay, nakapokus at sustenidong operasyong militar ang mga yunit ng BHB, kailanma’y hinding hindi magagapi ang rebolusyonaryong kilusan. Patuloy na lumalakas ang hukbo dahil sa malawak nitong naaani na suporta mula sa masang Pilipino. Markado na sa kasaysayan, na anumang demonisasyon ang gawin ng mga kaaway o atake ang gawin ng mga kaaway, ang tunay na hukbo ng mamamayan ay ang Bagong Hukbong Bayan; at kung wala ang hukbong bayan, wala anuman ang sambayanan.
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Isulong ang Digmang Bayan!